Chapter 10

7.5K 180 3
                                    


"SURPRISED TO see me?" nakangising tanong ni Eliza ng makita ang pagkagulat sa mukha ni Carla.

"Pero ang akala ko-"

"Na si Tito Keiran ang nag-utos na ipapatay ka?" Pagtatapos nito sa sasabihin niya. "Ang galing ko 'di ba? Napaniwala ko kayong lahat na siya ang may kagagawan ng lahat ng death threats na natatanggap mo at ang nag-utos na ipapatay ka."

"Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito?"

Natawa ito sa sinabi niya. "Bakit ko ginagawa ang lahat ng ito? Dahil mang-aagaw ka! Simula noong unang beses na nakita ko siya, alam kong siya na ang lalaking pakakasalan ko. He is the perfect prince for a princess like me. Ang tagal kong naghintay na mapansin niya ako. Tiniis ko ang lahat ng pambababae niya dahil alam kong ako pa din ang pipiliin niya. Halos araw-araw ko din siyang sinusundan. Heck, hindi nabawasan ang pagmamahal ko sa kanya kahit nalaman kong member siya ng isang underground organization." Mariin siyang napapikit ng itutok nito sa sentido niya ang baril. "Kung hindi ka sana dumating sa buhay namin ni Keith at nilandi siya, ikakasal na sana kami ngayon. I've been loving him for so long. Ginawa ko ang lahat para sa kanya. Pero nabalewala ang lahat ng pinaghirapan ko ng dahil sa iyo. Hindi ko matanggap na ipinagpalit niya ako sa isang tulad mo."

Nagmulat siya at tiningnan ito sa mga mata. "Parang awa mo na, gagawin ko ang lahat ng gusto mo huwag mo lang akong saktan." Gagawin niya ang lahat para lang maging ligtas ang anak niya.

Natawa ito sa sinabi niya. "'Di ba sinabi ko sa iyo noon na sa susunod nating pagkikita ay magmamakaawa ka sa akin? Binalaan na kita na lumayo kay Keith pero hindi ka nakinig." Napasinghap siya nang hilahin nito ang buhok niya patalikod. Bahagya itong umuklo sa harap niya para magpantay ang mukha nila. "Ngayon makikita mo kung ano ang ginagawa ko sa mga tulad mong malandi."

Umalingawngaw ang sigaw niya sa loob ng kabahayan kasabay ng putok ng baril. Halos mawalan siya ng malay ng maramdaman ang sakit sa kaliwang balikat niya. Sa nanginginig na kamay ay sinubukan niyang pigilan ang pagdurugo ng sugat.

"What a lovely sight," Eliza said mockingly. Para itong baliw habang nakatingin sa kanya at iwinagayway pa ang baril sa harapan niya. "Ano naman kayang parte ng katawan mo ang isusunod ko?" Pinigilan niya ang pagtulo ng luha ng itutok nito ang baril sa may tapat ng puso niya. "Dito kaya?" Napangisi ito ng makita ang takot sa mata niya. "Nah, I want you to die slowly." Muli itong tumayo at itinutok ang baril sa mukha niya.

"Please, tama na. Nangangako ako na lalayuan ko na si Keith. Hindi na ako magpapakita sa kanya."

"Sa tingin mo ba ganoon ako katanga para maniwala sa mga sinasabi mo?" asik nito sa kanya.

Kailangan niyang makaisip ng paraan para makalayo dito at iligtas ang sarili dahil alam niyang wala itong balak na buhayin pa siya.

Sinipa niya ang paa nito. Hindi nito inasahan ang ginawa niya kaya patalikod itong bumagsak sa sahig at humagis ang baril sa may 'di kalayuan. Pinilit niya ang sarili na tumayo at tumakbo palabas.

Malapit na siya sa may hagdan ng pumailanlang ulit ang isang putok. Naramdaman niya na may kung anong tumama sa likod ng hita niya kaya bumagsak siya sa sahig. Napasigaw siya sa sakit ng ang may sugat niyang balikat ang unang tumama sa sahig. May ilang sandali din siyang pinangapusan ng hininga. Mariin niyang ipinilig ang ulong magsimulang manlabo ang paningin niya.

Hindi siya dapat panghinaan ng loob. Pinilit niyang tumihaya at tumayo pero hindi kinaya ng paa niya at napaupo ulit siya sa sahig.

"You bitch!" narinig niyang sigaw ni Eliza. "Akala mo makakatakas ka sa akin? I'm going to fucking kill you!" Wala na siyang nagawa kundi ang panuorin ang paglapit nito sa kanya. She can smell her death. Mapait siyang napangiti. Mukhang hanggang dito na lang ang kapalaran niya.

Keith, The Heart Thief (Published under Precious Hearts Romances) Where stories live. Discover now