2nd Message

2.6K 72 4
                                    

EMERALD'S POV

Mabilis akong napabalikwas sa aking pagkakahiga. Nakatulog pala ako, hindi ko namamalayan. Nakarating na kaya si Maricar sa Manila? Sana naman maging okay na ang mama niya.

Madilim na sa loob ng kwarto. Naririnig ko ang hilik ng mga kaibigan ko. Tahimik na ang paligid, tapos na siguro ang kasiyahan. Ngayon na siguro ang magandang chance para tuklasin kung ano ang nakalakip na mensahe sa pangalawang larawan.

Dahan-dahan kong binaba ang paa ko sa kama at hindi ko sinuot ang tsinelas ko para mas tahimik akong makapaglakad. Dahan-dahan kong binagtas ang daan papunta sa pintuan ng kwarto. Maingat ko itong binuksan at maingat din akong lumabas sa silid.

Sinalubong ako ng malamig na hangin paglabas ko ng kwarto. Madilim ang paligid. Katiting na ilaw na nanggagaling sa mga larawan sa baba ang nagsisilbing liwanag sa buong kabahayan. Agad kong binagtas ang daan papunta sa hagdan, humawak ako sa makinis na hawakan nito. Maingat kong inihakbang ang paa ko sa baitang ng hagdan. Napangiwi ako ng marinig ang paglangitngit ng hagdan. Kinakabahan akong tumingin sa paligid. Walang tao.

Bawat hakbang at palangitngit ay nakakadagdag ng kaba sa aking dibdib. Nasa kalagitnaan na ako ng hagdan ng makarinig ako ng kaluskos mula sa kung saang parte ng bahay. Napatigil ako. Nakikiramdam. Tanging mga huni ng kulisap at tibok ng puso ko lang ang naririnig ko. Malakas ang kabog ng dibdib ko. Hindi ko alam kung tutuloy ba ako o tatakbo pabalik  sa aming kwarto. Ilang sandali rin akong napatigil at ng hindi na nasundan ang kaluskos ay tinuloy ko na ang pagbaba sa hagdan.

Nakahinga ako ng maluwag ng makarating ako sa baba. Tumingin ako sa mga larawan, nagliliwanag sila dahil sa mga ilaw na nakatutok sa kanila. Tumingin ako sa paligid at ng makumpirmang walang ibang tao ay dahan-dahan akong naglakad palapit sa pangalawang larawan. Isang makisig na lakaki na may mahabang buhok ang nasa larawan. Nakatayo siya ng tuwid at nakasuot ng pangsundalo. Matapang ang hitsura.

Hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Kinuha ko ang malapad na picture frame na nakapatong sa lamesa sa may gilid ng bahay. Ipinantakip ko iyon sa ilaw na nakatapat sa pangalawang larawan. Kasabay ng pagkawala ng ilaw ay ang paglabas ng glow in the dark na mga letra.

PARISUKAT.

ASUL.

SILID.

Tinandaan ko ang tatlong salita na nakita ko at mabilis na inalis ang picture frame na hinarang ko sa ilaw at ibinalik iyon sa dating posisyon nito. Bumalik ako sa tapat ng larawan at sinuri iyong mabuti. Hinawakan ko ang larawan at naramdaman ko ko ang makapal na tekstura nito. Painting pala ito.

Mataas ang lugar kung saan nakasabit ang mga larawan kaya naman kinailangan ko ng tuntungan para masuri ito ng lubusan. Kinuha ko ang bangko na ginamit ko na tuntungan noon. Mabigat ito dahil gawa ito sa kahoy. Dahan-dahan ko iyong inilapag sa tapat ng larawan at maingat akong tumuntong doon.

Mukhang bago pa rin ang mga paintings na ito. Alaga siguro ito sa linis ni Aling Magda. Sinuri ko ang lalaki sa larawan. Wala namang kakaiba. Nadako ang mata ko sa kanang dibdib niya at nakita ko roon ang pangalan niya. MANDO.

