#1 - Chapter 9: Insomnia

47 32 2
                                    

Lumapit siya muli sa akin at niyakap ako. “Huwag ka nang umiyak. Sorry na kung nasaktan kita. Don’t worry. Babawi ako.”

Isinandal ko na lang ang aking noo sa balikat niya at dinama ang init ng kaniyang yakap. Napapikit ako at humikbi nang humikbi.

“Gusto kita.” Gusto niya rin ako . . . ‘di ba dapat ay masaya ako? Subalit, bakit ganito? Parang may kumirot sa puso ko.

Sumalubong sa aking paningin ang madilim na kisame. Dahan-dahan kong hinawakan ang aking pisngi gamit ang aking kanang kamay. Pati sa paggising ko, umiiyak ako. ‘Hindi ko na naman siya maalala . . . ’ Napahawak ako sa dibdib ko at dinamdam ang bilis ng tibok ng puso ko. ‘ . . . pero naaalala pa rin siya ng puso ko.’

Tumagilid ako ng higa. Aksidenteng naaninag ko ‘yung blue journal na nasa ibabaw ng side table ko. Kinuha ko iyon at tinitigan.

Sa totoo lang, nakadama ako ng saya nang umamin siya sa akin. Hindi ko inaaasahan iyon – a magugustuhan niya rin ako. Akala ko kasi, kaibigan lang talaga ang turing niya sa akin.

Marami akong gustong itanong sa kaniya. Gusto kong itanong kung ano . . . kung paano . . . niya ako nagustuhan. Gusto ko rin ulit marinig sa kaniya ang dalawang salitang iyon. “Gusto kita.”

Inabot ko ang aking phone na nakapatong din sa side table kasama ng journal. Tinignan ko kung anong oras na – alas dos pa lang pala.

Muli kong ipinikit ang aking mga mata at sinubukang matulog ulit ngunit makalipas ang ilang minuto, hindi na ako binalikan ng antok. Hindi na talaga ako makatutulog nito.

Isang beses akong napahampas nang malakas sa kama. Kaasar. Kabitin naman. Gusto ko pa siyang makausap, eh. Aalamin ko pa kung totoo ba talaga ang mga inamin niya.

“Gusto kita.” Napangiti na lamang ako dahil sa kilig.

Grabe. Nag-te-take-risk na naman ako. Pag-ibig nga naman talaga, lilitaw at lilitaw . . . pati na sa panaginip.

~*~

“Hi. Ano ang nakain mo ngayon? Para kang stuffed toy na nakangiti.”

Mula sa aking pagtingin sa dinaraanan ko sa corridor papuntang classroom, sinulyapan ko si Trish. Mas lumapad ang ngiti ko sa sinabi niya.

“Wala. Nasa mood lang naman ako ngayon,” tugon ko.

Ngumisi siyang tila nang-aasar. “Baka naman, Lei, ipakilala mo na ‘yang bagong nagpapatibok ng puso mo.” Tinusok-tusok niya pa ang tagiliran ko kaya medyo lumayo ako sa kaniya. Hindi kasi nakakikiliti hayung ginagawa niya – nakasasakit.

Ipakilala? Paano iyon? Sa panaginip ko lang naman siya nakakasama? Hindi ko nga siya maalala sa reyalidad ko. Kahit pangalan man lang niya, hindi ko alam.

Tinignan ko siya. “Soon,” sambit ko na lang kahit na hindi ako sigurado kung matutuloy ba ‘yung ‘soon’ na iyon.

Hindi na siya nangulit pa at tumango na lamang. Na-guilty tuloy ako dahil sa hindi pagsabi sa kaniya ngunit ano ang magagawa ko? Hindi ko naman siya puwedeng dalhin sa panaginip ko.

“Sorry kung hindi ko muna siya masasabi o maipakikilala sa iyo. Sana, maintindihan mo.”

“Hindi ko na tatanungin ang rason kung bakit ayaw mo munang sabihin kung sino. Okay lang naman. I’m willing to wait,” nakangiting wika niya.

Scholeisure High: NovellasWhere stories live. Discover now