NINE

12.1K 149 42
                                    


"KAILANGAN ko itong gawin, Ian. Hindi maatim ng isip at kalooban ko na biguin si Mommy. Alam mong last year lang ay sumailalim siya sa bypass operation. At this point in her life, I don't want to fail her. Ayokong bigyan siya ng matinding disappointment. Napag-usapan na natin ito, 'di ba? Akala ko ba nagkakaintindihan na tayo sa bagay na ito."

Nilingon ni Justin si Ian na nakaupo sa lounging chair, madilim na madilim ang mukha nito, animo ay pinagsakluban ng langit at lupa. Nakatuon ang mga mata nito sa tila higanteng bolang unti-unting lumulubog sa dakong iyon ng karagatan. Sila lamang ang naroon sa baybayin. Nag-shopping ng mga bagong damit ang mommy niya, kasama ang alalay nito. Excited ito sa magaganap na pamamanhikan kinabukasan.

Napabuntong-hininga siya habang pinagmamasdan si Ian. Nakasuot ito ng puting cotton jeans at black shirt. Ian was immaculately handsome. Magkaibigan ang mga magulang nila at sabay silang lumaki at laging magkasama.   Nagkahiwalay lang sila noong nasa kolehiyo na sila  dahil magkaiba ang kinuha nilang kurso pero nanatili pa rin ang pagkakaibigan nila. Ni minsan ay hindi naputol ang komunikasyon nila kahit nang makatapos na sila ng kolehiyo.

Nang mamatay ang daddy niya sa isang car accident, at nag-asawa na ang Ate Zane niya ay mag-isa na siyang humawak ng negosyo ng kanilang pamilya.

"Akala mo ba, madali para sa akin ang desisyon ko na ito? It's no joke na palagi na lang ako ang center of attention tuwing may family gathering. Lahat sila, inaapura na ako na mag-settle down. Okay lang sana kung ako lang ang kinukulit nila. Pero si Mommy, hindi na rin mapakali. Pine-pressure na niya ako. At gustong-gusto niya si Ciarra."

Bumuntong-hininga ito. "You should have told her. Noon mo pa dapat ipinagtapat sa kanya ang tungkol sa pagkatao mo, wala sanang problema ngayon."

"Hindi ganoon kadali, Ian. Sa 'yo, walang problema. Walang pakialam ang parents mo sa 'yo. Kahit malaman nila, tiyak hindi iyon big deal. Eh, ako? Hindi ako siguradong madaling matatanggap ni Mommy. Alam kong masasaktan siya. Baka hindi niya kayanin. Dahil wala siyang bukambibig kundi ang makita akong may sariling family. Ako lang ang inaasahan niyang makakapagbigay ng apo sa kanya. Wala nang pag-asang magkaanak si Ate Zane dahil sa naging operasyon niya sa uterus. "

Huminga ito nang malalim.  "And what about us?"

"Tayo pa rin. Nothing will change." Tumindig siya at umupo sa  paanan nito.

"I doubt it. Malaki ang mababago sa setup, Justin. Akala mo lang simple, madali. Pero naisip mo ba, sa sandaling makasal ka, mawawalan ka ng time sa sarili mo, sa akin. Hindi mo na solo ang oras mo. May maghahanap na sa 'yo, may magde-demand na sa time mo, sa atensiyon mo. "

Marahang hinaplos niya ang  talampakan nito. "Dahil sa career mo, wala ka rin namang time sa akin, hindi ba? Lagi kang nasa malayo. Tuwing may flight ka, natatakot ako na baka hindi na tayo magkita. Tuwing magkasama tayo kagaya ngayon, hindi mawala-wala ang kaba ko na baka ito na ang huli. Matagal na kitang kinukumbinsing mag-business na lang tayo pero ayaw mo."

Titig na titig ito sa mga mata niya. "Really? What if I give up my career? Magba-back out ka ba sa kasal ninyo?"

"You're kidding me, Ian. Kilala kita. Hindi mo isasakripisyo ang career mo. Alam ko kung gaano kaimportante sa 'yo ang propesyon mo. Hindi mo gugustuhing maging business partner lang. I know you love traveling."

"Do you really love this woman?"

"I have so much respect for her."

Mapakla itong ngumiti. "Hindi mo siya kayang paligayahin, Justin. Make up your mind."


"ANG BONGGA ng eyebags mo, bes. Hindi na bag, maleta na. Hindi kayang itago ng makeup," pang-aasar  ni Geneva kay Ciarra  nang madatnan siya nito sa kusina na nagtitimpla ng kape. "Nakita na ba ni Tita Alice 'yang mukha mo, bes?"

