Episode 9 - A Jealous Heart

1.8K 94 13
                                    

•••

*Theodore*

   Pinanood ko si Jeremiah habang ibinababa ang bisikleta ko mula sa likod ng sakay niyang Pick-up truck.

   "Dapat kasi, mamayang hapon ka na umuwi." Maktol niya bago ibaba ang bike sa harap ko.

   Bahagya kong itinirik ang mga mata ko saka hinawakan ang manibela ng bike.

   "Tiyak na hinahanap na ako ni Nana. Hindi siya sanay na wala ako sa paligid kapag weekend. Saka nakakahiya rin sa mommy at daddy mo. Sunday lang sila nakakapag-bonding tapos isa pa akong inaasikaso nila sa bahay niyo."

   Hula ko lang iyong tungkol sa family day nila kapag Sunday. Pero mukhang tama naman ako dahil hindi iyon sinalungat ni Jeremiah.

   Somehow, nakaramdam ako ng kaunting panibugho. Buti pa sila ay mayroong family day linggu-linggo.

   "Tss. Eh, ako naman ang mag-aasikaso sayo, hindi naman si Mommy."

   "Kahit na. Sige na, umuwi ka na." Pagtataboy ko sa kanya.

   Humalukipkip siya sa harap ko saka ako binigyan ng tila hindi natutuwang tingin.

   "Hindi mo man lang ako aalukin ng maiinom?"

   Saglit akong lumingon sa front door mula sa kinatatayuan naming gate.

   Kung papapasukin ko si Jeremiah ay kailangan ko pa siyang ipakilala kay Nana. Ipakikilala ko siya bilang kaibigan pero itataya ko ang buhay ko na hindi iyon paniniwalaan ni Nana.

   At sigurado rin na maiisip o matutunugan niyang may namamagitan sa amin ni Jeremiah.

   At, baka ang isipin ni Nana ay kinukunsinti kami ng mommy ni Jeremiah, na gumawa pa ng dahilan ang ginang para lang magkasama kami ng anak niya.

   Nakakahiya kay Tita Lili.

   Saka sigurado akong hindi naman nauuhaw si Jeremiah. Dahilan lang niya iyon para magtagal siya rito.

   Gusto ko rin siyang makasama. Ang kaso ay maghapon at magdamag na kaming nasa beywang ng isa't isa.

   Hindi naman sa sawa na ako. Pero kilala ko si Nana. Kahit mas madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw siyang magsalita ay alam kong hinahanap pa rin niya ang presensiya ko araw-araw, lalo na kapag walang pasok.

   "Hindi na. 'Kita na lang tayo sa school bukas." Tatalikod na sana ako nang hablutin ni Jeremiah ang siko ko.

   "Napakabuti mo namang nobyo." Sarkastiko niyang sabi habang nakangisi at matiim ang tinging ipinupukol sa akin.

   Sinimangutan ko siya.

   "Ayoko lang mag-isip ng kung ano si Nana kapag ipinakilala kita."

   Unti-unti ay naging ngiti ang ngisi sa kanyang mga labi.

   "Hmm. So, ipakikilala mo ako sa lola mo?" Tinaas-taas pa niya ang makakapal na kilay saka ipinatong ang kamay sa kamay kong nakahawak sa manibela ng bisikleta.

SBU Second Batch One (Book II) : The Boy In My Dreams ✔Where stories live. Discover now