4: Ang Ibabaw ay Salungat sa Ilalim

12.6K 378 9
                                    

Nang gabing iyon hindi maipaliwanag ni Roselda ang kanyang nararamdaman. Nakahiga na siya sa kanyang katre na gawa sa pinagtagpi-tagping kawayan at pinatungan ng isang malapad na banig na gawa sa malambot na uri ng buri. Kanina pa niya sinusubukang matulog, subalit hindi niya magawa. May kung anong bumabagabag sa kanya.

 Marahil ay hindi niya magawang iwaksi sa kanyang isipan ang nangyari doon sa batuhan. Isa siyang sireno, sa isip ni Roselda. Hindi pa rin siya makapaniwala na isang nilalang na katulad niyon ang kanyang natagpuan. Isang bunga ng kathang-isip subalit totoo pala. Marami pa kayang mga kagaya niya sa ilalim ng dagat, naisip niya. Lalong dumami ang mga katanungan sa kanyang isipan.

 Napagpasyahan niyang bumangon at kumuha ng tubig na maiinom. Nang siya ay bumalik sa kanyang silid, binuksan niya ang bintana. Tumagos ang liwanag ng buwan sa manipis na kurtenang nakasabit, at tinamaan ang munting garapon na  nakapatong sa ibabaw ng kanyang lamesita. Sa loob nito’y naroon ang itim na perlas na ibinigay ng sireno. Nakababad ito sa tubig-alat at kumikinang ito sa ilalim ng liwanag ng buwan.

 Lumapit si Roselda sa garapon at sinilip ang perlas. Hindi niya sinabi sa kanyang Mamang at Papang ang tungkol dito kanina nang makauwi.

 Madalim na nang siya ay makarating ng bahay at si Mamang ay nag-aabang sa may tarangkahan.

 “Saan ka nanggaling?” bugad agad nito nang siya ay makalapit. Mababahiran ng pag-aalala ang mukha nito.

 Nagmano siya bago tumugon, “Sa dalampasigan po, Mang. Namulot lang ako ng mga kabibe at batotoy.” Pinakita niya rito ang sisidlang lambat na punong-puno.

 Umismid ang matanda.

 “Pasensya na po kung ako’y ginabi. Nawili lang po ako sa pamumulot.”

 Iyon lang at siya ay pinapasok na.

 Hindi lubos maintindihan ni Roselda kung baket gayon na lamang ang pag-aalala ng mga ito sa tuwing siya ay ginagabi ng pag-uwi. Batid niyang natural lang ang ganoon sa mga magulang, subalit nakapagtataka naman na sobra silang nag-aalala sa maliliit na bagay.

 Dumungaw si Roselda sa bintana at napatitig sa ganap na kabilugan ng buwan. Walang ano mang kaulapan sa madilim na kalangitan kaya’t tanaw na tanaw niya ang kumukuti-kutitap ng mga tala. Napakaganda nila. Nilingon niya ang itim na perlas sa loob ng garapon. Kasing ganda nitong perlas, sa isip niya.

Hindi pinahintulutang pumasok ang mga sireno’t sirena sa loob ng Palasyo subalit madadama ang pagkabalisa sa mga ito. Mayroong masamang nangyari sa Punong Maayo at ang lahat ay nais na malaman kung ano ang naganap.

 Hindi pa batid ni Managat ang lahat ngunit nararamdaman niyang malubha ang nangyari.

 “Pakiusap, huminahon ang lahat!” Anang isang sireno, hindi man nakitang bumuka ang kanyang maninipis na mga labi, narinig naman ito ng lahat sa kanilang isipan. Ang isang ito ay payat at may mahahabang mga braso at daliri. Mala-bughaw na abuhin ang kanyang balat na bumagay sa kanyang buntot na abuhin na nababatik-batikan ng itim at malamyos na asul. Siya si Umala, ang taga-pagpayo . “Pakiusap,” itinaas nito ang kanyang kanang braso, “makinig kayo. Ang Punong Maayo ay dinapuan ng isang kakaibang sakit. Isang sakit na ngayon lang ulit nangyari mula nang ito ay natuklasan isang libong taon na ang nakakalipas.”

 Ang balitang ito ay nagdulot ng pagkabahala sa mga nakikinig.

 “Ang Manggagamot,” dito ay nilingon ni Umala ang isang bansot at may katabaang sireno; nangalagas na ang mapuputi nitong buhok sa ulo subalit ang maliliit nitong mga mata ay kakikitaan ng pagkamaagap; ang buntot nito ay puro puti at naguguhitan ng abuhin at mapusyaw na dilaw sa tagiliran; sa dibdib nito ay naroon ang marka na nagbubukod sa kanya bilang isang manggamot: dalawang linyang pahiga na may tuldok sa ilalim; siya si Maalam, ang Manggagamot, “ay ginagawa na ang lahat ng pagsusuri upang hanapan ng lunas ang karamdaman ng ating mahal na Punong Maayo.”

 Tumango ang manggagamot. Isa itong dalubahasa sa kanyang larangan, ano mang sakit na idinudulog sa kanya ay kaya nitong lunasan. At dahil dito, kahit paaano ay kumalma ang mga naroroon.

  “Huwag kayong mag-alala,” ani Umala, nakangiti ito at pakiwari ni Managat ay natutuwa pa ito sa nangyari, “gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang gumaling ang Punong Maayo.”

 Unti-unting nagsialisan ang mga sireno’t sirenang nangagtipon sa pultahan ng Palasyo. Ang ilan sa kanila ay nagpapasalamat, samantalang ang iba naman ay kababakasan pa rin ng pangamba. Subalit hindi nahikayat si Managat sa tinuran ni Umala. Alam niyang malala pa sa inaakala ng lahat ang nangyari. Batid niya sapagka’t noong tininggnan niya ang Manggagamot, napuna niya ang lubos na pag-aalala sa mga mata nito.

 “Ama!” agad niyang tinawag ang Manggagamot.

 Nilingon siya nito nang may lungkot sa mga mata.

 Lumapit si Managat sa Manggagamot, “Ano po ba ang nangyari?

 Hindi agad ito nakatugon at sa halip ay tumingin ito sa kanyang mga mata. “Anak, lubos kong ipinagdarasal kay Bathala na huwag pahintulutang maulit ang pangyayaring ito. Subalit,” napailing ito, “may bagay talaga na sadyang hindi napipigilan, isa na ang kaganapang ito.

Napahikab si Roselda. Sa wakas ay dinalaw na rin ako ng antok, sa isip niya. Hinayaan niyang bukas ang bitana at tinungo ang kanyang hihigan. Bago siya nakatulog, naisip niya ang dagat at si Managat, ang sireno. Ano kaya ang ginagawa nito?

KALISKIS (Munting Handog - Book 1)Where stories live. Discover now