5. Rescued

5.9K 184 17
                                    

5

Napagibik si Jericho ngunit si Divina ay nagsaestatwa. Hindi niya maigalaw ang kanyang paa at nang tingnan iyon ay may nakatusok na sanga ng kahoy sa binti niya. Nagsisimula na ring kumalat ang dugo sa kumot niya.

“Huwag ka munang kikilos,” sabi sa kanya ni Jericho habang bumabangon ito. Hinagilap kaagad nito ang lente. Napansin niyang may dugo rin ang binti nito.

“May sugat ka rin,” aniya.

“Galos lang ito.” Itinapat nito ang lente sa paa niya.

May nasambit itong salita ngunit hindi niya maunawaan. Parang nagmura ito ngunit hindi naman tulad ng narinig niyang pagmumura ng kanyang ina noon. Nakakaramdam na siya ng sakit sa kanyang binti.

Marahil nakita nito ang nakamarkang sakit sa mukha niya. Mabilis na ang naging kilos nito. Kumuha ito ng malinis na T-shirt. May kinuha rin itong puting lavacara sa bag nito at tiniklop iyon sa apat. “Divina, tatanggalin natin ang nakatusok sa binti mo. Masakit ito pero tiisin mo sana. Sumigaw ka kung makakatulong iyon sa iyo.”

Tumango siya. Kahit yata ano ay gagawin niya matanggal lang ang kahoy sa binti niya. Inilagay nito ang lavacara sa bibig niya. Kinagat niya iyon.

Hindi niya alam kung matagal o mabilis lang nitong natanggal ang tumusok na sanga sa binti niya. Basta ang alam niya ay napakasakit niyon. Nang magawa niyang tingnan ang binti niya ay nabebendahan na iyon ng T-shirt na hawak ni Jericho kanina. Kinuha nito ang lavacara na nahulog sa bibig niya. Pinunasan nito ang butil-butil na pawis na gumiti sa noo niya at leeg. Pati ang mga luhang hindi niya napunang tumulo ay pinunasan din nito. Pagkatapos ay dinampian nito ng marahang halik ang mga mata niya.

“Kailangang magamot ang sugat mo. Aalis tayo ngayon din.”

Umayon lang siya sa lahat ng sabihin nito. Ibinalot nito ang kapote sa kanya. Pagkatapos ay pinangko siya nito.

“Sasakay tayo kay Zorro. Pero ang mga patibong. Madilim pa at hindi ko gaanong makita ang dinadaanan. Paano kung maapakan ng kabayo ko ang kahit isa lang sa mga iyon?” may pag-aalalang tanong nito nang isakay siya sa ibabaw ni Zorro.

“Inalis ko na ang mga patibong,” pagtatapat niya.

“Bakit?”

“Mula nang dumalaw ka muli sa lugar na ito, natakot na ako na baka dumating ang pagkakataon na mabiktima ka ng mga iyon.”

“Thank you,” mahinang bulong nito sa tainga niya nang makasampa na rin ito sa kabayo. Ilang saglit pa at sinusuong na nila ang malakas na hangin at ulan.  

Sa kabila ng maraming nakahambalang na putol na sanga at natumbang kahoy sa daan, nagawa ni Zorro na lampasan lahat ang mga iyon nang hindi sila naaano.

Ngunit nang sapitin nila ang batis, hindi na nila matawiran iyon. Napakalaki na ng tubig. Bukod doon ay napakalakas pa ng agos. Nagmistulang malaking ilog iyon.

“May alam ka bang ibang daan para makalabas tayo rito?” nag-aalalang tanong nito sa kanya. Imposible nga namang matawid nila ang batis na parang ilog na sa lakas ng agos.

“May alam ako pero malayo. Hindi na iyon sakop ng Bukal. Lokuake na ang nakakasakop sa lugar na iyon.”

“Hindi na baleng malayo. Ang mahalaga madala ka agad sa ospital. Marami nang dugo ang nawala sa iyo.”

Nararamdaman nga niyang basa na ang damit na itinali nito sa sugat niya. “Doon ang daan, sa itaas ng batis.”

May isang oras yata silang naglakbay bago nila narating ang matarik na dalisdis. Maliwanag na ang paligid bagama’t hindi makalusot ang sinag ng araw sa makapal na ulap. Nakadarama na siya ng pagkahilo nang mga sandaling iyon. Mabuti na lang at mahina na ang hangin at ulan.

Braveheart Series 4 Divina Ocampo Paradise Seeker COMPLETEDWhere stories live. Discover now