Nakatulog si Lando bandang alas tres 'y medya at nagising siya bandang alas sais na ng gabi. Alas siyete na niya nabasa ang text ni Milet dahil pagkagising dumiretso na siya ng karinderya ni Aling Moning sa labas para kumain at pumasok siya ng banyo para maligo pagkatapos.
Alalang-alala si Lando sa message ni Milet. Sa sobrang pagmamadali niyang puntahan ito sa Laguna nabaliktad pa ang pagkakasuot niya ng t-shirt. Habang nasa biyahe, tinadtad niya ng text ang kasintahan pero ni isang reply wala siyang natanggap.
Papasara na ang barangay nang maabutan niya ang isa sa mga tanod na humuli kay Milet. Ikinuwento nito ang lahat ng mga nangyari umpisa noong pagresponde nila hanggang sa malagim na aksidente. Ayaw maniwala ni Lando hangga't di niya nakikita ang bangkay. Bilang pagtulong at pakikiramay na rin, boluntaryong inihatid ng tanod si Lando sa morgue kung saan pansamantalang inilagak ang labi ni Milet. Sa service vehicle na ibinalik ng tanod ang handbag ng kanyang nobya. Naroon pa rin ang rosaryo, buntot page at panyo ng El Shaddai. Wala na ang wallet at ang cellphone. Malamang sa malamang kinuha ng isa sa mga bystander sa gitna ng komosyon.
Paghila ng caretaker ng morgue sa cold chamber, halos gumuho ang mundo ni Lando. Sana siya na lang ang nabundol. Sana siya na lang ang naghirap. Sana siya na lang ang nagpunta ng Laguna para patayin si Aling Del. Lahat ng pangarap niya naglaho kasama si Milet dahil si Milet lang ang nag-iisa niyang pangarap. Tapyas ang bungo, may mga tuyong dugo sa halos lahat ng parte ng katawan at baliko ang braso. Iyan ang pinakahuling larawan ni Milet na dadalhin ni Lando hanggang kabilang buhay.
********
"Ador, bilisan mo! Hindi ko na kaya! Aray ko po! Hindi ko na kaya!". Pagmamakaawa ni Janny. Hindi sila makausad dahil may nangyari daw aksidente sa Zanzibar Street. Kasama niya ang kapatid sa tricycle. Hindi ito magkanda-ugaga sa kung ano ang gagawin sa ateng namimilipit sa sakit.
"Ate, malapit na tayo," pagsisisguro sa kanya ni Bik Bik.
"Umiba ka ng daan! Umiba ka! Aray ko po! Humanap ka ng short cut! Bilisan mo!" Angil ni Janny.
Tarantang pinihit ni Ador ang tricycle para maghanap ng ibang malulusutan. Naisip niyang sa may Liwayway Highway na lang. Bawal pa doon pumasok dahil kasalukuyan pa lang itong tinatapos, pero siguro naman maiintindihan sila ng mga tagapangasiwa doon.
"Oo na! Du'n tayo sa Liwayway!"
Kulang na lang paliparin ni Ador ang tricycle. Panay ang busina niya kahit malayo pa sa mga intersection at muntik muntik na rin siyang makasagasa ng mga nagkalat na aso sa kalsada. Pahapyaw na tinitingnan ni Ador ang magkapatid. Pawis na pawis si Janny, nakabukaka at nagtatangis ang mga bagang. Si Bik Bik naman hindi maipinta ang mukha dahil sa kalituhan sa mga nangyayari.
"Ate malapit na tayo. Basta konting tiis lang." Awang-awa si Bik Bik sa sa nakikita.
"Bik-Bik 'yung bag ko nasaan? Tingnan mo nariyan 'yung wallet ko." Kahit halos pumutok na ang ugat niya sa ulo, sinigurado pa rin ni Janny na kumpleto at nasa ayos ang lahat. Mahirap ma-admit sa ospital nang walang pera.
Nakalampas na sila ng Santorini Street nang nagsisigaw nang sobrang lakas si Janny na aakalain mong gustong punitin ang sarili niyang lalamunan.
"Ahhhhhhhh! Aray kooooo po!!!!". Napahawak si Janny sa gilid ng tricycle. "Diyos ko poooooo!"
At sumilip ang isang makintab na bagay sa ilalim ng daster ni Janny. Kulay itim ito. Malaki. Sinlaki ng melon at maraming paa. Nababalutan ito ng malagkit na likido at mga dugo.
"Ate ano 'yan?" turo ni Bik Bik.