Pasado alas-kuwatro pa lang ng umaga. Wala pa siyang maayos na tulog. "Kakaalis lang nina Nanay. Mamalengke sila sa Farmers. "

Sumalampak na rin ito ng upo. Nakasuot ito ng T-shirt  at  yellow na pajama.  Siya naman ay pink housedress.

"Hindi ka makatulog, ano? Grabe, ha, hindi pa ito ang aktuwal na kasal pero ngayon pa lang, sobrang stress ka na."

Pinilit niyang ngumiti. "Bakit nagising ka agad? Ang aga pa, puwede ka pang bumalik sa pagtulog."

Nagtimpla rin si Geneva ng kape. "Ay naku, lumipad na ang antok ko. Ang agang mag-text ng kumag. Ang agang mang-asar."

"Talaga? Ano naman ang t-in-ext sa 'yo?'

"Nagtanong kung anong oras daw ako magigising at puwedeng tawagan. "

Natawa siya. "Eh, mukhang nag-e-enjoy ka naman sa  kumag na iyon."

Ganoon na lang ang pagsimangot  nito ngunit namumula ang mga pisngi. "Hindi ah. Teka, change topic na nga tayo."

"Si Robin ang ka-chat mo kagabi sa messenger. Akala mo siguro tulog na ako. Naka-glue na sa  mukha mo ang cell phone  mo nang hanggang alas-onse." Ang totoo ay  gustong-gusto na niyang bumangon. Mayroon siyang gustong kunin sa mga nakatago niyang gamit sa cabinet. Ngunit nagawa pa niyang pigilan ang sarili. Natitiyak  niya na makikita ni Geneva  kung ano ang gagawin niya.

"Ganito kasi iyon, bes. Sorry, ha, kasi medyo nagtanong si Robin tungkol sa posibilidad na baka magbago pa ang isip mo at hindi ka na magpakasal. Kaya medyo hindi ko lang napigilang magbigay ng saloobin ko sa mangyayari--"

"Ang kumag na iyon, hindi ko pa nahaharap sa atraso niya sa akin. Gusto 'ata niyang tuluyan ko na siyang itakwil bilang kaibigan."

"Sobra naman 'yon, bes. Alam mo kasi, hindi mo rin masisisi si Robin.  Gusto lang niyang lumigaya ang kanyang kaibigan. Wala raw minahal na ibang babae si Miguel kundi ikaw lang. Kaya nanghihinayang ang kumag na iyon na  hindi kayo ang magkatuluyan ni Miguel."

"Ayoko nang pag-usapan pa ang taong 'yon, Gen," pag-iwas niya.

"Okay, sinabi mo, eh."


DUMATING  ang ina ni Ciarra kasama ang isang pinsan niya at dalawa sa mga tauhan nila sa pagawaan ng kakanin nang alas-sais ng umaga. Abala na agad ang mga ito sa kusina. Pasado alas-otso naman nang tumawag sa kanyang cell phone ang Ate Cita niya.

"'Sis, pasensiya ka na. Gustuhin ko mang pumunta, pasulpot-sulpot na ang pagsakit ng tiyan ko. Gusto ko pa namang ma-meet nang personal si Justin." Hindi pa nagkikita nang personal ang ate niya at si Justin. Wala kasing pagkakataon na maipakilala sa isa't isa ang mga ito. Palibhasa ay parehong busy ang mga ito. Nagtatrabaho rin kasi ang ate niya bilang call center agent. Ang biyenan nito ang nag-aalaga sa mga anak nito.

"Okay lang, ate. Basta kapag nanganak ka na, tumawag ka lang para mapuntahan ka namin sa ospital."

"Okay, sige. Ikumusta mo na lang ako kay Nanay. Pero mamaya tatawag din ako kay Nanay kapag nasa clinic na kami ni Israel."

"Sa lying-in ka na naman ba manganganak? 'Sabi ko naman sa 'yo sa ospital na. Kung inaalala mo ang gastos--"

"Hep, huwag na. Don't worry, 'sis, kayang-kaya ko na ito, 'no? Sanay ako sa lying-in. Kailangan talagang maging praktikal. Nag-iipon kasi kami ni Israel para sa plano naming pagpapakasal sa simbahan. Gusto namin next year na."

"Hay naku, kung nandiyan lang ako, ako ang magdadala sa 'yo. Sa ospital kita idederetso. Masyado mong inaalala ang gastos."

"'Sis, 'sis, sige na, medyo humihilab na naman. Basta iyong promise ko sa 'yo, hindi kami mawawala sa kasal n'yo. Siyempre, si Jenna ang flower girl ha? " Ang  tinutukoy nito ay ang panganay na anak.

"Oo naman, siyempre. Ingat, Ate." 

I LOVE YOU, DON'T CRY (Published under Dream Love #11 book imprint)Where stories live. Discover now