Atlantis

127 5 6
                                    

May nakita kang isang batang babae na naglalaro at napagtanto mong pamilyar ang kanyang hitsura. Pakiramdam mo nakita mo na siya dati. 

Tumingin ka sa iyong paligid at bigla mong naalala ang iyong ina at ang ikinukuwento nitong makapangyarihang lugar, ang Atlantis. Naalala mo siya dahil parehong-pareho ang paglalarawan ng ina mo sa Atlantis at sa nakikita mo ngayon.

Makaraan ang ilang sandali ay may lumapit sa batang babae na isang lalaki at base sa kanyang hitsura ay masasabi mong isa siyang hari.

Kasunod naman ng isang hari ang isang babae at halos manlaki ang mata mo nang mapagtanto mo kung sino iyon. Ang babae ay walang iba kung 'di ang iyong ina. 

"Sapphire, anak, halika na at mag-uumpisa na ang seremonyas." Aniya ng iyong ama.

Noong una ay akala mo ikaw ang kanyang kinakausap ngunit nang lumapit ang batang babae ay napagtanto mong hindi ikaw iyon at doon mo lang din nakumpirma na kaya mo pala namumukhaan ang batang iyon ay dahil ikaw iyon noong bata ka. 

Sinundan mo sila ngunit biglang nagbago ang nasa paligid mo. Napunta ka sa isang lugar kung saan puro kakahuyan ang naroon at tumatakbo ang iyong ina at ama kasama ang batang Sapphire. 

Nakita mo silang tinutugis at hinahabol ng mga taong may kakaibang pananamit at ayos. Nang makalayo sila sa mga humahabol ay pansamantala silang huminto upang magpahinga.

"Mauna na kayo. Ililigaw ko sila." Aniya ng hari.

"Pero papaano ka?" Protesta ng iyong ina. 

"Ako na ang bahala. Umalis na kayo. Pumunta kayo sa mundo ng mga mortal. Doon hindi nila kayo mahahanap." Lumuhod ang iyong ama at niyakap ang batang Sapphire. "Sapphire, anak, lagi mong tatandaan mahal na mahal ka ni Papa. Balang araw babalik ka ng Atlantis at pamumunuan mo ito." 

Hindi mo mapigilang hindi maluha sa nakikita mo ngayon dahil sobrang bigat sa damdamin ang pamamaalam ng iyong ama na kahit kailan ay hindi mo nakilala. Ilang sandali pa ang lumipas ay tumayo na ang iyong ama. 

"Gamitin mo ang salamangka na itinuro ko sa iyo upang maitago kayo nito ni Sapphire mula sa mga salamangkero," Sabi nito at niyakap nito ang iyong ina. "Magpakatatag ka Ayelle para kay Sapphire." 

Pagkatapos niyon ay iniwan niyo na ang iyong ama at tumakbo na palayo ngunit ang batang Sapphire ay nagpupumiglas pa rin dahil ayaw nitong iwan ang kanyang ama.

Dahil sa pagmamadali ng iyong ina at paglingon nito sa iyong ama habang tumatakbo ay nadapa ito at nabitawan nito ang batang Sapphire. 

Ang batang Sapphire naman ay tumakbo pabalik sa iyong ama. Agad na tumayo ang iyong ina at hinabol nito ang batang Sapphire ngunit huli na ito.

May isang salamangkero ang umatake sa batang Sapphire at dahil sa ikaw ang malapit sa batang Sapphire ay sinubukan mong harangin iyon.

"Sapphire! Sapphire!" Sigaw ng iyong ina.

Pagkabukas mo ng iyong mga mata ay nakita mo ang iyong alalang-alala na ina. Bumangon ka at umupo at tumingin sa paligid. Nakahinga ka ng maluwag nang masiguro mong nasa iyong kwarto ka. 

"Ano bang nangyayari sa iyo anak?" 

"Nakita ko ang Atlantis." Nagulat ang iyong ina sa sinabi mo at halos hindi makapaniwala.

"Na...nagbibiro ka ba anak?"

"Napanaginipan ko siya at nakita ko ang papa ko roon. Hari siya roon at ikaw ang reyna ng Atlantis. Totoo ang sinasabi mo sa kuwento mo." Biglang natawa ang iyong ina sa tinuran mo kung kaya't kumunot ang noo mo.

"Masaya ako dahil nakikipag-usap ka na sa akin Sapphire at lagpas sa isang salita ang sinasabi mo sa akin at may naaalala ka sa mga kinukuwento ko pero hindi ba't parang impossibleng mangyari iyon?" Sabi ng iyong ina pero tiningnan mo ang mga mata nito at sigurado ka at alam mo sa sarili mo na hindi siya nagsasabi ng totoo.

"Alam kong nagsisinungaling ka. Sabihin niyo na kung totoo nga iyon. Reyna ka ng Atlantis at prinsesa ako," Naiirita mong sabi.

Tumahimik ito ng ilang segundo bago huminga ng malalim at magsalita.

"Oo. Tama ka. Prinsesa ka ng Atlantis ngunit kahit kailan ay hindi ka na makakabalik pa roon dahil hindi na ang iyong ama ang namumuno roon at matagal ng burado ang mundong iyon."

"Pero paano si Papa? Ibig sabihin kasinungalingan lang lahat ng sinabi mo sa akin?" 

"Oo at tama na ang maraming tanong Sapphire. Kalimutan mo na ang mga nakita mo at ang Atlantis." Tumayo na ang iyong ina at nagtungo na sa iyong pintuan at bago ito lumabas ay may sinabi pa ito. "May mga bagay na mas magandang ibaon na lamang sa limot at kailanman ay huwag nang hukayin pa."

[ Fin ]

--x

Author's Note: Hello po! Sana po magustuhan niyo po yung bago kong story :) And another thing po, kasalakuyan pong kasali ang isoryang ito sa isang patimpalak sa facebook na inorganisa ng Psydem Publishing. Sana po ay suportahan niyo po ito sa pamamagitan ng pag-like nito sa facebook. Paki-pindot lamang po ang external link upang mapunta sa mismong page. Yun lamang po. Maraming salamat po. Enjoy Reading :)

AtlantisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon