Subo (isang maikling kwento)

739 9 0
                                    


Pinapanood ni Valerie ang mga stewardess habang pinapakita nila ang mga dapat gawin sa oras ng emergency. Ilang beses na siyang nakasakay ng eroplano pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya masanay-sanay; palagi pa rin siyang kinakabahan.

Pagkatapos mag-demonstration ng mga stewardess, tinawag niya ang isa sa mga ito at humingi ng regular niyang iniinom bago lumipad ang eroplano, "Hi miss, pwede bang bigyan mo ako ng gin and tonic, salamat."

Bumalik ang stewardess dala ang kaniyang inumin, ininom iyon ni Valerie sa isang lagukan. Nakaramdam siya ng paggaan ng ulo, pinikit niya ang kaniyang mga mata at pinilit na maidlip. Ang pinakaayaw niya sa pagsakay ng eroplano ay ang take-off kaya naman lagi siyang humihingi ng alak para mabawasan ang kaniyang kaba.

Nakatulog siya kahit papaano, nagising siya sa boses ng katabi niyang babae na pinapakain ang kasama nitong maliit na bata, "Open your mouth, here comes the airplane, here comes the airplane..."

Natuwa si Valerie sa bata, may hawak ang nanay nito na kutsara na parang eroplano ang hugis. Sa tuwing magsasabi ang nanay ng bata ng "Open your mouth, here comes the airplane, here comes the airplane..." hahagikgik ang bata at masayang aabangangan ang isusubong pagkain sa kaniya. Ngumiti ang nanay ng bata kay Valerie at nginitian niya rin ito at tumingin na siya sa labas ng bintana, medyo madilim sa labas dahil padating na ang gabi.

Ilang minuto ang lumipas at lalong dumilim sa labas ng bintana, napadaan ang eroplano sa maitim na ulap, tumulo ang ulan sa labas. Kumulog at kumidlat, parang dumadaan sa malubak na kalsada ang kanilang eroplano.

Namigay na ng pagkain ang mga stewardess, oras na ng hapunan. Matapos kumain ng mga tao, naghanda na ang iba para matulog. Karamihan sa loob ng eroplano ay tulog na, hindi makatulog si Valerie kaya humingi siyang muli sa stewardess ng paborito niyang inuming alak. Parang hindi gumana ang isang shot kaya humingi siyang muli ng isa. Wala pa ring tama kaya dalawang sabay na baso na ang hiningi niya.

Sa wakas ay nakaramdam na siya ng tama, naglagay siya ng unan sa kaniyang leeg at nagtakip ng blanket. Tiningnan niya ang katabi niyang mag-ina, mahimbing na silang natutulog. Hawak pa ng bata ang kutsara nitong hugis eroplano. Ibinaba ni Valeria ang takip ng bintana, nakakaistorbo kasi ang ilaw ng kidlat sa labas na pumapasok ang liwanag sa loob ng kanilang eroplano.

Napapapikit na ang kaniyang mga mata, makakatulog na sana si Valerie ng maramdaman niya ang malakas na pag-uga ng eroplano. Halos lahat ng mga pasaherong mahimbing ang tulog ay nagising.

Umilaw ang seat belt sign at nagsalita ang piloto sa speaker, "Please remain calm, we are just experiencing heavy turbulence..." Dama ni Valerie ang pangamba ng mga pasahero, patuloy kasi sa pag-uga ang kanilang eroplano kaya ang iba ay nakita niyang nag-antanda ng krus, ang iba naman ay naglabas ng rosaryo at nanalangin.

Upang maaliw ang sarili, minabuti niyang buksan ang takip ng bintana at magmasid sa kadiliman ng gabi. Nanglaki ang kaniyang mga mata. Di siya makapaniwala sa kaniyang nakita, may naaninag siyang isang higanteng sanggol sa labas na nakabuka ang bibig at naghihintay sa pagpasok ng kanilang eroplano sa bibig nito. 

-Wakas-

* Maraming salamat po sa pagbasa. Kung nais niyo pong makabasa ng iba ko pang kwento, makikita niyo po ito sa #maiklingkwento. Ang maikling kwentong ito ay bahagi ng librong "Ben Chinko (Vol. 1)" na binubuo ng dalawampu't limang kathang-isip na mga maikling kwento.

Ang imahe para sa maikling kwentong ito ay iginuhit ni Patrick Earl Alvarez, mula sa kaniyang librong "Mythos" (A Coloring & Illustrative Book -- Philippine Copyright 2019/All rights reserved). Kung nais po ninyong bumili ng kaniyang libro, bisitahin ang kaniyang facebook page: https://www.facebook.com/mythosbypatrickearlalvarez/ 

Subo (isang maikling kwento)Where stories live. Discover now