Chapter 13: More Revelations

3.1K 80 17
                                    

PINAUNA ni Aldrin ang mga pulis kasama si Genoveva sa bayan.  Sinabing meron pa siyang aasikasuhin at susunod na lang siya.  Maya-maya ay kasunod namang umalis sina Charlie at Elizabeth.

Matapos magpasalamat ni senyora Clarita kay Aldrin ay hiniling nito na magkasarilinan silang tatlo ni Dexter at Debbie.  Kami naman ni Aldrin ay naiwan sa salas.

“Marami pa din akong gustong malinawan, Aldrin.”

“Sige lang, ano ang mga iyon?”

“Kailan mo pa nalaman na si Genoveva pala ang killer?”

Bahagyang ngumiti ang pulis. “Aaminin ko sa iyo, noong una ay si Dexter ang pinaghinalaan ko pero nang mabasa ko ang manipis na aklat na pag-aari ng senyor ay biglang nagbago ang suspetsa ko.”

“Binasa mo ang aklat na iyon?  Tungkol ba saan ang aklat na iyon?”

“Naglalaman iyon ng family history ng mga Baron, personal na isinulat iyon ni senyor Leon.  Nakasulat din doon ang tungkol sa isang anak na babae sa labas ng kanilang ama pero hindi tinukoy na si Genoveva iyon.”

“Kaya pala parang alam na alam mo ang istorya ng kanilang angkan.”

“Pero syempre, ang ibang impormasyon ay galing kay Doktor Rivero.”

“Hindi mo pa sinasagot ang taong ko.”

“Iyong paano ko nalaman na si Genoveva ang killer?  Simple lang, noong gabing salakayin ka niya at napatay si Mang Andoy, naiwan niya ito.”

Inilabas ni Aldrin ang isang parang tali na gawa sa tela, kulay maroon ito.

“Ano naman ito?” tanong ko.

“Ito lang naman ang ginamit niyang pambigti sana sa iyo.”

Maya-maya ay naalala ko kung sino ang nagmamay-ari ng telang iyon.  “Kay Genoveva nga ito,”  biglang sumagi sa isip ko ang maroon robe na laging suot ni Genoveva.  Iyon din ang suot niya noong pangalawang gabing naka-encounter ko ang anino na si Mang Andoy lang pala.

“Ganon naman pala.  Bakit pinatagal mo pa ang pag-aresto sa kanya?”

“Dahil gusto kong siya mismo ang magkanulo sa sarili niya.”

“At nangyari ba?”

“Oo.  Kanina, naalala mo ba nang sabihin niyang natauhan na ang senyora?”

“Oo, sinabi nga niya iyon?”

“Alam mo namang dalawa lang ang nakakaalam na natauhan na ang senyora kagabi, ikaw at ang killer. I’m sure wala kang ibang pinagsabihan maliban sa akin.  So, bakit alam niya iyon?”

Tama.  Siya nga ang killer na nagtangkang pumatay sa akin kagabi.  Nasa silid na siya ng senyora bago pa man ako pumasok doon at kahit naglalaban kami, malinaw niyang narinig nang sumigaw at matauhan ang senyora.  Nagtataka lang ako kung bakit hindi ko nakilala ang boses niya, ah, siguro sadya niyang iniba ang kanyang boses para linlangin ako.

“Kawawa naman ang mga naging biktima niya.”

“Hindi lang ang mga napatay niya ang mga naging biktima niya.  Biktima din niya si Dexter, dahil sa kanyang mga kasinungalingan ay nakumbinsi niya ang ibang tao dito na siya ang serial killer, at si Debbie, napapaniwala din niya ito na siya ang gumagawa ng mga krimen kapag nageemerge ang kanyang alter. Nag-apply si Genoveva ng isang uri ng defense mechanism to protect herself from shame and guilt, at iyon ay projection.  She projected her crimes to her innocent victims like Dexter and Debbie.”

Napailing ako.  Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos maisip kung paano napaikot ni Genoveva ang lahat ng tao sa villa.  Kung hindi dahil sa magaling na pulis na kausap ko ngayon, malamang ay nagtagumpay siya sa malademonyo niyang plano.

“Pero hindi pa tapos ang trabaho natin, Almira.  Tutulong tayo sa isang medical team na pupunta dito sa nayon ng Magubat upang ipaliwanag sa mga tao ang kahalagahan ng pagpapagamot sa doktor, hindi iyong sa mga sabi-sabi, dasal at ritwal sila nananalig.”

“Oo nga.  Dahil sa kanilang kamangmangan sa medisina at siyensya, ibinabaling nila ang kanilang paniniwala sa mga supernatural belief.”

“Minsan ay nagikot-ikot ako sa nayong ito, at pansin kong laganap ang sakit na malaria at elephantiasis sa mga tao.  Alam kong hindi nila ako paniniwalaan dahil isa lang akong pulis kung kaya humingi ako ng tulong sa local na pamhalaan ng Magdalena upang magsagawa ng medical  mission dito.”

Biglang pumasok sa isip ko ang sinabi ni Kardo noon, ang tungkol sa pagkakasakit at pagkamatay ng kanilang mga anak at ang paglaki ng mga paa at maseselang bahagi ng mga tao, lahat iyon ay iniassociate nila sa ‘white lady’ sa talampas.  Ngunit ang totoo ay wala talagang ‘white lady’ at walang salot o sumpa sa nayong ito.

Maya-maya ay nagyaya naman sa hardin si Aldrin.  Maaliwalas ang kalangitan, senyales ng magandang panahon.  Punong-puno ng mga pulang rosas ang paligid.  Naaliw akong mamupol ng mga bulaklak habang nasa tabi ko si Aldrin.

“Nalutas na din ang kaso ng pagkamatay ng kapatid mo, siguro’y matatahimik ka na.” wika ko nang mapansing nakatitig sa mukha ko ang walang kibong pulis.

Ngumiti ito.  Lumitaw muli ang mapuputi at pantay-pantay niyang mga ngipin.

“Pero babalik pa din ako, Almira.”

“Bakit naman?”

“May panibagong kaso akong  lulutasin.”

“Ha?  Ano na naman iyon?”

“Ang kaso ng puso ko.” Tumitig sa akin si Aldrin, para akong matutunaw.  Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat.  “At sana tulungan mo ako uli, pwede ba?” Dahan-dahang lumapit ang mga labi ni Aldrin sa mga labi ko.

Oo naman, pwedeng pwede.  Sigaw ng utak ko pero walang tinig na lumabas sa mga labi ko dahil pakiramdam ko ay nalulunod ako sa naguumapaw na sayang bumabalot sa buong puso ko’t pagkatao.

-THE END-

*AUTHOR'S NOTE*

Thanks for reading!  Please read also my next horror novel "Hiwaga sa Pulo ni Sara"

My Hunter's MoonWhere stories live. Discover now