Chapter 8

1.7K 38 1
                                    

Tama nga si Clarie. Improvement ngang masasabi ang mga pagbabago sa physical features ni Jayden, pero ang ugali nito wala pa ring pinagbago. Madalas pa rin itong magpatugtog ng mga music na hilig na lagi niyang kinaiinis.

Minsan na ngang naibato niya ang isang ka-pares ng sapatos sa kuwarto ni Jayden at swerte namang sa mukha iyon nasapul!

Ilang ulit din niyang sinisiko sa tagiliran ang lalaking iyon sa tuwing mararamdaman niyang aakbayan siya nito kapag tumatambay sila sa labas ng bahay. Lagi rin siya nitong inaasar at pinapainit ang ulo sa mga sinasagot nito samantalang napakaayos ng mga tanong niya. Pero kapag sobrang hindi na natutuwa si Clarie sa mga sagot nito binabawi nito ang mga sinabi niya at seryoso ng sumasagot sa mga tanong ng dalaga.

Napansin din ni Clarie na sinasadya talagang siyang inisin lang nito araw-araw. Magkalapit lang ang bahay nila at magkatapat pa ang kanilang kuwarto, walang sandali na hindi nagtatagpo ang mga mata nila. Kaya kahit na gusto niyang iwasan si Jayden, humaharang pa rin ito.

Hindi naman niya kinakalimutan ang mga atrasong nagawa nito sa kanya pero ayaw na lang niya na ipaalala pa ito dahil may pangamba siya sa mga reaksyong makikita niya kapag inungkat niya ang mga iyon. Hindi sila ganoon ka-close pero hindi  rin naman masasabing magkaibigan sila dahil hindi naman katiwa-tiwala si Jayden sa paningin niya.

Nagulat na lang siya isang araw, inaya siya nito sa Clareng’s Sanctuary. Ito ang lugar na lagi niyang pinupuntahan para makapag-isip at makapag-relax. Kaya kahit na nagkaroon ng masamang alaala kasama si Jayden ang lugar na ito, pumayag na lang siya na samahan ito. Pero kung may binabalak mang iba ang binata, hindi na siya makakapayag pa at magpapatalo pa dito.

“May pag-uusapan ba tayo?” kaswal niyang tanong kaagad dito nang nakaupo na sila sa bench. Ito ang pangalawang beses na umupo sila sa bench na ito at maya-maya isa na namang history sa sanktuwaryo ang mabubuo kasama ang lalaking iyon.

“Wala naman. Gusto ko lang talagang pumunta ulit dito,” simple nitong sagot. Nakatanaw lang ito sa garden, nababasa niya sa mga mata nito na nagugustuhan rin nito ang lugar.

Sa ilang araw na nagkakasama sila, unti-unti nakikilala na rin niya si Jayden. At ngayon, hindi naman na siya gaanong naiinis diton pero dapat pa rin na maging alert siya dahil hindi niya alam kung anong mga tinatakbo ng isip nito.

“O anong ginagawa mo?”  tanong ni Jayden sa kanya nang makita nitong nagsusulat siya sa notebook na dala-dala niya. Hindi niya pa rin kasi natatapos ang tulang ni-request ni Raymond.

“Ah, wala lang ‘to. Huwag mo na akong isipin. Mag-relax ka lang diyan.”

“Ayoko nga!”

Wala na siyang nagawa nang biglang kuhanin ni Jayden ang notebook niya. Binasa nito iyon sa isip.

“Ano ba naman ‘tong sinulat mo? Tula o Kanta?”

“Tula yan! ‘Akin na nga!” agaw niya sa notebook.

“Ang baduy mo ha?” tumatawang sabi ni Jayden at tinititigan siya. Nakita na naman niya ang kislap ng mga iyon. Hindi niya mawari kung natural ba iyon o sinasadya lang nito na magpa-cute sa kanya.

“Kapal! Hindi sa’kin ‘to no! Pinasulat lang sa’kin. Hindi masamang tumulong.”

“Bakit naman kita tutulungan?”

“Edi ‘wag kung ayaw mo!” bulyaw niya. Tatayo na dapat siya at aalis na sana nang makita niyang papalapit si Raymond sa kanila.

“Hi Clarie!” bati ni Raymond nang makalapit na ito. “Sabi ng tita mo dito daw kita makikita. Heto o dinalhan kita ng meryenda. Kamusta na ‘yong request kong tula sa’yo? Natapos mo na ba?”

