Lilim ng Kahapon

56 11 0
                                    

Taong 1897

Hinihingal na tumatakbo siya. Kahit na kinakapos ng hininga ay pinilit niyang inihahakbang ang kaniyang mga paa. Sa kadahilanang  kailangan niyang makalayo upang matakasan ang mga humahabol sa kaniya. 

Sa hindi kalayuan ay narinig niya ang papalapit na yabag ng mga kabayo. Sumuot siya sa ilalim ng malaking ugat ng punong kahoy para magtago. "Bilisan niyo at baka makatakas ang babaeng iyon!" Narinig niyang sigaw ng lalaki na kilalang-kilala niya. 

Sumilip siya mula sa kaniyang pinagtataguan at nakita niyang tumigil sa di' kalayuan ang isang grupo ng kalalakihang lulan ng mga kabayo. Napalinga-linga ang isa sa kanila kaya't napakubli siya. 'Diyos ko tulungan niyo po ako' mahinang usal niya sa sarili.

 "Sa banda doon po, senyor." Sambit ng alalay nito. Muli niyang narinig ang yabag ng kabayo na unti-unting lumalayo sa pinagtataguan niya. Napabuntung-hininga na lamang ang dalaga. Pumanatag na ang kaniyang loob at dahan-dahan siyang lumabas mula sa kaniyang pinagtataguan.

Sinulyapan ni Amor ang kaniyang damit sa malinaw na tubig ng ilog. Puno ito ng mga tilamsik ng putik. Ang dating kulay kalapati niyang saya ay nagmukhang basahan dahil sa dumi. Napagawi siya sa ilog upang linisin ang kaniyang sarili. Napatingin siya sa kaniyang repleksiyon bago maghilamos.

 Maraming nagbago sa kaniya, hindi lang sa panlabas na anyo niya. Ang dati niyang may kulay na mata ay nawalan na ng buhay. Ang dati niyang porselanang balat na namana niya sa Espanyol niyang mga magulang ay napuno ng mga sugat at nangangayayat rin siya. Umagos ang mga luha sa kaniyang mata. Bumalik sa kaniyang isipan ang pinagmulan ng lahat ng kaniyang pasakit.

Nagsimula ito ng umibig siya sa binatang nagngangalang Isko. Ang karalitaan ng lalaki ang humadlang sa kanilang pag-iibigan. Pilit silang pinaghiwalay ng kaniyang sakim na tiyuhin. 

"Hindi nababagay sa isang diyamanteng katulad mo ang mabahiran ng lusak." Umalingawngaw sa isipan niya ang sinabi ng kaniyang tiyuhin. 

Pinilit siya ng kaniyang tiyuhing si Don Escanor na ipakasal sa inaanak nitong si Pacifico na siyang Gobernador-cillo sa kanilang bayan. Hindi siya sumang-ayon kaya pinagbuhatan siya ng kamay ng tiyuhin.

 Magmula noon ay bantay sarado na siya. Hindi siya puwedeng umalis ng bahay ng walang bantay na nakasunod dahil sa takot ng kaniyang tiyuhin na baka katagpuin niya ang kaniyang nobyo. 

Ang kaniyang tiyuhin ang Alperes ng kanilang bayan kaya't hawak siya nito sa leeg at dahil ito rin ang nagsilbing ama-amahan niya magmula ng siya ay maulila.

Anak siya ng dating yumaong Donya at Don Buenavides. Namatay ang mga ito dahil sa isang aksidente ng kinse anyos pa lamang siya. 

Kaya't nalagay siya sa pangangalaga ng kaniyang tiyuhin. Malapit na siyang magdise-otso kaya natakot ang tiyuhing Don na wala itong mahuhuthot na salapi mula sa kaniya kaya't pinuwersa siya nitong ipakasal sa unico hijo ng kaniyang kumpare.

Mabuti na lamang ay bago pa maisagawa ng mag ama-amahan ang maitim na plano ng mga ito ay nakatakas siya. Ngunit sa kasamaang palad ay natunugan siya ng mga katiwala kaya ngayon ay tinutugis na siya ng mga alagad ng kaniyang tiyuhin.

Binaybay ni Amor ang ilog at nagbakasakaling may makitang tao na mahihingan ng tulong. Nanlaki ang kaniyang mata ng may makitang bulto ng tao sa di' kalayuan. Sa wakas!

Iniangat niya ang laylayan ng kaniyang saya para makalakad siya ng mas mabilis pero sa kasamaang palad ay natisod siya sa nakausling bato at nahulog sa tubig.

Naramdaman niyang unti-unting lumulubog ang katawan niya sa kailaliman ng ilog. Ito na ba ang katapusan niya? Handa na sana niyang tanggapin ang bisig ng kamatayan. Nang may matipunong braso ang humila sa kaniya pabalik sa itaas.

Lilim ng KahaponTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon