04

92 41 1
                                    

4th Piece Title: Sana ako na lang.
©PMBPoemOriginal (2019)



Sana ako na lang at hindi na lang siya.
Bakit ba kasi hindi puwedeng ako na lang?
Ganoon nga ba ako kahirap mahalin, na kahit piliin ay hirap kang gawin?

Alam mo sa totoo lang,
Nasasaktan ako, oo.
Mas lalo na kapag nakikita kitang masaya sa piling niya.
At kapag mas gusto mong kasama siya, kaysa sa akin na katropa mo lang.

Iniintindi kita,
Inaalagaan ng higit pa sa pagkakaalaga niya.

Sa pagkakaalam ko ako ang nauna pero bakit ngayon may nakikisawsaw na?
Mahal, puwede ba?
Puwede nga bang tayo na lang dalawa at huwag mo na siyang idamay pa?

“Sana kasi ako na lang...”

E 'di sana hindi ka nasasaktan ngayon
Kung sana ako 'yung pinili mo no'ng mga panahon na pinapapili kita
Hindi mo na sana kailangan pang humanap ng iba
Dahil sa pag-ibig ko pa lang sigurado akong mabubusog ka na.

Bakit ka pa kasi lumilingon sa iba?
Hindi pa ba ako sapat para maging masaya ka?
Narito naman ako, a?
Nandito naman ako
Ako, na kahit ayaw mo ay nananatili pa rin sa tabi mo.

Masakit, oo, masakit talaga,
subalit, mahal, tatanggapin ko.
Kung ito lang 'yung kailangang gawin ko para makita kitang palaging nakangiti.

Sige, gagawin ko.
Hindi man dahil sa 'kin ang iyong pagngiti,
atlis alam ko sa sarili ko na napasaya kita kahit konti.

Mahal, pakatandaan sana na ikaw lamang.
Ikaw lamang ang tanging laman ng puso kong tanga at bulag sa pag-ibig na mayroon ako sa 'yo.
Hindi ko alam kung bakit ganoon...
Pero kasi, ganito ako, mas lalo na sa espesyal na tao na tulad mo.

Tandaan mo sana na kahit anong mangyari
Nandito ako, ako na itinuturing mong kaibigan kahit na ang turing ko sa 'yo ay
ka-ibigan.

Nawa sana'y hindi ka na masaktan muli
Hangad ko ang kasiyahan para sa 'yo.
Hangad ko ang kaligayan sa relasyon ninyo.
Hindi ako bitter,
Hindi ko kasi kayang hadlangan ang kasiyahan mo
Mas okay na sa 'kin ang masaktan kaysa makita na naman kitang umiyak sa harapan ko.

Sana malaman mo na
kahit anong mangyari,
Mamahalin pa rin kita...
Kahit na, may iba ka na.


Spoken Word PoetryWhere stories live. Discover now