ANG TEXTMATE KONG SI "D"

1.4K 30 26
                                    

Ang mga bagay sa mundo ay talagang pabago-bago at kadalasan ay hindi inaasahan. May mga pangyayari na hindi natin maipaliwanag kung bakit sa atin nangyayari at  may mga tao na hindi natin alam kung bakit kailangan nating makilala… tulad na lamang ni “D”.

Hindi ko matandaan ang eksaktong petsa pero alam kong Nobyembre iyon, taong 2008. Umaambon-ambon. Alas onse y media ng gabi. Matutulog na dapat ako ng makatanggap ako ng isang business card na ang nakapangalan ay “D”. Tila isang crossword puzzle na kailangan kong sagutan bago ako matulog. Sinubukan kong padalahan ng mensahe ang numero ngunit bigo ako. Walang reply… Ayos! “bahala ka kung ayaw mo!” ang sabi ko sa sarili ko. Wala akong pakialam kung sino sya kaya natulog na ako at nung magising ako kinaumagahan ay siya ang kauna-unahan kong pinadalhan ng good morning message at ilang mga quotes. Sinuswerte naman at nagreply ito. Inulan ako ng napakaraming tanong kung sino ako, taga-saan, ilang taon, email address at at pati yata suki kong tindahan. Binagyo ako ng pangungulit kung saan ko nakuha ang number nya at binaha ako ng double send nyang mga text messages. Parang nabaligtad ang mundo dahil ang alam ko ay ako dapat ang magtanong noon sa kanya. Upang may mapaglibangan ay nagpakilala na rin ako sa kanya at sinagot ang lahat ng tanong niya na daig pa ang isang dalubhasang tagapanayam. Napakamatanong niya at naging ganoon na rin ako hanggang sa naging bahagi na ng araw ko ang pakikipagpalitan ko sa kanya ng text.

Sa ilang araw naming magkausap, nalaman kong ang “D” ay ang unang letra ng kanyang pangalan, Dianne. Maaari ring dalaga, o kaya naman ay Davao kung saan siya nanggaling. Pwede ring Drive para sa Horseshoe Drive sa Quezon City kung saan siya nakatira. Napakabata pa ni “D”. Libra. Magdidisisyete pa lamang siya at mag-uunang taon pa lamang sa kolehiyo sa susunod na school year. Nalaman ko rin na bunso siya sa tatlong magkakapatid. Ang kanyang panganay na kapatid ay may sarili nang pamilya at ang ikalwa naman ay kasama ng kanyang mga magulang sa Davao. May kamag-anak siyang tinutuluyan dito sa Maynila – si Tito Pols - ang tiyo nyang hindi ko mawari kung pulis o sundalo ngunit batid kong nasa serbisyo publiko at ang tiya niyang nagtatrabaho sa isang recruitment agency. Malayong kamag-anak na niya ang mga ito ngunit may mabait na kaloobang sumuporta sa kanyang  pag-aaral dahil na rin sa kawalan ng pantustos ng kanyang mga magulang. Si “D” na raw ang nagsilbing anak ng kanyang Tito Pols at nang asawa nito na hindi pinalad na mabiyayaan ng anak. Sa kabila ng lahat ng ito, wala naman talaga akong masyadong alam sa kanyang personal na buhay… (?)

Ibang paksa naman ang aking binuksan nang sunod kaming mag-usap. “May bf knb?” ang sabi ko at mabilis naman ang kanyang naging sagot, “Wala pa, ayaw ni Tito”. Sabagay, tama lang naman dahil napakabata pa niya at kailangan muna niyang pagtuunan ng pansin ang pag-aaral. Hindi lamang pag-aaral ang naisip kong dahilan ng kanyang mabilis na sagot ngunit alam kong likha lamang iyon ng aking malikot na imahinasyon.

Kadalasan, hatinggabi kami kung mag-usap. (Lagot ako sa nanay ko kapag nabasa niya ito.) Late na ako umuwi galing sa trabaho. Kakain lamang at manonood ng TV pagkatapos ay magtetext na hanggang sa makatulog. Napansin kong late din naman siya lagi nagtetext at marahil ay abala rin siya buong araw. Marami kaming bagay na napag-uusapan tuwing gabi. Iba’t-iba. Mga karanasang malungkot, nakakatawa, nakakahiya, nakakatakot at marami pang iba ngunit hindi ko alam kung bakit sa huli ay lagi kaming humahantong sa isang pribado at sobrang personal na paksa na dapat sana’y iniiwasan ng isang babae lalo na kung ang kausap ay hindi niya kilala. Pilit kong winawakasan ang paksang iyon na alam kong alam nyo na kung ano. Hindi ko nais na husgahan siya ngunit sa kabila ng aking utak ay napakaraming tanong na lalong nagbibigay kumplikasyon sa kanyang pagkatao. Sabik ako sa kapatid na babae dahil pito kaming magkakapatid na lalaki at tanging ang nanay ko lamang ang babae sa aming tahanan kaya naman hindi ko hinayaang humantong pa kami muli sa ganoong usapan.