Salagubang! Salagubang! Hiyaw ng kokote niya. Ayaw man aminin ni Bik Bik ang nakikita alam niyang mga salagubang 'yon. Pero baka panaginip lang 'to?
Binuka-buka ng malaking salagubang--kung salagubang nga iyon dahil hindi pa nakakakita si Bik Bik ng ganoon kalaking salagubang sa tanang buhay niya--ang pakpak nito para wisikin ang mga likido na sa kanya'y bumabalot. Nagtalsikan ang ito sa mukha ni Bik Bik at Janny.
Nang tuluyan nang naibuka ng bagong silang na salagubang ang mga pakpak lumipad ito palabas ng tricycle. At bago pa maisara ni Bik Bik ang nalaglag na panga, sumigaw muli si Janny at isa pang salagubang na sinlaki nang nauna ang lumuwas sa kanyang puwerta.
"Bik…. Biiiiik!"
Nakita rin ni Ador ang nangyari. Bahagya niyang binagalan ang takbo ng tricycle para tingnang maigi kung totoo ba talaga ang namalas niya at hindi lang siya namamalikmata. Pitong malalaking insekto ang lumabas kay Janny at lumipad sa kung saan. Pito! Sa bawat sigaw ni Janny--sigaw na magpapalamig sa dugo ng kahit sino--may isang salagubang ang lumalabas na galing sa kanyang sinapupunan. Mas lalo niyang binilisan ang pagpapatakbo.
"Ate… ate…" iyak ni Bik Bik. Malamang nararamdaman na din niya kahit papa'no ang tindi ng hirap na pinagdadaanan ng kapatid. Kasalukuyan itong umiire para iluwal ang pang-walong salagubang.
"Bik Bik… di ko na … arrrrghhh... kaya!" Nagdugo na ang labi ni Janny sa tindi ng pagkagat dito. Ang mga buhok niya nagsipagdikitan na sa kanyang mukha dahil sa dami ng pawis.
Lumabas ang pang-walo at huling salagubang mula kay Janny. Tulad nang mga nauna, sinlaki din ito ng melon at nag-wisik muna bago lumipad. Akala ng lahat tapos na. Ngunit bumalik ang huli at pang-walong salagubang at dumapo ito sa mukha ni Ador. Kinagat nito ang ilong at mata ng dinapuan. Sumirit ang dugo. Tinatanggal ni Ador ang salagubang, pero lalo lang nitong hinigpitan ang kapit. Ibinaon ng salagubang ang magaspang at tusok-tusok nitong mga paa sa pisngi ng tricycle driver. Nagsimulang gumewang-gewang ang sasakyan.
"Tumalon ka!" ika ni Janny sa takot na takot na kapatid. "Talon! Mababangga tayo!"
"Ate ayoko." palahaw ni Bik Bik.
Kahit hinang-hina, kahit lupaypay na, inipon ni Janny ang kaunting lakas na natitira at sinipa niya si Bik Bik palabas ng tricycle. Sumemplang ang bata sa kalsada. Ang maigi na lamang naitukod ni Bik Bik ang mga kamay nito bago bumagsak kaya kahit papaano nabawasan ang puwersa ng paghampas niya sa lupa.
Nagpatuloy ang pagtakbo ng tricycle hanggang sa sumalpok ito sa poste ng ilaw sa gilild ng kalsada. Tumilapon si Ador mula sa kinauupuan at lumanding siyam na metro ang layo sa malaking tipak ng bato, una ang ulo. Lumuwa ang utak. Samantalang si Janny, napipi sa loob na para siyang nasa aluminum can na tinapakan.
Nakita ni Bik Bik ang mga huling sandali ni Ador at ng kanyang ate. Nakita rin niyang dumating si Aling Del na isa-isang kinokolekta ang mga higanteng salagubang at pinipitas sila sa ere na animo'y mga prutas sa puno. Nang maisilid na ni Aling Del ang lahat ng salagubang sa dala-dala niyang bayong, sinilip muna nito si Janny sa loob ng yuping tricycle. Sinilip lang at hindi tinulungan. Umalis ang kanilang kapitbahay na tila may ngiti sa labi.
Nakita lahat 'yon ni Bik Bik bago siya nawalan ng malay.
BINABASA MO ANG
Ang Mga Salagubang Ni Aling Del (COMPLETED)
HorrorKakaiba ang bagong kapitbahay ng magkapatid na Janny at Ronvic. Punas ito nang punas ng bibig dahil lagi itong naglalaway. May alaga rin itong mga salagubang. At higit sa lahat, may malagim itong sikretong tinatago. Isa siyang ASWANG.