14. Proposal

10.6K 200 14
                                    


NAGDAAN pa ang taon. Nanatili sina Axel at Julienne sa set-up. Pero marami na rin ang nagbago sa buhay nila. Bukod sa pag-aalaga kay Julia ay nanabik si Julienne sa mga susunod na mangyayari sa kanya. Sa susunod na semester ay napagdesisyunan na muli ni Julienne na mag-aral. Pero hindi kagaya ng dati, hindi na iyon business course sa kolehiyo na gustong kuhanin ng magulang niya. Nakumbinsi niya si Axel na kung makakapag-aral muli siya, crash course lang iyon at tungkol sa pagsasayaw. Ibinahagi ni Julienne ang pangarap sa lalaki.

"Then do it," nakangiti pang wika nito. "I'll support you."

Nagliwanag ang mukha ni Julienne. Si Axel na rin kasi ang parang tumatayong guardian niya. Though in contact pa rin naman ang kanyang mga magulang sa kanya, hindi niya maramdaman ang suporta ng mga ito kahit sa salita lamang. Para bang ang pangangamusta sa mga ito ay "kailangan" lamang na gawain, hindi "gusto" talaga na gawain. Sa aspetong pang-pinansiyal, si Axel na rin ang sumusuporta sa kanya sa lahat.

Mas marami ang nagbago kay Axel. Inuumpisahan na nito na mamuno sa kompanya ng Lolo nito. Dati naman na nagtatrabaho ito roon pero ngayong nakatapos na ito ng masteral ay tinaasan pa ng Lolo nito ang puwesto nito. Hindi kasi ganoon kataas ang dati dahil training pa lamang. Ang gusto ni Lolo Fidel ay maramdaman rin ni Axel kung paano ang maging rank and file employee bago nito ipagkatiwala nang husto sa nag-iisang apo ang kompanya.

Si Julia ay nag-uumpisa na rin na lumaki. Dalawang taong gulang na ito. Kung noong baby pa lamang ito ay nakikita na niya kung paano ito magiging Daddy's girl, ngayon ay pinatunayan na nito iyon. Ang gusto nito ay palaging si Axel ang kasama. Si Axel, bagaman mas naging abala pa sa trabaho ay hindi rin naman nawawalan ng oras sa anak. Napakaespesyal para rito ni Julia.

Marami rin na gustong mangyari pa si Julienne na pagbabago sa buhay niya. Pero ang pinakauna sa listahan niya? Ang magkaroon ng kasiguraduhan kay Axel.

Nanatili pa rin naman na maganda ang pakikitungo sa kanya ng lalaki. Pakiramdam niya ay espesyal pa rin siya rito. Sa trabaho, kay Julia at sa kanya lang naman umiikot ang buhay nito. Maganda na ang trabaho nito. Halos maayos na ang lahat sa kanila. Pero bakit parang sa pagitan nila ay wala pa rin na nagle-level up?

Mahal na niya si Axel. Nasigurado na niya na ang matinding damdamin na nararamdaman niya para rito ay ganoon. Wala na siyang lalaking gustong makasama pa habang buhay kundi ito na lamang. Kompleto at kontento na siya sa buhay basta kasama niya ito at si Julia.

Minsan na naman siyang inalok ni Axel ng kasal. Pero iyon ay noong buntis pa siya kay Julia at tumanggi ang mga magulang niya. Dalawang taon na ang nakakaraan ngayon. Malamang ay bago na ang isip ng kanyang mga magulang, lalo na sa kalagayan ni Axel ngayon. Ipinaubaya na rin siya ng mga magulang sa lalaki. Hindi ba naisip ni Axel na pakasalan na siya? Ilang buwan na lamang rin at twenty one years old na siya. Puwede na silang magpakasal ng walang consent.

Pero kahit anong pagpaparamdam, walang narinig si Julienne kay Axel. Nalulungkot siya sa isipin na iyon. Mali ba siya sa isipin na pareho rin sila ng nararamdaman? O tama lang ang sinasabi ng mga tao sa kanila na kaya lang naman sila nagsasama ay para sa kapakanan ni Julia? Hindi siya nito mahal. Inaalagaan lang rin siya nito dahil ina siya ng anak nito.

Ilang linggo rin na dinamdam ni Julienne iyon. Naging malungkot siya. Sa ikatatlong linggo, mukhang napansin naman iyon ni Axel. Niyaya siya nitong lumabas.

"Iwan na lang muna natin si Julia kay Manang Ayeth," anito na ang tinutukoy ay ang mayordoma ng bahay. Sumasama rin si Julia rito paminsan-minsan.

Nagulat si Julienne. Hindi sila lumalabas ng sila lamang dalawa ni Axel simula nang maipanganak niya si Julia.

Nagkibit-balikat si Axel. "I think its time para makapagsolo naman tayo kahit papaano. Hindi na ganoon ka-delicate si Julia para ipagkatiwala natin sa ibang tao."

The Past: Best MistakeWhere stories live. Discover now