Chapter Nineteen

4.1K 115 9
                                    

NAGULAT si Jenny nang pagbukas niya ng pinto ng kanilang bahay ay naroon si Benedict. Lalabas sana siya dahil may kailangan siyang bilhin sa tindahan. “Benedict? Anong ginawa mo dito?” Agad niyang tanong sa lalaki.

“Okay ka na ba? Kumusta na ang pakiramdam mo?”

“Ayos na ako. Hindi ka na dapat nagpunta pa dito.” Nag-aalala lang kasi siya na baka kapag nakita ito ni Lance ay magkaroon pa ng gulo.

Ngunit bago pa makapagsalita si Benedict ay isang babae ang humawi dito at akmang sasampalin siya. Hindi nagawang ituloy ng babae ang pagsampal sa kaniya pagkakita sa mukha niya. Tinawag pa siya nito sa pangalang “Faith”. Sa sobrang pagkabigla nito ay napaupo pa ito.

Maging siya ay napatitig din sa mukha ng babaeng iyon. Hindi niya alam ngunit sobrang pamilyar sa kaniya ng mukha nito. Napahawak siya sa kaniyang ulo dahil medyo sumasakit na naman iyon.

Sa sandaling pagpikit ng mga mata ni Jenny ay isang eksena ang biglang pumasok doon. Nasa isang sasakyan daw siya kasama ang babaeng nasa harapan niya. Nagtatalo sila at nagsisigawan. Takot na takot siya. Hanggang sa ibangga ng babae ang kotse sa isang malaking puno! Napasinghap siya pagkamulat niya ng mga mata.

Doon na dumating si Lance at hinila na ni Benedict ang babae paalis sa bakuran nila.

“Ang babaeng iyon…” Mahina niyang sabi habang pilit na inaalala kung sino ba iyon. Sigurado siya, kilala niya ang babaeng iyon!

Napapitlag siya nang hawakan siya ni Lance sa kaniyang braso. “May sinasabi ka ba?” Umiling si Jenny. “Hindi na talaga dapat nagpupunta ang Benedict na iyon dito. Nakita mo na, mukhang girlfriend pa niya ang babaeng iyon at susugurin ka pa.”

“Lance, nakita mo ba iyong reaksiyon no’ng babae nang makita niya ako? Gulat na gulat siya na para bang kilala niya ako!” Nalilitong napatingin siya sa katabi. “Sino ang babaeng iyon, Lance? K-kilala ko ba siya?”

“Ha? Paano mo makikilala ang babaeng iyon, e, ngayon ko lang iyon nakita. Huwag mo nang isipin iyon dahil wala silang koneksiyon sa buhay mo. Okay?”

Tanging tango na lang ang naisagot niya kay Lance pero ang isip niya ay tumatakbo pa rin dahil sa babaeng nakita niya. Malakas talaga ang kutob niya na kilala niya ang babaeng dumating kanina.


-----ooo-----


BANDANG tanghali, pagkatapos nilang kumain ay biglang nagpaalam sa kaniya si Lance na may pupuntahan ito. Anito, may kakausapin itong kliyente na oorder ng lechon sa kanila at kailangang personal nitong makausap ang taong iyon. Napansin pa nga niya na medyo balisa at nagmamadali si Lance. Kaya nang umalis ito ay nakalimutan nitong dalhin ang cellphone nito.

“Ang taong iyon talaga, masyadong makakalimutin!” pakli pa ni Jenny.

Naisip niyang ihabol ang cellphone nito dito dahil kakaalis lang naman nito. Alam niya kasi na sa may terminal ng jeep ang punta nito kaya doon niya ito pupuntahan. Inihabilin muna niya si Jayden sa kapitbahay.

Isang tricycle ang dumaan at pinara niya iyon upang ihatid siya sa terminal ng jeep. “Kuya, pakibilis lang nang kaunti. Nagmamadali kasi ako,” aniya sa driver. Medyo binilisan naman ng driver ang pagmamaneho nito pero sa pagliko nito sa isang kanto ay isa pang tricycle ang bumulaga sa kanila.

Malakas na nag-preno ang driver at muntik na siyang maumpog sa unahan kung hindi pa niya naituon ang kamay sa may unahan. Pakiramdam niya ay naalog nang husto ang buo niyang pagkatao sa nangyari. Malakas siyang napasigaw at kasabay niyon ay maraming malinaw na mga alaala ang rumehistro sa kaniyang isipan…


-----ooo-----


UMIYAK nang umiyak si Faith nang makauwi siya ng bahay. Hindi na niya nagawang ihabol kay Lance ang cellphone nito dahil hindi na niya iyon kayang gawin. Napaupo siya sa sofa sa salas habang nakatitig lang sa kawalan.

The Faithful WifeWhere stories live. Discover now