Part 2

10.6K 274 2
                                    

NAG-AAYOS si Rachel ng mga gamot na ibibigay niya sa mga pasyente nang may kumatok sa counter ng nurses' station. Napalingon siya at napatingin sa lalaking naroroon.

Guwapo ito. Makapal ang mga kilay na binagayan ng malamlam na mga mata. Matangos din ang ilong nitong waring nililok. Mamula-mula ang mga labi at maging ang buhok nito ay maayos ang pagkakagupit. Kahit hindi niya tiyak kung nagpapabango ito, sa tingin pa lamang niya ay napakabango na nito.

Akmang ngingiti na siya nang mapatda siya. Parang nakaengkuwentro na niya ang mukhang iyon.

"Ikaw?" gulat niyang sabi nang tuluyan na niya itong makilala. Ito ang lalaking muntik nang makabangga sa kanya noong isang araw. Ang lalaking dahilan kung bakit sa kabila ng Pleasures na iwinisik niya sa kanyang katawan ay umagaw pa rin ang amoy ng duming kumapit sa kanyang palda.

"Hi! Dito ka pala nagwo-work?" Tila nagulat din ito pagkakita sa kanya.

"Ano'ng kailangan mo rito?" mataray niyang tanong.

Ngumiti ito sa kanya. Nakatitig ito sa kanyang mukha. "I'm really sorry for what happened the other day."

Inirapan lang niya ito.

Akala niya ay aalis na ito ngunit nanatili pa rin itong nakatayo sa harapan niya.

"May kailangan ka ba?" iritadong tanong niya.

"Actually, I'm here to see Doctor Matthew Hernandez." Hindi pa rin nito inaalis ang pagkakatitig sa kanya.

Gusto niyang ma-conscious ngunit hindi siya nagpahalata. Sa halip ay tinaasan niya ito ng kilay. "He's busy." Tumingin siya sa relong suot. "Pero parating na iyon para mag-rounds. May kailangan ba kayo kay Doc?" tanong niya sa pormal na tinig. "May pasyente ba kayo rito?"

"Wala naman," simpleng sagot nito. Maging ang ngiti sa mga labi nito ay tila napagkit na roon.

Napepreskuhan na siya rito subalit hindi rin naman niya maitatangging malakas ang atraksiyon nito sa kanya kahit noong una pa lamang niya itong nakita. Tila ito modelo na lumabas sa GQ magazine. Maganda itong magdala ng damit at waring punung-puno ng kompiyansa sa sarili.

"Hintayin n'yo na lang siya sa lounge o kaya ay bumalik na lang kayo." Iyon lamang at tinalikuran na niya ito. Pinigil niya ang sariling lingunin ito.



ABALA si Rachel sa pagbibigay ng gamot nang mapatingin siya sa gawi ng pintuan. Naroon ang lalaking naghahanap kay Matthew at nakatingin na naman sa kanya. Nakaka-conscious ang ginagawa nito at naiinis siya kaya inirapan niya ito, saka itinuloy ang kanyang ginagawa.

Nang matapos siya ay tila walang anumang dinaanan lamang niya ito. Pakiramdam naman niya ay sinusundan talaga siya nito dahil nang bumalik siya sa nurses' station ay sumunod din ito sa kanya.

"Miss," pagkuwan ay tawag nito sa kanya.

"May kailangan ho ba kayo?" pormal ang tinig na tanong niya. Naiilang siya sa ginagawa nitong pagtingin-tingin sa kanya.

"Puwede bang malaman ang name mo?" anito.

"Bakit?" hindi na niya napigilang hindi magtaray.

"Wala lang." Matamis itong ngumiti sa kanya na lalo pang nagpatindi sa atraksiyon niya rito. "Wala kang suot na nameplate. Di sana, hindi na ako magtatanong ng name mo."

Aba at presko talaga! Inalis nga niya kanina ang kanyang nameplate dahil natanggal ang perdible niyon.

"Mister, kung kailangan n'yo si Doctor Hernandez ay maghintay na lang kayo riyan. Marami akong ginagawa at wala akong panahong makipag-usap," mataray na sagot niya.

Tinalikuran niya ito at inabala ang sarili sa pagsusulat sa chart ng mga pasyente. Subalit hindi naman siya mapalagay dahil wari ay may mga matang nag-oobserba sa kanya. Nang muli siyang sumulyap sa preskong lalaki ay hindi nga siya nagkamali.

Nakatitig ito sa kanya at tila wala namang pakialam na ngumiti pa ito kahit na nahuli niya. Inirapan at sinimangutan niya ito bago itinuloy ang kanyang ginagawa.

"James!"

Napaangat ang ulo niya nang marinig ang tinig na iyon ni Matthew.

"Akala ko ay hindi ka na matatapos," nakangiting sabi ng preskong lalaki na humakbang palapit dito.

"Kanina ka pa ba?" tila nahihiyang tanong naman ni Matthew rito.

"Yeah. Okay lang, maganda naman ang tanawin dito, eh." Alam niyang siya ang pinariringgan nito. "Magaganda pala ang mga nurses ninyo rito."

"Rachel, for discharge na si Mr. Cardona ngayon," mayamaya ay baling sa kanya ni Matthew at iniabot sa kanya ang chart ng pasyente.

"Yes, Doc," nakangiting sagot naman niya. Tiniyak niyang hindi gagawi ang tingin niya sa lalaking katabi nito kahit katiting man.

"Siyanga pala, Rachel. Younger brother ko, si James," pakilala nito sa preskong lalaki.

Tumingin naman siya kay James, ngunit sadyang maramot ang ngiti sa kanyang mga labi.

"Hi, Rachel." Buong-tamis na ngumiti si James sa kanya at naglahad pa ng kamay.

Isang pilit na ngiti naman ang isinagot niya rito. Tawag ng kagandahang-asal ay tinanggap niya ang pakikipagkamay nito.

Mabilis na binawi naman niya ang kanyang kamay nang maramdaman ang bahagyang pagpisil nito sa kanyang palad. Lihim na inirapan niya ito at kunwa ay inabala ang sarili sa pagkuha ng mga chart ng pasyente ni Doctor Matthew.

Mayamaya ay nag-rounds na naman si Matthew. Kasunod siya nito at nakasunod din sa kanila si James. Ilang na ilang siya lalo na kapag hindi sinasadyang napapatingin siya rito at nginingitian siya. Anhin na lamang ay hampasin niya ito ng chart dahil sa nadaramang inis.


******

Hello, readers!

Thank you for reaching up to this part.

For some years, readers had the opportunity to enjoy reading this over and over again for FREE.

However, this time around, the complete story found its new home at Dreame. (Ang Dreame ay isa ring reading app na gaya ng Wattpad. Hanapin lamang sa Google Playstore (for Android users) at sa iPhone users, pakihanap na lang din.)

You can search me on Dreame under the username Jasmine Esperanza.

Thank you so much.

*****

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor  

This Man My EnemyWhere stories live. Discover now