Kapangalan niya si Mando? Biglang pumasok sa isip ko ang itsura ni Mando. Ang mahabang peklat nito sa mukha at ang nakakatakot nitong itsura. Natakot ako at kinabahan. Paano kung mahuli niya ako? Binalaan niya na ako noon na wala akong pwedeng galawin sa bahay na to.

Mabilis akong bumaba sa bangko at nagmamadali ko itong binuhat at ibinalik sa dating pwesto. Paakyat na ako sa hagdan ng bigla akong makarinig ng mga yabag. Bigla akong nahirapan huminga dahil sa sobrang pagbilis ng tibok ng puso ko. Nanlamig at nagpawis ang mga palad ko. Tatapak na sana ako sa unang baitang ng biglang may kamay na tumakip sa bibig ko.

Nagpumiglas ako at pilit kong inaalis ang kamay na nakatakip sa aking bibig. Pinagsusuntok ko ang mga braso niya. Hindi ko makita kung sino ang taong nasa likod ko at hindi ko alam kung bakit niya tinakpan ang bibig ko. Pilit akong sumisigaw. Pero nakukulong lang sa aking lalamunan ang mga sigaw.

"Sshhh."  Saway ng tao sa aking likuran. "Ako to... si Joss."

Napatigil ako sa pagpupumiglas ng marinig ang pangalan na kanyang binanggit. Lumuwag rin ang pagkakatakip niya sa aking bibig hanggang sa tuluyan niya na itong tanggalin. Humarap ako sa kanya at nakita ko ang nakakaloko niyang ngiti.

Isang malakas na sampal ang binigay ko sa kanya. Nabigla siya at napahawak sa kanyang pisngi.

"Bakit mo ako sinampal?" Nagtataka niyang tanong.

"Lechugas ka." Pagalit kong bulong sa kanya. Baka kasi may makarinig sa amin. "Tinakot mo ako. Akala ko si Mando ka na. Anong ginagawa mo dito?"

"Sinundan kita nung nakita kitang lumabas ng kwarto." Paliwanag niya. "Ano yung tiningnan mo dun sa picture?"

"Ha? Ah eh..." Hindi ako makahagilap ng isasagot. "Wala yun. Wag mong intindihin yun."

"May nakita akong mga le---"

Hindi niya natapos ang sasabihin niya dahil tinakpan ko ang bibig niya.

"Disoras na ng gabi."

Napatalon kami sa gulat dahil sa malamig na boses na nanggaling sa itaas ng hagdan.

"A-- Aling Magda." Nanginginig kong sabi.

"Umakyat na kayo." Sabi niya.

Mabilis kaming umakyat. At nagulat ako ng biglang hinawakan ni Aling Magda ang braso ko, malamig ang palad niya.

"Anong ginawa niyo sa baba?" Humigpit ang pagkakahawak niya sa braso ko. Nanlilisik ang mga mata niya.

"Ah.. ano ho.. sinamahan ko lang pong uminom ng tubig si Em." Pagsalo sa akin ni Joss dahil hindi ko alam ang isasagot ko.

"Matulog na kayo!" Binitawan ni Aling Magda ang braso ko at tumalikod na para pumunta sa kanyang silid.

Tumingin ako kay Joss. Nginitian niya ako at hinalikan sa noo.

"Salamat." Nakangiti kong bulong sa kanya at pumasok na sa aming kwarto.

Kinakabahan ako sa nangyari kanina. Paano kung nakita pala ako ni Aling Magda? Hindi kaya mapasama ako at ang mga kaibigan ko? Alam kong sikreto iyon. Sikretong natuklasan ko. Sikretong hindi ko aalamin mag-isa dahil dalawa na kami ni Joss na lulutas sa misteryong ito.

To be continued...

Kulto [Soon to be published under LIB]Onde histórias criam vida. Descubra agora