Dahan-dahan namang napakamot sa ulo si Clarie. Hindi niya inaasahang sunos-sunod pa ang mga tanong nito. Anong sasabihin niya? Hindi ba magagalit ang crush niya kung mag-request pa siya ng extension at huwag siyang madaliin tutal libre lang naman tong serbisyo niya?

“Aaah!” singit ni Jayden na nangingiting nakatingin sa kanya. Sa kislap pa lang ng mga mata nito alam niyang may binabalak na naman ito. “So, sa kanya pala ‘tong sinusulat mo? Bro, ito lang ang masasabi ko, kung sino man ang pagbibigyan mo niyan tiyak kong hindi bebenta sa kanya ‘yan.”

Nagulat si Clarie sa sinabi nito. Sumasali si Jayden sa usapang hindi naman siya dapat makialam.

“Ano bang sinasabi mo?” iritang tanong ni Raymond.

Kailangan niyang pigilin anuman ang sasabihin ni Jayden dahil ramdam niyang gulo lang ang ilalabas ng mga dila nito.

“Halika na Raymond, sa bahay na lang natin pag-usapan,” aya niya kay Raymond. “Sige Jayden, aalis na kami.”

“Kung ako sa’yo Raymond,” pahabol pa na pagbabanta ni Jayden. Nakikita niya iyon sa mga mata nito. “Hindi ko na itutuloy ‘yang kakornihan mong ‘yan. Pero kung mapilit ka talaga, pumili ka naman ng taong talagang mahusay sumulat ng tula. Nabasa ko ang ginawa niya, sobrang nakakatawa. Hindi talaga bebenta.”

Patuloy pa ang pagtawa nito habang sinasabi niya iyon kay Raymond. Ano bang ginagawa niya? Inuulit na naman niyang ipahiya si Clarie sa harap pa mismo ng lalaking sobrang hinahangaan niya. Iniwan nila Clarie at Raymond si Jayden nang mag-isa doon at hindi na pinansin pa ang mga pang-iinsulto nito.





Bisperas na ng piyesta, nagkaroon ng amateur singing contest sa plaza. Naroon sila Clarie, Clover, Goji at Jayden. Kahit gabi ang contest, madami pa rin ang mga tao. Ilang minuto na lang at mag-uumpisa na ang paligsahan ng Amatuer Singing.

Ang saya-saya ni Clarie dahil alam niyang sa kanya ang gabing ito. Umabot sa walong contestant ang mga naglalaban pero may isa pang dapat na abangan.

“Last but not the least, contestant number nine, Jayden Robles,” pagtawag ng host mula sa stage.

“Jayden Robles? Si pinsan ‘yun ah!” bulalas ni Goji. “Bakit siya sumali sa singing contest?”

“Malay mo may tinatago siyang talent,” sabat naman niya na kampante lang at masaya.

“Pero hindi naman ‘yun sumasali sa mga ganitong contest. Nasaan ba siya?”

“Jayden Robles. Please come on stage!” pag-uulit ng host na matagal nang naghihintay kay Jayden.

“Andito lang siya kanina sa likod natin di ‘ba?” sabi niya sa pinsan niyang si Clover na lumilinga-linga din sa paligid nila.

“’Ayun na siya!” pagtuturo ni Clover sa stage. Sinundan naman niya ng tingin ang tinuro nito. Hindi niya napigilan ang pag-ngiti.

“O di’ba prepared na prepared, may gitara pa!” sabi niya kay Goji sabay tapik.

Sinisikap niyang hindi tumawa ng malakas sa itsura ni Jayden sa stage. Ang mga tao sa paligid nila takang-taka din kagaya nila Goji at Clover. Ang mga naunang contestant nakasuot ng mga gown at kurbata pero plain white t-shirt at jeans naman ang suot lang ni Jayden. Isa pa, amateur contest ito pero mukhang contestant ng battle of the bands ang huling sasabak sa paligsahang iyon.

“Naliligaw yata ang lalaking yan ah!” narinig niyang sabi ng isang lalaki sa likuran nila.

“Mukha nga,” sagot naman ng kasama nitong babae. Nangingiti na naman siya. Mabuti na lang at hindi siya napapansin ng mga katabi niya dahil baka mapagdiskahan pa siyang baliw sa inaasta niya.

Nagsimula nang kaskasin ni Jayden ang dala niyang gitara. Sa galaw ng mga daliri nito sa pag-strum, acoustic singer ang dating nito. Inamin naman ni Clarie sa sarili na bagay kay Jayden ang porma nito, lumalabas ang pagiging cute nito.

Cute? Sinong cute?

Ang Pilyo Kong Gitarista (Published under PHR) COMPLETEWhere stories live. Discover now