Chapter 7

8.8K 128 3
                                    

CHAPTER SEVEN

SUMILAY ang isang magandang ngiti sa mga labi ni Caselyn nang mamataan ng kanyang mga mata si Driggs habang nakatayo ito at nakasandal sa nakahintong motorsiklo sa gilid at labas ng kanyang paaralan.

Siya ang hinihintay nito. Napakasaya niya sa mga lumipas na araw. Hindi niya lubos-maisip na darating ang mga ganoong sandali sa kanilang dalawa ng binata. Kung minsan ay tatawag ito sa kanya na hindi siya nito maihahatid o masusundo sa eskwelahan. Naiintindihan naman niya ang sitwasyon nito. Ito lang ang mapilit na ihatid-sundo siya. Pero sa kanyang kaibuturan ang gusto niya ang bagay na iyon.

Hindi mabura-bura ang ngiting nilapitan niya ito. Patagilid ang upo nito kaya hindi siya nito mapapansin.

Maingat ang kanyang ginawang paglalakad. Tumikhim siya, "Hello Mister Keyser," bati niya.

Humarap ito sa kanya at gumanti ng isang matamis na ngiti. Kay-ganda talaga ng ngiti nito. Napakasarap haplusin ng dimple nito.

"Nagulat naman ako sayo Case. Akin na 'yan," maagap na kinuha nito ang kanyang bag. Napaka-gentleman talaga nito. Iyon ang isa sa mga katangiang gusto niya sa binata.

"Kumusta naman ang araw mo sa opisina?" nakangiting tanong niya.

"Napakaraming trabaho, mga papeles at dokumento na kailangang pag-aralan. Ganoo pala ang pakiramdam ng isang businessman. Kailangang maging dedicated sa trabaho. Tuwang-tuwa nga si Mommy sa dami ng mga tanong ko," masayang sagot nito.

Ni minsan ay hindi niya narinig na nagreklamo ito sa ginagawa.

"Ganoon talaga, sa una lang mahirap pero sa bandang huli magiging magaan na ang lahat. Sabi nga nila, beginnings are always the hardest," nakangiting pagpapalakas niya ng loob.

"Oo alam ko," nakangiting tugon naman nito. "Siyanga pala Case," naging masuyo ang tingin nito. "Sa susunod na school year ipagpapatuloy ko ang pag-aaral ko ng Business Managament habang nagte-training ako sa kompanya ni Mommy." Anunsyo nito.

Nagagalak siya sa sinabi nito. "Makakabuti 'yan para sayo Driggs. Isa ako sa mga natutuwa sa mga desisyon mo."

Nagbago na nga ito. Ikinatutuwa niya iyon.

"Kaya lang..." lumungkot ang tinig nito.

Kumunot ang kanyang noo, "Kaya lang ano?" ulit niya. "Maganda nga iyon para mas dumami ang matutuhan mo at maging bihasa ka sa paghawak ng kumpanya niyo."

Tumingin ito ng tuwid sa kanyang mga mata. Napalunok siya, bakit bigla siyang kinabahan sa uri ng tingin nito?

Kita niya ang paghugot nito ng isang malalim na hininga. "Gusto ni Mommy na sa America ako mag-aral."

Tila siya pinanlamigan sa sinabi nitong iyon. Naninikip ang kanyang dibdib. Isa lamang ang ibig sabihin niyon kapag nangyari iyon. Hindi na niya makikita pa si Driggs. Ano nga ba ang aasahan niya? Mayaman ito at mananatiling isang mahirap lamang siya. Para siyang pinanghinaan sa isiping iyon. Tama ng ba ang naging desisyon niyang hayaan itong makapasok sa kanyang buhay? Gayong ngayon pa lamang ay sumisigaw na ang katotohanang napakalayo ng kanilang agwat sa buhay.

Kinalma niya ang sarili at pilit na ngumiti rito. "M-mas mabuti nga iyon para... para maganda ang... ang kalidad ng pag-aaral mo," aniya sa nahihirapang tinig. Biglang sumama ang kanyang pakiramdam sa ibinalita nito. Gusto niyang isigaw rito na maganda rin ang kalidad ng pag-aaral sa kanilang bansa. Para hindi na ito kailangang umalis pa.

Heart's Coffee Date SERIES 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now