WHOLE - Chapter 29

1.7K 99 1
                                    

CHAPTER 29

FAVORITE FOOD 25: Chicken Galantina!

FAQ 25: "May kumakasya pa bang damit sa 'yo?"

COMMON REPLY: "Oo naman!"

DEEP INSIDE: "WALA! 'KITA MO, NAKAHUBAD AKO!"

IMBIYERNA 25: Kapag lowered ang sasakyan, sa unahan ka pinapaupo ng driver. At kapag sumayad ang kotse sa "humps," umaatikabong "tsk-tsk-tsk" ang maririnig sa kanya, with matching pag-iling, habang nakatitig sa 'yo.

Private jet ang sinakyan namin at hindi dumaan sa immigration ang mga pasahero. Kung red tape o magic ang dahilan, lalong naging malinaw sa akin na malaki ang nagagawa ng salapi. Kaming dalawa ni Inday na walang visa, babalik na naman sa Europe. This time, sa Romania.

Sa biyahe, aligaga ako kasi si Octavio ang katabi ko. Si Gavril ay kasama ng mga kawal sa ibang eroplano. Nauna na sila. Marami-rami rin naman daw ang natira at marami pa raw na nauna na sa Romania. Babalik daw si Octavio sa palasyong minana sa mga magulang. Doon daw talaga siya dapat nakaistasyon pero dahil sa naging sitwasyon niya, napilitan siyang magpalipat-lipat sa loob ng napakahabang panahon.

Si Sir William ay tegi na. Nasentensiyahan daw ng kamatayan ni Octavio. Dapat lang. Marami pang iba ang nategi, habang ang iba naman ay nakatakas. Kunsabagay, mga extra lang naman ang mga 'yon. Ang mahalaga, wala na si Dmitri. Pero ang sinasabi ni Octavio, kahit kailan daw ay takaw-atensiyon ang kuwintas. Ang sabi ni Martin, wala daw nakakaalam ng tungkol sa kuwintas noon, pero ipinagkatiwala ni Octavio ang lihim at nalaman nga ni Dmitri.

Matagal ang biyahe at nakatulog ako. Nang magising ako ay nakalapag na kami. Private landing strip ang nilapagan namin at mula doon, tanaw ko ang mataas na palasyo. Mas malaki iyon kaysa sa palasyo noong nakaraan pero tulad din noon, malayo sa kabihasnan ang lugar na ito. Siguro ganoon talaga ang buhay ng isang bampira, kailangang malayo ka sa iba. Lalapit ka lang kapag sasagpangin mo na. Chos.

Nang makababa kami sa eroplano, napaismid ako nang makitang kasama sa sasalubong sa amin si Lucretia. Katabi ni Gavril. Ano ba talaga ang problema ng babaeng ito? Hindi naman siya kasama sa entourage, parati na lang nandoon? Hindi ba puwedeng tantanan na niya kahit ngayon lang? Nakakapeste eh.

Bumaba na kami ni Octavio sa eroplano. Inalalayan niya ako. Pasimple akong sumusulyap-sulyap kay Gavril. Mamaya na kami mag-e-LQ tungkol kay Lucretia. Pero ni hindi man lang tumitingin sa akin ng buwisit. O baka nakatingin, hindi ko lang kita kasi naka-shades. Ang cute ng mahal ko. Juice ko, parang ang hirap timpiin na takbuhin siya at yakapin. Ang gandang tanawin, lalo na at mahangin. Puwede kaming background ng videoke kapag tumakbo ako sa kanya at magyayakapan kami at magpapaikot-ikot sa... PUNYETA!!!

Parang gustong magdilim ng paningin ko! Nag-zero in ang paningin ko sa braso ni Lucretia na umabrisiete sa brasong akin lang! Akin lang ang braso ni Gavril! AKIN LANG! Tumaas-baba bigla ang dibdib ko sa inis, lalo na at mukhang walang balak si Gavril na lumayo sa harot. Pinipilit kong makipagtitigan kay Gavril pero ang hirap makipagtitigan sa taong may shades!

Hindi tulad noon, walang magbubuhat sa akin o kay Octavio papunta sa palasyo. Malakas na si Octavio at siya mismo ang bumuhat sa akin dahil nauna na si Gavril na buhatin si Lucretia! Juice ko, parang sinusuntok ang dibdib ko sa kaba at inis. Pero hindi ako dapat mag-react agad. Kailangan ko lang mapagsabihan itong si Gavril na sa susunod, wala na siyang ibang dapat buhatin kundi ako lang!

Nang makarating sa palasyo, nawala na si Gavril, may duties pa sigurong kailangang tapusin. Ihinatid ako ni Octavio sa kuwarto ko, kasama si Inday. Hindi ako mapakali. Gusto kong hanapin si Gavril at kausapin.

Diary ng Chubby [Published under PHR]Where stories live. Discover now