IMK-11

3.2K 120 1
                                    

IMK-11

Buong lakas akong gumapang pa hanggang sa maabot ko ang aking dalang inomin. 

"Ah!" pigil na hiyaw ko sa sobrang sakit ng aking mga kalamnan. Sa oras na hindi ko ito maagapan ay makakapatay ako nang labag sa aking kalooban. 

Nanginginig ang aking mga kamay habang binubuksan ang takip ng bote. At nang mabuksan ko ito'y halos lagukin ko ang laman nito dahil sa matinding uhaw. Konti pang kumalat sa aking bibig at damit ang dugong aking ininom mula sa bote. 

Habol ko ang aking hininga. 

"Cereina! Ayos ka lang ba!?" wika ni Shanty sa labas ng aking opsina at kinakalampag niya ang busol ng pintuan. 

"Cereina! Pakiusap, sumagot ka!" anito.

Agad na lumipad ang aking mga palad sa aking bibig. Napahagulhol ako at niyakap ang aking sarili. 

"Luna, pakiusap!" sambit ko sa kawalan. 

"Cereina! Ano ba!? Sumagot ka naman oh!" pagtataas na ng boses ni Shanty. 

Umiling-iling ako. Pinagmasdan ko ang aking mga kamay. Unti-unti na itong bumabalik sa dati. Ang buhok ko'y nagsisimula na ring bumalik sa dati nitong kulay, lalo na ang aking pangil at ang kulay ng aking mga mata. 

"Sisirain ko ang pinto kapag hindi ka pa umimik!" pagbabanta ni Shanty. Agad akong napatayo at inayos ang aking sarili. Ikinubli ko sa aking buhok ang damit kong may mantsa ng dugo. Pinunasan ko rin ang aking labi at itinago ang bote. Pinahiran ko ang aking mga luha. At sa pagkumpas ko ng aking kamay ay nagkusang bumukas ang pinto. 

"Bakit ba!?" galit kong tanong. 

Napaawang naman ang kanyang bibig at akmang lalapit sa akin ngunit agad akong sumenyas. 

"Pakiusap Shanty. Masama ang aking pakiramdam. Iwan mo muna ako. Pakiusap," wika ko at tipid siyang nginitian. 

Natigilan naman ito ngunit wala namang ibang sinabi. Isinarado na niya ang pinto. Napasandal ako sa mesa at nakahinga ng maluwag. Nasapo ko ang aking noo. 

Bigla akong napaisip. Bakit kapag dugo ni Shanty ang naamoy ko o kaya naman ay natikman ay inaatake ako? Pero dati naman nang nangyayari ito sa akin. Ngunit pagdating kay Shanty ay parang lumala yata ang aking biglaang pagbabago. Kung dati ay nakakaya ko namang kontrolin ang aking sarili ngunit ngayon ay hindi ko na alam. 

BUONG natitirang oras akong nanatili sa aking opisina. Ayaw kong lumabas dahil baka ay makita ko na naman si Shanty at baka may mangyari na namang hindi maganda. Ayaw ko nang atakihin pa ulit dahil sa susunod ay hindi ko na ito kayang pigilan pa. 

Bumuntong-hininga ako at inayos ang aking mga gamit. Agad din naman akong lumabas ng aking opisina para makauwi na.

"Senyorita Cereina?" bungad sa akin ni Madre Irene.

"Po?"

"Maari po ba kayong manatili muna? May palabas kasi na magaganap ang mga bata ngayong at gusto ko sanang kayo ang humusga kung sino ang mananalo," anito.

Napaawang ang aking mga labi at napaisip.

"Hindi naman po tatagal ng dalawang oras ang palabas, 'di ba?" alanganin ko pang tanong at alam kong nahalata nito ang paninigurado ko.

"Nako hindi po senyorita Cereina. Pangako, mabilis lang ito. Huwag po kayong mag-alala, ipapahatid ko kayo kay Shanty."

Nahigit ko ang aking hininga dahil sa kanyang huling sinabi.

"Si Shanty? Huwag na po, ayos lang ako," agad na tanggi ko. 

"Kung iyon po ang inyong nais senyorita Cereina," nakangiti nitong sagot na lamang sa akin. Tipid na ngiti lang din naman ang aking naging tugon.

"Ipatatawag ko na lang po kayo senyorita kapag magsisimula na ang palabas," segunda pa nito at nagpaalam na sa akin. Tumango lamang ako at nang makatalikod ito sa akin ay marahas akong napabuga ng hangin. Minamalas ako ng husto. Nahilot ko ang aking batok. Nakalimutan kong itanong kung bakit nandito si Shanty sa bahay ampunan. Nakagat ko ang aking labi. Mamaya ko na lamang siguro itatanong. Sa ngayon ay aaliwin ko muna ang aking sarili sa paglilibot sa buong bahay ampunan.

HABANG nilalakad ko ang pasilyo ay ganoon na lamang ang aking gulat nang biglang may humila sa akin. 

"Ate! Tulong po!" anito ng isang batang lalaki sa akin habang hila niya ang aking kanang kamay. 

"Ha?" tanging sambit ko. Hindi na ito sumagot pa at hinila na ako palabas ng bahay. Tinungo namin ang likirang bahagi ng bahay ampunan. At ganoon na lamang ang aking gulat nang makita ang isa pang bata na nakalambitin sa bubongan ng bahay. 

"Diyos ko!" sambit ko. Agad akong napabitiw sa pagkakahawak sa akin ng batang lalaki at agad na tumunghay sa tapat ng isang batang babae. 

"Kumapit ka lang! Huwag kang gagalaw!" sigaw ko. 

Bigla namang naiyak ang batang lalaki sa aking likuran. 

"Aubrey! Makinig ka kay ate! Huwag mo ako iiwan!" umiiyak nitong wika. 

Nataranta ako at nakagat ang aking labi. Puwede kong talunin ang batang babae upang makuha ito ngunit makikita naman ako ng batang lalaking 'to. 

"Diyan ka lang!" wika ko at agad na umikot. 

Napalinga-linga pa ako sa paligid bago tumalon sa bubong. Walang kahirap-hirap kong nilakad ang bubongan. Nang makalapit ako sa batang babae ay agad ko siyang kinuha at kinarga. 

"Cereina! Anong ginagawa mo sa itaas! Nahihibang ka na ba!?" Napayuko ako sa ibaba at nakita ko si Shanty. 

"Saluhin mo ang bata!" utos ko. Sumunod naman ito kahit bakas sa mukha ang matinding pag-aalala. 

Pumuwesto ako at naglabas ng enerhiya upang pigilan ng konti ang mabilis na pagbulusok nito pababa kasabay nang paghulog ko rito. Nang masalo niya ang batang babae ay nakahinga ako ng maluwag.

Agad niya namang pinalakad ang mga ito at sinabihan pang magtungo sa klinika upang gamutin ang mga gasgas. Pagkatapos ay tiningala niya ako. 

"Diyan ka lang! Aakyat ako!" 

Hindi ako sumagot at deritsong napatingin sa papalubog na araw. Habang ang init ng sikat ng araw ay tumatama sa aking maputing balat. Napangit ako sa kawalan. Nagugustuhan ko na ang kalayaang natatamasa ko kahit pansamantala lamang. Dahil sa oras na bumalik sila ama at ina, tuluyan nang maglalaho ulit ang kalayaang nararanasan ko ngayon. At kailangan kong sulitin ang pagkakataong ito. 

I'M HIS KNIGHT [Zoldic Legacy Book 7]Where stories live. Discover now