May isa siyang message sa akin na naging dahilan kaya tumigil akong itext siya ngunit sa patuloy nyang paghingi ng paumanhin ay nireply ko na rin at muli kaming nag-usap. Mas naging masigasig na ako sa aking pagtatanong. Alam kong mayroon siyang hindi sinasabi at minsan nga’y naisip ko pang maaaring hindi naman totoo ang lahat ng bagay na kanyang sinabi tungkol sa kanyang sarili.

Nagtanong ako tungkol sa mga naiisip ko tungkol sa kanya, kung bakit lagi nyang inililigaw ang aming usapan sa ganoong paksa at kung bakit minsan niya akong sinubukang tuksuhin.

Hindi ko maipaliwanag ang aking pakiramdam ng kanyang simulan ang kanyang kwento. Isang kwentong hindi ko pinaniniwalaang nangyayari hanggang sa oras na sinabi nyang totoo at nangyari na sa kanya. Halos hindi ko mapindot ang hawak kong cellphone kahit marami akong gustong itanong. Biktima si “D” ng isang pananamantala. Hindi ko siya kaanu-ano pero damang-dama ko na nasaktan din ako at tila bahagi ako ng kanyang buhay.

Inabuso siya ng kanyang tiyo noong siya ay labintatlong taon pa lamang at noon ay nasa sekondarya. Pang-aabuso na nagpaulit-ulit at umabot ng mga taon hanggang noong mga panahong iyon. Nakakagalit isipin na ang kanyang tiyo na inasahan niyang bubuo sa kanyang pagkatao ang wawasak nito at mag-iiwan ng pilat at karanasang habambuhay niyang dadalahin. Naidetalye ni “D” kung paano ito nangyayari. Pagpasok ng kanyang tiya sa trabaho. Papasok ito sa kanyang kwarto habang hawak ang kanyang baril at dahil sa kanyang kahinaan at takot ay ibibigay niya ang kanyang sarili upang gawing parausan ng walang kaluluwa niyang tiyo. Bagay na noon ay sadyang lubos kong inalala. Gusto niyang tumakas ngunit hindi siya makawala at wala siyang lakas ng loob dahil sa banta nito sa kanyang buhay pati na rin sa buhay ng kanyang pamilya. Gusto kong maiyak dahil nararamdaman ko ang bigat ng kanyang problema. Gusto ko siyang puntahan ngunit ayaw niyang ibigay ang kanyang totoong address. Gusto ko siyang tulungan ngunit ayaw niya. Noong panahong iyon ay naramdaman kong wala akong silbi. Wala akong magawa.

Maysakit si “D”. Inamin niya sa akin na nakakaramdam siya ng kaligayahan at satisfaction sa tuwing pag-uusapan ang ganoong paksa. Marahil ay trauma. Sa huli’y hindi na siya kailangan pang pilitin ng tiyo niya. Alam na niya ang mangyayari at tanging mga tahimik niyang luha na lamang habang nagaganap ang pananamantalang iyon ang magpapatunay na hindi siya sang-ayon na mangyari iyon. Masakit para sa akin na wala akong magawa. Gusto ko siyang bigyan ng solusyon sa problema niya ngunit paano kung siya mismo ang umaayaw dito. Gagawa raw siya ng sarili niyang paraan at sisiguraduhin niyang matatakasan niya ang mala-impyernong bahay na iyon…

Ang tanging nagbibigay sa akin ng pag-asa ay ang kanyang mga pangarap, mga nais niyang makamit para sa kanyang pamilya, mga gusto niyang maabot pagdating ng araw. Katapangan ang nakikita ko sa kanya. Katapangang pagkatapos madapa ay babangon at muling tatayo. Determinasyong harapin ang takot at wakasan ito.

Asan na kaya si “D”?

Out of coverage area na ang number niya at wala na akong balita kung ano ang nangyari sa kanya.

Sayang. Hindi ko siya nakita. Hindi ko man lang siya naakap at nasabing kakampi niya ako.

Sana’y makasalubong ko siya minsan. Sana’y wala na siya doon. Sana’y malapit na niyang matupad ang kanyang mga pangarap.

Ngayon, lubos ko nang nauunawaan kung bakit ko siya kailangang makilala. Isa siyang babaeng aking hinangaan at minahal.

___________________________________________________________________________

Matutulog na dapat ako ngayon, mag-aalas onse y media na eh, kaso may dumating na business card.

 Letter “E”.

Isang crossword puzzle na naman…

 Haaaay! Lintek! Check-op!

__________________________~~*~~__________________________

Salamat sa panahong iniukol mo sa aking pahina - ito ang nagbibigay dahilan sa akin upang patuloy na sumulat at magbahagi. Sana'y mabasa mo rin ang iba ko pang mga tula at kwento at makalikha ako ng ngiti/luha sa 'yong mukha. Hindi ko sasayangin ang panahon mo. Lubos kong ikaliligaya kung makapag-iiwan ka ng iyong rekomendasyon, puna o anumang reaksyon patungkol sa aking akda.

Nagmamahal,

Sami Bathan de Ramos

ANG TEXTMATE KONG SI "D"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon