Kama (isang maikling kwento)

935 6 0
                                    


Pumasok ang nurse sa kaniyang kwarto at hinawakan ang kaniyang pulso, nagising siya. "Pasensiya na po ma'am Lani naistorbo ko kayo sa inyong pagtulog," wika ng nurse sa kaniya.

"Wala iyon Jane, parte ng trabaho mo iyan naiintindihan ko," ngumiti si Lani sa kaniyang nurse.

"Gusto niyo po bang kumain na para makainom na rin kayo ng gamot?" nakatingin ang nurse sa kaniyang relo hawak pa rin ang pulso ni Lani.

"Kung kailangan ko ng uminom ng gamot, sige pipilitin kong kumain. Kasi di ba bilin ng doktor dapat uminom ako ng gamot ng may laman ang aking sikmura?" sagot ni Lani.

"Sige po, dadalhin ko na ang pagkain ninyo," binaba ng nurse ang kamay ni Lani at lumabas ng kwarto.

Tumingin si Lani sa kisame, pagkatapos ay sa litrato ng kaniyang ina na nakalagay sa mesa sa tabi ng kaniyang kama. Hindi na makabangon si Lani sa kaniyang kama dahil sa katandaan at malubhang karamdaman kaya palagi na lamang siyang natutulog.

Maya-maya pa ay pumasok si Jane dala ang kaniyang pagkain. Tinulungan niya si Lani na maitayo ang kalahati ng katawan para makakain siya ng maayos. Nilapag ng nurse ang tray sa tapat niya at kumain si Lani. Napatingin si Jane sa litratong nasa tabi ng kama ng matanda, "Sino po ang mag-inang nasa litrato? Kamukhang-kamukha niyo po yung babae, kung ako lang, iisipin ko na kayo iyon na may dalang sanggol."

Nilapag ni Lani ang kutsara, "Nanay ko yan at ako yung sanggol na dala niya. Marami nga ang nagsasabi na kuhang-kuha ko raw ang mukha ng aking ina."

Hinanda ni Jane ang iinuming gamot ni Lani, "Tapos na po ba kayong kumain, pwede na po kayong uminom ng gamot."

Tinulak ng bahagya ni Lani ang tray ng pagkain para ipakitang tapos na siya, "Oo Jane, wala talaga akong ganang kumain, sumubo lang ako ng kaunti para makainom ng gamot."

Kinuha ni Jane ang tray ng pagkain at inabot ang gamot sa matanda, "Eto na po ma'am. May itatanong lang po ako sana huwag kayong magalit, bakit po hindi na kayo nag-asawa at bumuo ng pamilya?"

Ngumiti ang matanda, "Ginugol ko ang panahon ko sa pag-aalaga sa aking ina nung nagkaroon siya ng sakit, kaya nawalan na ako ng oras para sa sarili ko."

"Isa po kayong mabuting anak, kinalimutan niyo ang sarili ninyong kaligayahan para sa kapakanan ng magulang ninyo," inalalayan ni Jane ang matanda para muling mahiga.

Pumikit si Lani, "Simula't-simula kami lang naman ng nanay ko. Noong nilayasan kami ng tatay ko, hindi na nag-asawa ang nanay ko at ako na lang ang tinutukan niya maliban sa tinayo niyang negosyo na matagumpay niyang napalago."

Inayos ni Jane ang kumot ng matanda para matakluban siya hanggang leeg, "Sige po ma'am iiwan ko na kayo para makapagpahinga, epekto po iyan ng gamot na iniinom ninyo kaya medyo inaantok na kayo."

Hindi na nagsalita si Lani at mahimbing na nakatulog. Napansin ni Lani sa kaniyang pagising na parang nag-iba ang itsura ng kaniyang kama at kwarto. Pinipilit niyang bumangon pero di niya magawa. Binuka niya ang bibig para humingi na tulong pero di siya makapagsalita at ang tanging lumabas lang ay isang malakas na iyak. Maya-maya ay may narinig siyang naglalakad papalapit sa kaniyang hinihigaan, isang babaeng kamukhang-kamukha niya, hindi niya maintindihan ang sinasabi nito pero may pinasubo itong bote sa kaniya at nakatulog siyang muli. 

-Wakas-

* Maraming salamat po sa pagbasa. Kung nais niyo pong makabasa ng iba ko pang kwento, makikita niyo po ito sa #maiklingkwento. Ang maikling kwentong ito ay bahagi ng librong "Ben Chinko (Vol. 1)" na binubuo ng dalawampu't limang kathang-isip na mga maikling kwento.

Ang imahe para sa maikling kwentong ito ay iginuhit ni Patrick Earl Alvarez, mula sa kaniyang librong "Mythos" (A Coloring & Illustrative Book -- Philippine Copyright 2019/All rights reserved). Kung nais po ninyong bumili ng kaniyang libro, bisitahin ang kaniyang facebook page: https://www.facebook.com/mythosbypatrickearlalvarez/ 

Kama (isang maikling kwento)Where stories live. Discover now