CHAPTER FIVE

6.6K 141 3
                                    


SA WAKAS ay nakarating si Socorro sa Baryo Balayan. Malaki na ang ipinagbago ng  lugar. Sementado na ang dati-rati ay lubak-lubak na kalsada. Umarkila siya ng tricycle na maghahatid sa kanya sa kanilang bahay. Sinipat niya ang kanyang wristwatch. Pasado alas-dose na ng tanghali. Kapag ganoong oras ay tiyak niyang wala sa bahay ang kanyang ama. Bihirang mapirmi ito sa kanilang bahay. Mas nais nito na namamalagi sa kanilang tindahan. Napailing-iling siya. Noon pa man ay matindi na ang hangarin ng ama  na muling yumaman.

Natatandaan pa niya ang kuwento sa kanya ni Daddy Prach. Sugarol daw ang kanyang ama noong kabataan nito. Marami itong barkada at walang alam gawin kundi gumastos. Ni hindi raw tinapos ng kanyang ama ang pag-aaral sa kolehiyo. Ang katwiran nito, para saan pa ang diploma kung may negosyo naman itong mamanahin mula sa Lolo Abuel niya?

Nang pumanaw si Lolo Abuel, naging pantay naman daw ang hatian ng mga ari-arian nito. Ngunit sa kabila niyon ay nagpupuyos pa rin sa galit ang tatay niya dahil napunta kay Daddy Prach ang ancestral house ng mga Guillermo.

Base sa paliwanag ni Daddy Prach, dito iniwan ni Lolo Abuel ang ancestral house dahil alam ng matanda na posibleng ibenta iyon ng kanyang tatay kapag wala na itong maipantustos sa mga bisyo nito. Ayaw iyong mangyari ng kanyang lolo. Nais nitong i-preserve ang alaala ng salinlahi ng mga Guillermo.

Natanaw na ni Socorro ang tindahan ni Aling Greta. Nahagip ng tingin niya ang malaking signage sa itaas ng sari-sari store nito. Asensado na rin ito dahil bukod sa lumaki na ang puwesto, mayroon na rin itong videoke system.

"Diyan na lang sa puno ng kaimito," malakas na sabi niya sa tricycle driver, sabay kalabit dito. Inihinto nito ang tricycle. Umibis siya mula roon. 

Tinulungan siya ng driver sa pagbubuhat ng dalawang bag. "Ako na, miss," matamis ang pagkakangiting prisinta nito.

"Salamat." Pagkaabot niya ng bayad  ay hinayaan na niyang dalhin nito ang kanyang mga bag. Inilapag nito ang mga iyon sa mismong tapat ng pinto ng kanilang bahay. At ito pa ang kumatok sa pinto.

Makaraan ang ilang sandali ay bumukas ang pinto at tumambad  ang kanyang nanay. Ganoon na lang ang bumadhang kaligayahan sa mga mata nito pagkakita sa kanya.

"Anak..."

Nagmano siya rito, saka hinalikan ito sa pisngi. "Kumusta po kayo?"

"Mabuti. Batang ito, bakit 'di ka nagpasabi na uuwi ka? Sana man lang ay nasundo ka namin at naipaghanda ng masarap na pagkain."

Napangiti siya.

"Sige po, mauna na 'ko," paalam ng tricycle driver.

"Salamat uli," baling niya rito. Pagkasabi niyon ay pinapasok na siya ng kanyang nanay sa loob ng bahay. Malaki na ang ipinagbago ng kanilang bahay mula nang lisanin niya  ilang taon na ang nakararaan. May ikalawang palapag na iyon. Napansin din niyang dumami ang kanilang mga kasangkapan.

"Mukhang nagka-crush sa 'yo, anak."

Natawa siya. "Ang nanay talaga."

"Aba'y totoo naman. Ang ganda-ganda mo, anak. Hiyang na hiyang ka sa Maynila."

Tumaba ang puso ni Socorro sa narinig na papuring iyon. Kunsabagay, noon pa man ay ang kanyang nanay lang ang nagpapalakas ng kanyang loob. Naalala niya ang pagkakataong pinagtatakpan siya nito sa kanyang ama.

"Na-miss ko kayo, 'Nay," wika niya.

Nangilid ang mga luha ng kanyang ina subalit mabilis na pinahid  iyon ng palad nito. "Akala ko nga'y hindi ka na uuwi rine kahit kailan," mangiyak-ngiyak na sabi nito.

THE STORY OF US 5: SOCORRO AND HANS (published under PHR1953)Where stories live. Discover now