Chapter 4

7 1 0
                                    

Bagong Salta

Maraming bata ang nag-aagawan sa apat na platong kanin na nasa lapag . Isang beses lang kaming pinapakain sa isang araw, kaya halos lahat ng mga kasama ko ay nakikipag-away para lamang dito. 

Kahit wala kaming ulam ay hindi kami makapagreklamo. Mas mabuti na ito kaysa naman ma-ulit kahapon na hindi kami pinakain. Hindi kasi kami nakaabot sa quotang binigay nila. 

"Ate, uwi na tayo." Apat na araw na kaming nakakulong sa isang maliit na bahay. Malayong-malayo ito siyudad na tinitirhan namin. Walang bentilador dito kaya napakainit. Nagsisiksikan kami sa iisang silid. 

Kumuha ako ng dalawang dakot na kanin at pumwesto sa tabi ni Danilo. Binigay ko sa kanya ang kanin na nasa kanang kamay ko.

"Shhh, gagawa ng paraan si Ate. Tumahan kana, baka dumating sila. Gusto mo bang ikulong ka ulit sa aparador na 'yon?" Tanging iling lamang ang sagot niya sa 'kin. Pinagpatuloy nalang namin ang pagkain sa gilid. Mas mabuting may laman ang mga tiyan namin para mamaya. 

Nang makarinig kami ng kalansing ng susi ay dali-dali kaming tumayo. Ramdam ko ang panginginig ng kamay ni Danilo. Matiim kaming pinagmasdan ng isang lalaking balbas sarado at sa tingin ko'y nasa kwarenta anyos na siya. 

Walang nagtangkang gumalaw, kahit huminga ay pigil na pigil naming lahat. Tanging yabag ng paa niya lamang ang bumalot sa apat na sulok ng silid. 

"Makinig kayo."  Kung gaano siya kalaki ay kabaliktaran naman nito ang boses niya. Sa sobrang tinis ay maikukumpara na namin ito sa kalansing ng mga kubyertos.  Halos lahat kami ay nagpipigil ng tawa sa tuwing naririnig namin siyang nagsasalita.  Ayaw kong matulad sa batang binugbog niya noong mahuli niya itong tumatawa sa harapan niya, kaya yumuko na lang ako. 

"Dating gawi, hanggang alas singko ng hapon lang kayo pwede. Isang libo ang quota niyo. Ang hindi makakaabot sa quota, hindi makakakain bukas.  Maliwanag?" sabi niya sa amin. Iilan lang kaming sumagot.

"Sagot!" ulit niya. 

"Opo!" Sa sobrang kaba, pumiyok ang batang nasa harapan ko. 

Sinen'yasan niya kaming pumunta sa grupo namin dati. Sampung grupo lahat, bawat grupo may limang mga bata. Magkahiwalay kami ng kapatid ko. Wala akong magawa, baka lalong mapahamak kami kung pipilitin kong makasama si Danilo. 

Maswerte ako ngayon dahil nasa iisang van kami ni Danilo. "Danilo, sundin mo lang mga kagrupo mo. Dapat makaipon ka ng dalawang daan," paalala ko sa kanya. 

"Ate gusto ko na pong umuwi." Umiiyak na naman siya. 

"Beth, pwede bang bantayan mo siya," pakiusap ko.

"Huwag kang mag-alala, ako nang bahala, Ashia." Noong unang araw namin dito, si Beth ang nakapalagayan ko ng loob. Mahigit isang taon na siya nandito. Marami na raw sila dati kaso bigla nalang nawawala. 

Hindi kami pwedeng tumakas at hindi ko ring magawang magsumbong kasi nakamasid sila. May mga nagbabantay sa bawat kilos namin. 

Kanya-kanyang diskarte kami sa paghahanap ng pera. May ibang namamalimos, ang iba naman nagnanakaw para lang makaabot sa quota. 

May kasama akong batang lalaki, apat na taon pa lang siya. Ako ang nakatoka sa kanyang magbantay ngayon.  

"Kuya, pahingi po kahit kunting pera lang para panggatas lang ng bunso namin," pagmamakaawa ko sa isang lalaking napadaan sa overpass.  Nilagpasan lang kami ng lalaki. 

Maraming beses kaming binalewala ng mga dumadaan, nakaka 120 pesos palang kami. Ala una na ng hapon, kailangan pa namin makabuo ng 280 pesos. Hindi pa kami nakakalahati, apat na oras nalang natitira. 

"Willy, marunong ka bang umiyak?" umiling siya. 

"Kapag hindi ka umiyak kukunin nila 'tong toy mo," turo ko sa hawak niyang tig-bebenteng laruan na baril. 

"Ayaw ko. Akin to eh." Itinago niya sa likuran yung laruan.  

"Kung ayaw mo kunin nila, umiyak ka. Takpan mo mukha mo tapos kunwari iyak ka. Ganto oh," sabi ko habang tinuturo ko sa kanya kung paano. May paparating na lola kaya sinenyasan ko si Willy na um-acting. Naawa ang matanda sa amin kaya binigyan kami ng sampung piso. Mas okay na 'to kaysa wala. 

Kumusta na kaya si Danilo? Sana maka-abot siya sa quota. 

Alas siyete na ng gabi, nakaabot kami sa binigay na quota ganun din sa grupo nila Beth. Sumobra ang kita namin kaya sinubukan kong magtago ng bente. Pa-simple ko itong isiniksik sa nakatali kong buhok. Nagpapasalamat ako dahil makapal ang buhok ko, 'di nila mahahalata. 

Itinago ko ito agad sa likuran ng aparador. Kailangan kong makaipon ng pera para maka-alis kami rito. Sa pagkakatanda ko nakaka-singkwenta na ako. 

Dalawang linggo na kami nandito. Disyembre na, malapit na magpasko at malapit na rin ang birthday ni Danilo. 

Pinagmasdan ko siyang nakahiga sa malamig na semento. Kumuha ako ng isang karton at pinaypayan siya. Hindi kasi siya makatulog kapag hindi siya pinapaypayan ni Inay. Kumusta na kaya sila? Anong ginagawa nila ngayon? Malamang nag-aalala na sila sa 'min.  

"Miss na miss ko na po kayo," mahinang sambit ko. 

Matutulog na sana ako pero nakarinig ako ng kalansing ng susi. May lalaking pasuray-suray na naglalakad.  Kita kong may hawak siyang bote ng Gin. Pamilyar ako sa inuming iyon dahil ito palagi ang nakikita kong iniinom ni Itay tuwing pagod siya. Nakatalikod siya sa pwesto namin kaya hindi niya napansing gising pa ako.

Gabing-gabi na kaya halos lahat samin ay tulog na. Bakit siya nandito? May binuhat siyang isang bata. Anong gagawin niya sa kanya? 

"Nawawala si Lei," bulong sa akin ni Beth. 

"Sinong Lei?" 

"Yung sobrang puti na bata sa kabilang grupo." Siya yung babaeng nakita ko kagabi. 

"Beth, nakita kong kinuha siya kagabi," mahina kong sambit sa kanya. Nakokonsensya ako dahil wala akong nagawa. 

"Nag-uumpisa na naman siya." Magsasalita pa sana ako kaso dumating na yung lalakeng nagbabantay sa 'min. Siya yung kumuha kay Lei. Kailangan na talaga naming makatakas dito. 

~

Miss_Atalanta

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 21, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The Enticing World of FictionWhere stories live. Discover now