Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nakaraang araw ng pag-ibig,
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Selyang namugad sa dibdib?
Yaong Selyang laging pinapanganiban,
baka makalimot sa pag-iibigan;
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.
Makaligtaan ko kayang 'di basahin,
nagdaang panahon ng suyuan namin?
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?
Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.
Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa,
nagdaang panaho'y inaalaala,
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.
Sa larawang guhit ng sintang pinsel,
kusang inilimbag sa puso't panimdim
nag-iisang sanlang naiwan sa akin,
at 'di mananakaw magpahanggang libing.
Ang kaluluwa ko'y kusang dumadalaw
sa lansanga't ngayong iyong niyapakan;
sa Ilog Beata't Hilom na mababaw,
yaring aking puso'y laging lumiligaw.
'di mamakailang mupo ng panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin;
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin,
ang ulilang sinta'y aking inaaliw.
Ang katauhan ko'y kusang nagtatalik
sa buntung-hininga nang ika'y may sakit,
himutok ko noo'y inaaring-langit,
paraiso naman ang may tulong-silid.
Nililigawan ko ang iyong larawan
sa makating ilog na kinalagian;
binabakas ko rin sa masayang do'ngan,
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.
Nagbabalik mandi't parang hinahanap,
dito ang panahong masayang lumipas;
na kung maliligo'y sa tubig aagap,
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.
Parang naririnig ang lagi mong wika:
"Tatlong araw na 'di nagtatanaw-tama,"
at sinasagot ko ng sabing may tuwa-
"Sa isang katao'y marami ang handa."
Anupa nga't walang 'di nasisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang kumupas;
sa kagugunita, luha'y lagaslas,
sabay ang taghoy kong "O, nasawing palad!"
Nasaan si Selyang ligaya ng dibdib?
Ang suyuan nami'y bakit 'di lumawig?
Nahan ang panahong isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluta't langit?

YOU ARE READING
Florante at Laura
RomanceFlorante at Laura akda ni Francisco Balagtas. Ang nilalaman nito ay mga saknong, buod at simbolo ng akdang Florante at Laura. Ang mga impormasyon na makukuha ay pinagsama-sama mula sa iba't ibang awtor mula sa iba't ibang sanggunian na nakuhanan ng...