lilith told me, "three"

311 21 4
                                    

Maririnig ang kalansing ng kadena dahil sa lakas ng pag-ugoy sa swing na sinasakyan ni Aly. Hawak niya ang isang kamay ng manika niyang si Lilith habang dinuduyan ang sarili sa maka-lawang na swing set sa isang lumang playground malapit sa eskwelahan.

Dito siya laging pumupunta sa tuwing gusto niyang mapag-isa. Tahimik at bihirang puntahan ng mga tao ang lugar na ito dahil maraming nagsasabing may mga espiritung gumagala dito, ngunit wala pa namang nararanasang kakaiba si Aly, at duda rin siyang may kakaiba siyang makikita sa lugar na ito.

Malakas pa rin ang pagtibok ng puso ni Aly habang nakatitig siya sa pulang langit dala ng hapon. Unti-unti nang tumitigil ang pag-ugoy ng sinasakyan niyang swing at dumadampi na rin sa kanyang mga binti ang mga mahabang damo. Nakakalat sa kanyang paligid ang mga punit-punit na pahina ng kanyang notebook.

Inisip ni Aly kung ano bang nagustuhan niya kay Sage at hanggang ngayon ay di pa rin niya magawang magalit dito. Walong taon na niyang gusto ang lalaking ‘yon, pero kahit kailan di pa siya nito nilingon o kinausap man lang. Kanina lang ang kauna-unahang pagkakataon niyang makita nang malapitan si Sage at kahihiyan pa ang inabot niya dito.

Sinundan niya ang magkakaibigan hanggang sa abandonadong bahay na pinagtatambayan nila para makita ulit si Sage at kausapin ito. Gusto niyang magalit, gusto niyang sigawan ang apat na lalakeng ‘yon, pero nang makita niya si Sage habang nagtatago siya sa likod ng puno ng mangga, para siyang natuod at di na ulit makagalaw, kaya umalis na lang siya at dumiretso dito kung saan malaya siyang sabihin kung anong gusto niya. Maaari niyang isigaw lahat ng galit niya nang di nalalaman ni Sage.

Para siyang tanga.

Bumaba siya mula sa swing at pinulot ang backpack na ibinaba niya sa damuhan. Paalis na sana siya nang biglang may tumawag ng pangalan niya.

“Aly?” sabi ng boses ng isang babae. Lumingon si Aly sa likod niya.

At nandoon, nakatayo at may hawak na sobre ay si Cj. Anong kailangan niya? tanong ni Aly sa sarili. Lumapit si Cj sa kanya at inabot ang sobre.

“Uhm, pinabibigay ni Sage,” sabi ni Cj.

Sinukbit ni Aly ang backpack bago tanggapin ang sobre. Binuksan niya ito, pero pinigilan siya ni Cj. “Wag mo munang basahin!” Nagulat si Aly at napatitig sa kanya. “Ah – eh, ang ibig kong sabihin, kapag ikaw na lang mag-isa. Saka mo na lang basahin para walang ibang makakita.”

Tumango si Aly. “Sige. Salamat, Cj. Pasabi na lang din kay Sage salamat din.” Tumalikod si Cj at umalis na.

Pinagmasdan siya ni Aly habang lumalakad papalayo at nakita niyang mayroon namang babaeng lumalakad papalapit sa kanya. Si Geeann, ang girlfriend ni Sage. Tumigil ito nang magkalapit na sila ni Cj at nag-usap. Di narinig ni Aly ang pag-uusap nila dahil malayo ang dalawa mula sa kanya.

Bakit kinakabahan ako?

Humigpit ang hawak ni Aly kay Lilith habang nag-uusap sina Geeann at Cj. Matapos silang mag-usap, lumapit sa kanya si Geeann.

“Hi, Aly,” sabi nito. “Kamusta? Okay ka na ba?”

“Okay lang naman,” pagsisinungaling niya.

Hinawi ni Geeann ang buhok sa likod ng tenga niya. “Aly, gusto ko lang sanang humingi ng tawad sa‘yo sa ginawa nina Sage kanina. It was inappropriate at sobrang nakakabastos. Ako na mismo ang nahihiya sa ginawa nila. Di ko alam kung mapapatawad mo sila, pero I hope walang gulong mangyayari.”

“W-wala, Geeann. Ayos lang,” sabi ni Aly. “Eto nga nagbigay na ng sulat sa‘kin si Sage. Tingin ko eto na yung sorry niya.” Ngumiti si Aly.

Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Geeann. “Oh,” sabi niya na parang gulat. “Oh, a-alright. Sige.” Nawala ang gulat na itsura ni Geeann at napalitan ito ng isang matamis na ngiti. “Yun naman pala eh. So okay tayo – I mean, magiging okay na kayo?” tanong ni Geeann.

Tumango si Aly. “Salamat,” sabi niya.

“You’re welcome. At salamat din kasi naiintindihan mo ako. Sage can be a huge asshole, pero mabait naman ‘yon. Don’t worry, ako bahala sa ‘yo.” Hinawakan ni Geeann ang kamay ni Aly, dahilan para mawala ang kabang nararamdaman ng niya. “And alam mo ba, whenever I talk to you, para akong nakikipag-usap sa sarili ko.”

“Bakit naman?” tanong ni Aly. Dahan-dahan niyang binawi ang kamay niya.

“Kasi parang pareho tayo ng boses,” sabi ni Geeann. “I know it sounds weird and stupid, pero di lang kasi ako ang nakakapansin eh. And I can’t help but think that we can be like sisters.”

“Sisters?”

“Mm-hmm. Ano sa tingin mo?”

Di mapigilan ni Aly na mapangiti. “Pwede.” Tumawa silang dalawa.

“Ang ganda naman ng bracelet mo,” sabi ni Aly habang tinitignan ang gintong bracelet sa kanang braso nito.

“Ah eto ba?” sabi ni Geeann. “Bigay ‘to ni Sage sa ‘kin. Anniversary gift. Ang sweet niya ‘no?”

“Ah, oo nga,”sagot ni Aly.

Maya-maya pa, umalis na rin si Geeann habang lalong pumupula ang langit. Binasa agad ni Aly ang sulat, at tama nga ang kanyang hinala.

Humihingi ng tawad sa kanya si Sage, at gusto pa siyang makita nito. Magtatatalon na sana siya sa tuwa nang maalala ang sinabi ni Geeann. We can be like sisters…

Parang may biglang kumurot sa puso niya. Pero mas matimbang pa rin ang kasiyahan niya sa pagkikita nila ni Sage ngayong gabi. At alam niya ang lugar kung saan sila magkikita.

“Lilith, magkikita kami ni Sage!” tuwang-tuwang sabi ni Aly sa kanyang manika. Pero napawi ito agad nang may mapagtanto siya. “Kaso wala akong kasama.”

“Di totoo ‘yan. Kasama mo ako,” sabi ni Lilith.

-------x

Don't forget to comment your reaction and click the little star up there if you liked this chapter. It really means a lot. :D

Lilith Told Me To [Completed]Where stories live. Discover now