Sala sa lamig

14 2 0
                                    

Nilalamig pa rin si Rolly kahit ilang patong na ng kumot ang nilagay sa kanya ng kinakasama nyang si Melissa. Isang buwan na rin syang nilalamig. Kahit mga doktor ay umiiling na lamang at di maipaliwanag ang nangyayari sa kanya. Sa kainitan ng tag-araw, tanging si Rolly lamang ang nakakumot buong araw at nanginginig sa lamig.


Hindi nya sa ganitong paraan gustong makilala ng mga bagong kapitbahay. Kakalipat lamang nila ni Melissa para lumayo sa lahat ng may kilala sa kanila sa kanilang bayan. Dapat sana ay nakikipag-inuman sya, naghahanap ng mga bagong tropa at kasangga. Pero simula noong isang buwan, unti-unti nyang naramdaman ang pagpasok ng lamig sa kanyang katawan. Nagsimula iyon malapit sa kanyang dibdib. Ininda niya iyon ng ilang linggo at nakakaubos na sya ng ilang paketeng sigarilyo para mapalis ang lamig. Pero lalong lumala at kumalat sa buo nyang katawan.


Pinayuhan si Melissa ng mga nakakatanda na bumalik sila sa inalisang bayan at humingi ng tawad. Hindi na raw normal ang nangyayari sa kinakasama kung kahit doktor ay sumusuko na sa kondisyon nito. Ngunit, nagalit si Rolly. Wala na raw silang mukhang ihaharap sa kanilang mga tinakasan. Batid na ni Rolly kung saan galing ang lamig. At tanggap na nyang sa ganitong paraan na lamang nagpaalam si Emilia.


Mula sa aparador ay kinuha ni Emilia ang paboritong T-shirt ni Rolly. Regalo nya ito noon sa asawa nang mabunot nya ang pangalan nito para sa exchange gift ng kanilang pamilya. Ilang buwan din bago niya ito tuluyang nabayaran sa Avon. Pero sulit naman dahil palaging may ngiti si Rolly tuwing susuutin ang nasabing damit.

Makalipas ang ilang taon, unti-unting nawala ang mga damit ni Rolly sa kanilang kabinet. Minsan, ang mga natitira nitong maruming damit ay himalang susulpot sa kabinet, bagong laba na. Tinanong niya minsan si Rolly tungkol dito. Pero hindi na makasagot ang asawa. Ang kanilang dalagang anak na ang sumagot ng katotohanang ayaw ni Emilia na marinig.


"Matagal na sila, Nanay. Nakikita na ng mga kapitbahay. Hindi ka na nya mahal." Ang anak na rin nyang panganay ang kumausap kay Rolly. 


Hanggang isang madaling araw, tumayo ang asawa mula sa kanilang higaan at lumabas. Di na ito bumalik.

Inilubog ni Emilia sa balde ng tubig ang paboritong T-shirt ng asawa nang paulit-ulit habang umuusal ng dasal sa wikang di nya alam, tinuro lamang ng namayapang ina. 


Makalipas ang isang buwang paghihintay, hindi na umasa si Emilia na babalik si Rolly. Mas higit siguro ang gayuma ng karibal niya kaysa sa mga nauna nyang ritwal para pabalikin ang asawa.

Matapos basain ang T-shirt, inilagak nya ito sa hukay malapit sa kanal. Hindi matutuyo ang T-shirt dahil inilibing nya ito sa daluyan ng tubig.


Dalawampu't limang taon ng buhay niya ang binigay niya para sa lalaki. Ngunit sa huli, hindi pala mabisa ang kasal.

Sala sa lamigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon