BLACK [02]

4K 129 10
                                    

“A-ANO po? Jino-joke niyo lang po ba ako?” Parang ayaw paniwalaan ni Angel ang sinabi sa kaniya ni Aling Sandy. “Pina-prank niyo lang ba ako kasi birthday ko ngayon?”

“Angel, hindi… Kailangan na naming magbawas ng tao ngayon dahil sa nalulugi na kami. Hindi na namin ikaw kayang bayaran. Pasensiya ka na.” Isang sobre ang inabot ng babae sa kaniya. “Huling sahod mo na iyan. Pwede ka nang umuwi. Alam mo, masipag ka. Nanghihinayang din ako na alisin ka pero kailangan talaga. Pasensiya na talaga, ha.”

Kapag nga naman minamalas ka. Talagang ngayong birthday pa niya ito nangyari, ha. Ang gandang regalo naman nito! Sa pagbibigay ni Aling Sandy sa huling sweldo niya ay nakumpirma niyang hindi joke ang lahat. Kabilang na siya ngayon sa mga Pilipinong walang trabaho.

Nakatulala pa rin si Angel kahit wala na sa harapan niya si Aling Sandy. Nang medyo mahimasmasan ay tiningnan niya kung magkano ang laman ng sobre. Three thousand pesos lang. Ilang araw naman kaya ang itatagal nito sa kaniya? Sa susunod na linggo ay magbabayad na sila ni Cecilla sa renta sa apartment. Tatlong libo ang upa nila kaya tig-one thousand five hundred sila.

Mas lalo siyang nanlumo. Gusto sana niyang umuwi na lang dahil sa nanghihina siya sa nangyari pero naisip niya na kung gagawin niya iyon ay siya rin ang kawawa. Kaya imbes na umuwi ay nagpunta siya sa isang computer shop at nagpa-print ng ilang kopya ng kaniyang resumѐ. Walang siyang mahihita kung magmumukmok siya sa bahay. Mas maganda pang maghanap na lang siya agad ng bagong trabaho.

Ang mga katulad niyang mahirap ay hindi pwedeng mawalan ng trabaho dahil gutom ang aabutin.

Agad na kumilos si Angel. Pinasahan niya ng kaniyang resumѐ ang mga pwede niyang pasukan. Gaya ng computer shop, restaurant at mga manufacturing company. Kahit nga ang tindahan ng ukay-ukay ay pinasahan niya. Iisa lang ang sinabi sa kaniya ng mga ito—tatawagan na lang daw siya kapag kailangan na ng tao.

Madilim na nang magdesisyong umuwi si Angel. Habang sakay ng jeep ay nakatanggap siya ng text message mula kay Cecilla. Nakaalis na daw ito ng apartment. May bagong bukas daw kasi na bar na sinabi iyong nagbubugaw dito at doon muna ito tatambay.

Sa totoo lang, ilang beses na niyang kinausap ang kaibigan niya na iwan na nito ang trabaho nitong iyon pero palagi siya nitong tinatawanan. Ano naman daw kasi ang makukuha niyang trabaho gayong kahit high school ay hindi nito natapos? Sa tingin niya ay katwiran lang iyon nito. Siya nga na hindi rin nakatapos ng high school ay nakakapagtrabaho ng marangal. Ito pa kaya? Ayaw lang talagang subukan ni Cecilla na makawala sa pagiging pokpok. Bilang kaibigan ay natatakot din siya na baka kung anong mangyari dito. Marami siyang napapanood sa balita na ikinukulong na mga pokpok o kaya ay mga pinapatay ng mga customer nito. Isa pa, baka magkaroon ito ng sakit dahil kung sinu-sino ang nakakatalik nito.

Itinigil na nga lang niya ang pagpilit dito dahil baka pagsimulan pa iyon ng away nila. Baka sabihin nito na pakialamera siya ng buhay ng may buhay.

Pero sana ay maliwanagan ang pag-iisip ni Cecilla. Hindi siya nawawalan ng pag-asang mangyayari iyon gaya ng pag-asa niya na balang araw ay yayaman din siya.


-----ooo-----


DAHIL sa labis na pagod sa maghapon na paghahanap ng trabaho ay nakatulog na si Angel sa jeep. Nagising na lang siya nang may marinig siyang pumara sa kaniyang tabi. Pagdilat ng mata niya ay doon niya napagtanto na nakatulog na pala siya sa balikat ng katabi niyang lalaki.

“Pasensiya na po…” Nahihiya niyang sabi dito. Kapansin-pansin ang suot nito na puro kulay itim. Mula sa amerikana, pantalon at sapatos. Hindi nga lang niya makita ang mukha nito dahil sa medyo madilim sa jeep.

Hindi nagsalita ang lalaki. Bumaba na lang ito nang huminto ang jeep na sinasakyan nila.

Tumingin si Angel sa labas. Malapit na pala siyang bumaba. Ang sakay na lang ng jeep ay siya at isang matandang babae na nasa bungad sa kabilang hanay ng upuan. Siyempre, bukod ang driver.

SICK: Part FourWhere stories live. Discover now