Prologo

15.2K 367 100
                                    

Prologo

"Finally, I'm engaged!"

Nagulantang ako sa sigaw ni Grace pero mas nangingibabaw ang sakit na gumapang sa pagkatao ko dahil sa mga salitang pinakawalan niya. Nanginig ang tuhod ko. Ilang ulit akong lumunok nang ipakita niya ang nangingintab na dyamante sa palasingsingan niya. Pinigilan ko ang pag-iyak sa pamamagitan ng pagkagat sa labi pero hindi ko kinaya at tuluyan na akong naluha.

"Friend?" bulong niya sabay hawak sa balikat ko na tila pinatatahan ako. Pero imbes na tumigil ay mas lalo akong naiyak.

Friend. Isang salitang naglalagay sa'kin sa lugar na ayoko namang kalagyan. Isang salitang nagpapamukha sa'kin na hanggang do'n na lang ako--hanggang kaibigan lang. Pinilit kong ngumiti pero hindi ko tuluyang nagawa. Umiling na lang ako at sinabing masaya ako para sa kanya.

Marami pa akong sinabi pero isa lang ang mahalaga sa lahat ng 'yon. "Mahal kita, Grace."

Nagbakasakali akong sabihin niyang mahal niya rin ako... at ginawa niya nga. "I love you, too. Ikaw talaga ang best friend ko for life! Maghanap ka na ulit ng boyfriend!" masayang tugon niya.

Kinagat ko ang labi ko. Paano ko sasabihing hindi boyfriend ang kailangan at gusto ko kundi siya? Paano ko sasabihing akala ko pareho kami ng nararamdaman para sa isa't isa? Bumuntong-hininga ako at bahagyang pumikit. Siguro nga hindi talaga kami pwede, siguro nga pinaasa ko lang ang sarili ko. Kung naging lalaki kaya ako, may tsansa ba ako sa kanya? Umiling ako. Siguro wala pa rin, wala talaga.

Tumango na lang ako at piniling normal na makipagkwentuhan sa kanya. Sinabi ko rin ang plano kong umalis na ikinagulat niya. Aniya'y mami-miss niya raw ako. Kung alam niya lang, mas ma-mimiss ko siya.

Huminga ako nang malalim matapos naming mag-usap. Nagmadali siyang umalis dahil may lakad pa raw sila ng mapapangasawa niya. Nagpasalamat naman sa ako sa Diyos at nakaya kong harapin siya nang hindi nagmamakaawa sa kanyang ako na lang ang mahalin niya.

Dahan-dahan akong naglakad palayo sa lugar na 'yon, palayo sa kanya. Pero hindi pa man tuluyang nakalalayo ay isang malakas na hangin na ang sumalubong sa akin dahilan para mapaatras ako. Hinarangan ko ng kamay ang mukha ko habang ang mahaba kong buhok ay nililipad ng hangin. Nagsimula na ring kumulimlim ang paligid, tila nagbabadya ng malakas na pag-ulan. Nakapagtataka dahil kanina naman ay mataas ang sikat ng araw.

Malakas pa rin ang hangin na para bang pinababalik ako at pinipigilang umalis. Humahampas na nga sa mukha ko ang malamig na hangin at parang akong nilulunod gayong wala naman ako sa tubig.

"Ano ba 'to?" bulong ko.

Luminga-linga ako sa paligid ngunit kapansin-pansin ang kawalan ng tao sa lugar. Binundol ng kaba ang dibdib ko pero pinili kong kumalma. Nang lingunin ko ang lugar na kinatatayuan namin ni Grace ilang minuto ang nakalipas ay napakunot ang noo ko. Isang lalaki ang bumungad sa akin. Matangkad siya at maputi, bilugan ang mga mata at may mapupulang labi. Sa kabila ng itim na t-shirt na suot niya ay kapansin-pansin pa rin ang matipuno niyang katawan.

Hindi ako makapaniwalang hindi siya nababahala sa lakas ng hangin sa paligid. Sa katunayan ay nakangiti pa siya. Nakangiti ngunit may kakaiba naman sa paraan ng kanyang pagtitig--nakakatakot ito. Ang mga mata niya'y waring may kakayahang makapasok sa kaloob-looban ng sinuman. Napaatras ako nang mas lumawak ang ngiti at mas tumalim ang titig niya. Mula sa malayo ay kitang-kita ko kung paano siya naglahad ng kamay.

"Sumama ka sa 'kin." Katamtaman ang lakas ng malagong niyang boses, sapat para marinig ko.

Umiling ako. Pasimple kong itinanong sa sarili kung paano ako napunta sa sitwasyong ito. Kanina lang... kanina... ano nga bang nangyari kanina? Pumikit ako nang maramdaman ang biglaang pagsakit ng ulo ko. Para itong minamartilyo kaya napasigaw ako. Mabilis ang paghinga ko't nanginginig na rin ang kamay ko--hindi ko sigurado kung dahil sa lamig o sa sakit na sumisidhi sa ulo ko.

"Sumama ka sa'kin, Yhinn."

Nagulantang ako sa pagtawag niya sa pangalan ko ngunit mas nakagugulantang nang kusang lumakad ang mga paa ko. Nagsisigaw ako pero walang boses na lumabas. Ang malakas na hangin ay tila nakiisa pa sa pagtulak sa'kin patungo sa lalaking hindi ko naman kilala. Nanginig ang labi ko. Ilang hakbang pa at nasa harapan na niya ako.

Marahas akong umiling. Gusto kong umiyak pero katulad ng boses ko ay walang luhang kumala. Kitang-kita ko kung paano siya ngumiti nang makalapit ako sa kanya. Ang palad niya ay nakalahad pa rin, nang-aanyayang sumama ako sa kanya.

Ilang ulit akong lumunok. Nanlaki ang mga mata ko nang kusa kong iabot ang kanang kamay sa kanya. Pilit kong ikinikilos ang paa ko upang tumakbo pero tila hindi ko na kontrolado ang katawan ko, tuluyan ko nang inabot ang palad niya. Gumapang ang kilabot sa sistema ko.

Ramdam kong mali ang mga nangyayari, mali na sumama ako sa kanya. Gayunpaman ay huli na para magsisi. Huli na.


**

STARTED: MAY 14, 2014

FINISHED: JUNE 6, 2014

Hello, guys. This is my final entry for The Voice of Wattpad (a writing competition that started way back June, 2013). 12 parts lang po ito (prologue + 10 chaps + epilogue). Sana po suportahan n'yo. Salamat.

-justmainey

Ab InitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon