Mga Maka Bagong Bayani

1 0 0
                                    

Nagising ako muli sa ibang panahon.
Nagulat, ngunit pamilyar na ako sa panahong ito. Nakarating na ako rito.

Mabilis akong tumayo upang hanapin ang mga bayaning minsan ko nang nakadaupang palad. Nasa panahon nila ako. Alam ko. Sigurado ako.

Ngunit unti-unti akong pinanlamigan nang makalabas ako sa silid na pinaggalingan ko. Bakit may flatscreen tv? Bakit wala na ang mga lumang kasangkapan? Bakit parang nasa kasalukuyan pa rin ako?

Naabutan ko sa sala sina Andres Bonifacio, Antonio Luna, Emilio Jacinto, Apolinaryo Mabini, at ang pambansang bayani si GAT Jose Rizal.
Nagtatawanan.

Kumunot ang noo ko ng mapansing nakasuot sila ng mga makabagong damit. At ang pagkunot ng noo ay napalitan ng mahinang pagtawa. Sina Rizal, nakasuot ng ripped jeans? Ang mas malala pa, may bandana si Rizal sa ulo. At iba pa ang hairstyle. May kulay kagaya ng sa mga kpop.

"Yow, Cess." Si Bonifacio

Gusto kong humagalpak ng tawa nang bungaran ako nang ganoon ni Bonifacio. Pero pinigilan ko ang sarili. Magiliw parin akong bumati.

"Magandang araw mga ginoo." Pagbati ko.

Rizal: "Luh. Ang baduy mo."

Luna: "Jejemon ka noh?"

Jacinto: "Eto na 'yung Maria Clara mo pre."

Mabini: "Papansin kulang sa aruga. 'Di ka siguro mahal ng mama mo."

Namutla ako sa narinig ko. Bakit ganito ang mga bayani? Nasaan na ang mga inirerespeto kong mga Pilipinong nagbuwis ng buhay nila para sa bayan ko? Bakit parang mga kabataang hindi naturuan ng tamang asal ang kaharap ko?

Mayroong hinugot si Jose Rizal. Isang dyaryo. Ipinakita niya ito sakin.

"Kutis koreana in just 14 days." Iyon ang sabi sa Ad kasama ng isang maputing artistang kilala ko.

"Trip niyo na palang mag-kulay bangkay ngayon?" Habol pa ni Bonifacio.

Hindi ko akalaing mapapangiwi ako. Ano ba 'tong pinasok ko? Bakit ganito ang mga kausap ko? Ni hindi ako makapag salita.

Napapalatak si Luna "Punyeta sinabi ko na kasi sa inyo. Lumaban-laban pa tayo sa mga kastila. Hinayaan niyo nalang sana tong mga bopols na 'to na mag-enjoy. Hindi umalis sa bansa natin. Tignan mo 'tong pinas ngayon. Puno ng Intsik, koryano, at pati na mga amerikano.

"Mga artista nga nila, half-blood na." Natatawang singit ni Jacinto habang nakatingin sa hawak na smart phone. "Kahit adik pa 'yan o manyak. Basta maputla at matangos ang ilong, tinitilian na."

"Balita nga namin, inalis niyo na raw ang panitikang Filipino sa college? Tapos ipapasok niyo na bilang elective ang hangul sa highschool. Nice level up na. Paggamit nga lang ng 'nang' at 'ng' hindi niyo pa maayos eh." Sabad ni Mabini.

"Huy tigilan niyo na nga 'yan
 Chill na nga tayo rito oh." Saway ni Rizal.

Pagkatapos ay tiningnan niya ako. Tiningnan niya ako gamit ang malungkot niyang mga mata. Walang buhay. Walang kinang. Mga matang nagpapanggap na masaya. Ngumiti siya pero ni hindi iyon umabot sa tenga niya. Pekeng ngiti kalakip ng mga walang-saysay na biro.

Walang anu-ano'y tumayo siya. Iniabot saakin ang dalawan libro at hindi mabilang na mga papel na amoy-bodega.

"Ano pong gagawin ko rito?" Naguguluhang tanong ko. Sinulyapan ko ang pamagat ng mga libro.

Noli Me Tangere.
El Filibusterismo.

"Itapon mo. Sunugin mo. Wala naman na 'kong pakialam." Walang kagatol-gatol na sabi ni Rizal. "Mga isinulat namin. Mga pinagpaguran namin para magising sa katotohanan 'yang mga ninuno niyo at lumaban para sa bayan. Walang silbi ang mga 'yan."

"Pero ang mga ito ang dahilan kung bakit napalaya ang ninyo ang Pilipinas!" Malakas kong sabi. Nagagalit ako. Naiinis. Ano ba ang pinapalabas ng mga bayaning 'to?

Napaatras ako nang sumeryoso nang husto ang mukha ni Rizal.

"Walang lumaya." Malamig niyang tugon. "Kahit kailan ay hindi kayo totoong lumaya. Inalipin noon ang mga Pilipino kaya kami lumaban. Pero sa kabila ng lahat, Pilipino rin ang sumira sa sarili nilang bayan. Sinamba ninyo ang mga banyaga. Niyakap ninyo ang kultura nila. Ibinaon niyo sa limot ang aming mga nagawa. Wala na sa inyong taos-pusong umalala ng mga kontribusyon namin para sa bansa."

Hindi ako makasagot.

"Ang hindi magmahal sa sariling wika ay mahigit pa sa hayop at malansang isda." Patuyang ulit ni Rizal sa pamoso niyang linya. "Ingles ang ginagawa ninyong basehan ng talino. Inaaral ninyo ang lenggwahe ng mga banyagang dumaragsa sa bansa ninyo ngunit ni hindi kayo pamilyar sa tamang paggamit ng mga salita ng sarili niyong wika. Pinagtatawanan ninyo ang mga matatalinong malalim kung magsalita ng wikang Filipino at ginagaya ninyo ang tatas ng wika ng mga banyagang palihim na binubura ang kultura ninyo."

Napayuko ako. Hiyang-hiya.

"Hindi namin napalaya ang Pilipinas. Pinili ninyong magpakadena sa kolonyalismo. Wala na kaming magagawa. Ang bansang ipinaglaban namin mula sa mga banyaga ay sa banyaga pa rin ngayon sumasamba."

A/N: Ang pagmamahal sa ating sariling wika at kultura ay isang kabayanihan.

Mga Likha Ni Binibining SagaWhere stories live. Discover now