Ngiti at Untog

26 2 0
                                    


Di maitago ni Herian ang ngiti habang inaalala ang panghaharana sa kanya ni Tomsi, pero wala pang limang segundo eh iuuntog niya rin ang ulo sa mesa at sasabunutan ang sarili at magmamaktol na parang batang inagawan ng candy.

Bakit? Rewind. sgwarsghwrrrssshhh....

Nakaupo siya sa bench ng basketball court ng school nila habang hinihintay ang bestfriend niyang si Anita. Abala siya sa pagrereview at hindi namamalayan ang bugso ng studyanteng dumaraan kasi uwian na. Napatingin siya sa relo nang tinapik na siya ng inip.

"Hindi naman mga pagong ang magulang mo Anita, bakit ubod ka ng kupad?"

Hindi nakakatawa ang joke niya, pero hindi rin nakakatawang isang oras na pala siyang nakaupo sa bench ng basketball court ng school nila habang hinihintay ang bestfriend niya.

Maaga silang pinalabas ng teacher nila dahil not pretty ang pakiramdam ni Ma'am, sa tagalog hindi maganda. Not pretty rin ang joke ko, Ok last na yun.

Napagkasunduan ng magbest friend na sabay umuwi pero dadaan pa daw si Anita sa library kaya pinauna na nito si Herian. Bakit hindi na lang sumama si Herian kay Anita sa library at doon naghintay? Hindi ko alam, pero dahil gawa gawa ko lang 'to, gagawan ko ng kwento... may naaalala kasi siya pag napunta dun at ayaw niya yun maalala.

So ayun na nga, sa dinami dami kong pasakalye eh wala parin si Anita kahit inabutan na sila ng uwian. Nababagot man si Herian, wala siyang magawa kundi maghintay dahil hindi niya ugaling mang-indyan.

Kinuha na lang niya ulit ang notebook para magreview. Pagbukas niya, may nalalag na kapirasong papel. Pinulot niya ito at napangiti matapos mabasa ang nakasulat.

"Nakita ko kanina si 'T', kumakain ng buko pandan." Muka mang gumuguhong gusali ang 'T' ni Anita eh ayos lang dahil alam na ni Herian kung anong pangalan ng gusaling ito.

Ultimate crush niya si Tomsi, si Tomsi na palaging nakawax ang buhok na nakahawi ng konte sa kaliwa, na honor student, na starter rin ng basketball team, na kumacrush din ng bayan, pero slight lang. Slight lang kasi yung ace player ng basketball team ang official crush ng bayan. Official kasi nagpa-poll talaga yung Student Council nila nung minsan para malaman. Bakit? Wala lang.

So ayun na nga, crush na crush ni Herian si Tomsi pero si Anita lang ang nakaka-alam nun. Tulad ng karamihan ng mga kabataang studyante eh madalas sila mag-usap tungkol sa kanya. Stalker mode lang pag minsan, madalas fan girl from afar. Madali namang sagutin ang ilan sa common Slam book questions dahil classmate nila si Tomsi. Maliban dun sa Who is your crush.

Mangilan ngilan lang ang kaibigan ni Tomsi, tamang hiya rin lang siya at hindi naman yung tumitiklop pag kinausap mo. Nakakausap rin siya ni Herian at ng ibang babae pero casual lang. Hindi tuloy malaman ng magbest friend kung sino ang crush niya, pero tiyak nilang meron.

Sure sila dahil sa isang insidente sa Math class mga ilang linggo nang nakakaraan. Nagkaron sila ng katuwaang lesson sa algebra. Sinubukan ng teacher na ipahanap sa klase si X at bilang motivation, "Bibigyan ko ng plus sa exam ang makakakuha ng tamang sagot!".

Ganado ang lahat sa pag solve pero hindi talaga ito madali. Matatapos na ang oras... "O pano yan, walang may partida sa exa-"

"Subukan ko ma'am!" Napalingon ang lahat ng marinig si Tomsi sa bandang likuran. "Sige, mukang may X na si Tomsi." Biniro ng teacher nila si Tomsi na nakangiti lang na palapit sa board. "Hindi pa nga alam kung pa'no didiskarte ma'am eh. Wag namang X agad.." Natawa ang klase habang nagkatinginan naman sina Herian at Anita.

Sure silang may nagugustuhan si Tomsi at balak na diskartehan. Hindi lang alam ng binata kung pa'no at hindi lang nila alam kung sino.

Medyo maraming na-alala si Herian sa kapirasong papel na nahulog na yon pero kailangan para maibigay sa inyong nagbabasa ang backstory nila. Napangiti na lang si Herian at akmang magrereview ulit ng tinapik siya ni Anita.

"Sorry ha natagalan. Hindi kasi madali maghanap ngayon dahil wala pala si Ma'am Penapaz sa library." Nagulat si Herian at akma nang patakbo dahil hindi siya sanay nang bigla na lang na may kumaka-usap sa kanya.

"Ah ganun, kaya pala ang tagal mo..."  Nag-aayos ng gamit si Herian habang kinakausap si Anita na untiunti namang nanlalaki ang mata sa nakikita niyang nasa likod ni Herian.

"...daan na lang muna..." Isang lalaking nakawax ang buhok na nakahawi ng konte sa kaliwa na may dalang gitara ang papalapit sa likod ng bench na inuupuan ni Herian. Nakangiti ito habang nakalagay ang kanang hintuturo sa bibig na matapos ng ilang sigundo ay ipananturo naman kay Herian.

"...para bumili ng eggpie..." Naintindihan naman ni Anita ang nangyayari, napangiti rin ito habang nakatingin sa binata na ngayon ay nasa likod na ni Herian.

"...ginutom ako kaka-" Napansin na rin ni Herian ang kaibigan na nakatingin sa likod niya. Lumingon si Herian at laking gulat nang makita si Tomsi.

"Gusto mo pala ang eggpie, sana magustuhan mo rin tong ginawa kong kanta para sa'yo"

Hindi makapaniwala si Herian sa nakikita. Sa harap ng maraming tao, sa bench sa may gilid ng court, pasado alas singko ng hapon, uwian. Nasa harap niya ngayon si Tomsi, ang pinakagusto niyang lalaki sa buong school, may dalang gitara, tumutugtog at kumakanta ng kantang isinulat nito para sa kanya.

Tinapik siya ni Anita "Iwan ko muna kayong dalawa." sabi niya habang nakangiti at mabilis na lumalakad paalis.

"Sandali." Yun na lang ang nasabi ni Herian habang nakatanaw sa likod ni Anita. Patuloy ang pagkanta ni Tomsi kay Herian at lumapit ito upang pumunta sa harap niya. Gulat na gulat pa ring nakatitig si Herian kay Tomsi nang napansin niya na maraming studyante na rin ang nakapalibot sa kanila at nanunuod.

Animo'y binuhusan ng isang baldeng hiya si Herian nang makita ang mga tao. Tumakbo ito palayo kay Tomsi. Naiwan ang binata na mag-isa, hawak ang kanyang gitara.

Limang taon na ang lumipas pero di parin maitago ni Herian ang ngiti habang inaalala ang panghaharana sa kanya ni Tomsi, pero wala pang limang segundo eh iuuntog niya rin ang ulo sa mesa at sasabunutan ang sarili at magmamaktol na parang batang inagawan ng candy.


HarangnaWhere stories live. Discover now