Chapter 1

9.1K 315 170
                                    


Chapter Zero


Si April—ang pinakamatapang at maton na babaeng nakilala ko. Hindi naman 'yong tipong bully, pero pranka siya. Hindi 'yong prankang nakasasakit. Lagi mo siyang maririnig na ang umpisa ng mga sinasabi niya ay "No offense pero . . ." o kaya "Sinasabi ko lang 'yong totoo."

Gano'n siya magsalita. Ang maganda sa kanya, sa tuwing sinasabi niya 'yon, tinutulungan niya 'yong tao na "gumanda" 'yong kung ano mang napuna niya. Hindi katulad ng ibang tao na basta puna lang, pero hindi naman nila tinutulungan 'yong tao.

Kilalang-kilala ko siya dahil siya lang naman 'yong numero unong kalaban ko noong elementary sa kung ano-anong contest sa math o science. Kahit hindi kami nag-uusap, alam namin sa isa't isa na magkalaban kami.

April Clarysse O. Perez—hindi ko naman alam ang buong pangalan niya, ano? Sa tagal ba naman kasi na lagi kaming nilalaban. Noong una ko siyang nakalaban, noong grade 2 ata 'yon o grade 3, naging crush ko pa siya. Pero ang seryoso kasi niya kapag nakikipaglaban e. Kakumpitensiya kung kakumpitensiya.

Pero siyempre, kailangan mag-"level-up."

Pareho kaming nakapasa sa isang science high school. Nakakatawa lang na unang araw pa lang ng klase, nakita ko siya sa parehong classroom. Ibig sabihin, classmate ko siya.

At ang reaksiyon niya nang nakita ako: "No offense ah. Pero dumating na 'yong araw na kinakatakutan ko."

"Alin?" tanong ko.

"Ang maging kaklase ka."

Tinawanan ko na lang siya. Nandon pa rin 'yong aura ng pakikipalaban. Haha. Pag naaalala ko talaga 'yon, natatawa ako.

Nakalaban ko pa nga siya bilang class president noong ikalawang araw ng klase. Madalas kasi, iyong mga mukhang "geek" ang sinasabak. E dahil nakasalamin ako, binoto nila ako.

Ewan ko nga ba kung bakit ganoon.

Ako 'yong nanalo, tapos siya and napunta sa vice president. Kung tutuusin, mas presidente pa nga siya kasi siya 'yong sumisigaw na tumahimik kami, magbayad ng funds, maglinis ng classroom, at iba pa. Samantalang ako, nagkakalat, nag-iingay at hindi nagbabayad ng funds.

Hindi talaga kami ganoon nag-uusap. Kinakausap lang niya ako pag may kailangan ako gawin. Hanggang sa . . . natapunan ko siya ng juice.

"S-sorry!" sabi ko.

"Anong sorry sorry?" sagot niya nang pagalit. "Alam mo ba kung gaano kahirap maglaba?"

"Alam ko. Ako naglalaba sa bahay."

Nagtawanan ang buong klase. Kumindat lang ako. Joke lang naman 'yon e. Nagulat kaming lahat nang kinuha niya 'yong bag niya tapos umalis siya. Pagbalik niya, nakasuot na siya ng PE shirt.

"Ayan." Tapos binigay niya 'yong blouse niya sa 'kin. "Labhan mo."

Umabot 'yong away namin sa adviser namin. Tapos noon, pinagtabi na kami. Nakakatawa dahil sa kanya ako lagi humihingi ng pad paper, ballpen, at kung ano-ano pa. Hindi niya ako kinakausap. Ako lang 'yong kumakausap sa kanya ng mga kung ano-anong kawalanghiyaan.

"Alam mo," sabi niya, "hindi ako makapaniwala na honorable mention ka."

"Grabe ka naman maka-stereotype," sagot ko.

"Sinasabi ko lang naman 'yong totoo."

Bandang December noong taong din yon, nangyari ang pinakamalungkot na kabanata sa buhay namin.

The 22nd of AprilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon