KABANATA 3

1.3K 97 53
                                    

KABANATA 3

Pinakiramdaman kong maigi ang sunod-sunod na mga katok sa pinto. Mahina lamang ito na tila'y katok ng isang babae. Dala ng kuryusidad ay mabilis kong tinungo ang pinto. Huminga muna ako ng malalim at sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri bago nagdesisyong buksan ito.

"Hi! Pwede bang pumasok?"

Bumungad sakin ang isang maamong mukha ng babae. Malaki ang ngiti nito sa labi. Isa siya sa kasama ko kanina sa sasakyan nang dalhin ako rito sa Prime mansion mula sa Bahay Aliwan. Hindi kataasan ang buhok, makinis, maputla, may malalaki ngunit nakakapanghalinang mga mata. Maganda ito sa pangkalahatang aspeto.

Hindi pa ako nakakasagot ay tumuloy na siya papasok at iginala ang paningin sa kabuuan ng silid.

Maigi nitong pinasadahan ng tingin ang bawat detalye nang kung anong nahahagip ng kanyang mga mata. Hinaplos niya ang mga plorerang nadadaanan at isa-isang sinuri ang mga gamit na gawa sa marmol.

Itinaas niya ang dalawang kamay sabay umikot at nagpatihaya sa nag-iisang couch na naroon.

"Hindi nga nagkakamali ang mga taga Seldon ukol sa mga sabi-sabi. Ang Primero Isla ay siya nga talagang napakaganda. Ito ang pinakamakapangyarihang isla kung ikukumpara sa isla ng Alwana at isla ng Seldon. Nabubuhay ang lahat rito sa karangyaan na nagmumula sa katas at kayamanan ng organisasyon."

Nag-iba siya ng posisyon at pinagkrus ang mga binti. "Lahat ng mga kagamitang naririto ay nagsusumigaw sa karangyaan kahit pa ito ay silid lamang ng isang piniling katulad natin. Ang marmol na sahig. Ang aranyang kay liwanag. Ang upuang ito na kay lambot. Ang silid na matatawag kong akin. Sino nga ba ang mag-aakalang naririto ako ngayon sa sitwasyong ito." mataas niyang litanya. Pakla siyang humalakhak at nagbuntong hininga. "Nakita mo naba ang labasan?" Pagpapatuloy niya. Umiling ako.

"Kung ang labasang tinutukoy mo ay ang labas ng mansyon, hindi pa."

Tumango ito at padabog na tumayo. Nagpatuloy siya sa may balkonahe at iniangat ang nakatabing na kurtina. Nagpakawala ito ng isang malalim na buntong hininga at tinanaw ang hangganan ng karagatan.

"Hindi nga naiiba ang silid na ito sa silid na pinagdalhan sakin. Ngunit di hamak na mas maganda ang tanawin mula rito. Kitang-kita mo ang paglubog ng araw. Ang malawak at maingay na dagat. Ang malaking bulwagan kung saan madalas nagaganap ang mga pagtitipon. Sadyang napakagandang silid para sa isang pinili..." mabilis itong magsalita. Bahagya siyang natigilan ng wari'y may naalala. "...oo nga pala! Patawad hindi pa pala ako pormal na nagpapakilala..." inilahad nito ang kamay sakin. "Carlotta. Carlotta Siene Sagadrata."

Ngumiti ako at tinanggap ang kanyang kamay.

"Cassandra," payak kong sagot. Ngumiti itong muli at dinungaw ang mga bituin sa kalangitan.

"Isang napakagandang kaharian sa gitna ng karagatan. Isang napakalaking emperyong nagtataglay ng kapangyarihan. Iisang pinuno...at iisang pinili. Kaakibat sa trono ay tinik ng tagumpay. Ang tagumpay na magwawakas ng maraming buhay."

Madiing nakakuyom ang kanyang mga kamao at nag-igting ang bagang. Nawala ang kanina lang ay mga ngiti sa labi nito. Bigla siyang nagseryoso at napatingin sa kawalan na tila kaylalim ng iniisip.

"Napakatahimik at payapa ng buong isla. Parang isang napakagandang kaharian sa kalangitan. "

Hinayaan ko lamang siyang magsalita. Naguguluhan ako sa takbo ng aming usapan.

"Ang lahat nang ito'y panandalian lamang. Isang napakahabang hagdanan. Ang bawat baitang ay may kaakibat na pagsubok. Pagsubok na magwawagayway sa bandila ng tagumpay o kamatayan. "

HESUS: The New KingWhere stories live. Discover now