CHAPTER ONE

16.3K 229 4
                                    


FRUSTRATION ni Tatay ang magkaroon ng anak na lalaki. Subalit dahil sa takot na muling babae ang ipagbuntis ni Nanay—lalo at mahirap ang buhay—ay hindi na sila nagtangkang magdagdag ng supling. Tatlo kaming magkakapatid na pulos babae. Ayaw ring magaya ng aking mga magulang sa kakilalang mag-asawa ng mga ito na sa kakahabol na magkaanak ng lalaki ay umabot sa isang dosenang babae ang anak.

Sa tatlong magkakapatid, ako raw ang pinakasinawimpalad. Hindi ko raw kasi namana ang kagandahan ng aking ina. "Ugly duckling" daw ako. Sablay raw ang pagkakagawa sa akin ng nanay at tatay ko. Marahil ay isa iyon sa mga dahilan kung bakit kadalasan ay ako ang napagbubuntunan ng galit ni Tatay.

Iba ang trato niya sa akin kompara sa dalawang kapatid ko. Ang panganay na kapatid ko, dalagita pa lang ay marami nang lalaki na gustong pumorma. Parating puno ng manliligaw ang aming bahay. At kahit hindi sinasabi ni Tatay, alam kong proud siya sa dalawang kapatid ko na parehong maganda.

Iyong bunsong kapatid ko ay madalas namang makuhang flower girl sa mga kasalan. Mula kinder hanggang grade school ay parati itong muse sa klase. Paborito ring panggigilan at paglihihan ng mga kapitbahay naming nangangarap na magkaroon ng anak na kasing-cute nito.

Eh, ako?

Ano nga ba ang maipagmamalaki ng isang Socorro Guillermo? Sinauna raw ang pangalan ko kaya hindi kagandahan. Ganunpaman, naging maganda pa rin ang tingin ko sa aking sarili. Hindi ako nawalan ng kumpiyansa. Parati akong bida sa eskuwelahan. Masipag akong mag-aral kaya hindi ako nawawala sa top five sa aming klase. Marami rin akong talent. Mahusay akong mag-drawing, magaling din akong umarte, at magsayaw. Ang lahat ng ito ay lingid sa kaalaman ng aking tatay.

Hanggang sa may masaklap na pangyayaring nagpabago sa aking buhay. That happened a long time ago in Bolinao, Pangasinan. Iyon ay nang laitin ako ng dalawang lalaking kapwa mahalaga sa akin—ang tatay ko at ang first love kong si Hans.

Nang sumampa sa beinte ang aking edad, malaki ang naging transpormasyon sa pisikal na anyo ko. Ano nga kaya ang naghihintay na kapalaran sa akin?




"ANG TAGAL naman ng dalawang 'yon," nabubugnot nang sabi ni Socorro. Nakaupo siya sa hood ng isang kotse.

"Hoy, babae! Lumayas ka sa kotse ko!"

Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses na iyon ng isang lalaki. Nakapamaywang ito, nakasimangot at abot hanggang anit yata ang pagkakatikwas ng kilay. Sa hitsura at tono ng boses ay nahulaan niyang bakla ito. Kulang na lang ay bumuga ng apoy ang bibig nito sa galit.

"Ang dami-daming matatambayan, kotse ko pa ang napili mo," dagdag nito. "Alis na! Tsuu!" Pumilantik pa ang mga daliri nito. Para siyang langaw na binubugaw nito.

Umahon siya mula sa pagkakaupo. Hinagod niya ng tingin ang kabuuan ng lalaki. Nagtagal ang mga mata niya sa mukha nito. Pamilyar ito sa kanya. "Parang kilala kita," kapagkuwan ay wika ni Socorro.

Inirapan siya ng lalaki. Pagkatapos ay lumapit ito sa kotse  at pinunasan ng inilabas na panyo ang parte na inupuan niya. In fairness, hindi lang mukhang bagong linis ang makintab na kotse nito kundi mukha talagang bagong bili.

"Lagyan mo kaya ng kulambo para hindi dapuan ng langaw," pambubuska pa niya.

Smug pa rin ang hitsura nito. Pilit na naman niyang hinagilap sa kanyang memorya kung saan niya nakilala ito. Pagkatapos punasan ang kotse  ay sumakay na ito sa driver's seat.

THE STORY OF US 5: SOCORRO AND HANS (published under PHR1953)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon