Chapter 1: Biyahe

5.2K 284 15
                                    

Bago pa lumisan ang bus ng Manila ay nakita na ni Sam ang maiitim na mga ulap sa langit

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Bago pa lumisan ang bus ng Manila ay nakita na ni Sam ang maiitim na mga ulap sa langit.

Lumakas ang buhos ng ulan pagdating sa highway at dumoble ang lamig ng aircon kung kaya't nagsipagkuhanan ang mga pasahero ng kumot sa kanilang mga bagahe para ipantakip sa sarili. Ang iba'y dinoble ang suot na sweater o jacket. Moderno ang bus, malakas ang wifi, Cable TV, reclining na upuan na may tray table. Of course, may CR. Pero kita pa rin sa mukha ng ilang pasahero ang pagkadismaya pagka't ito rin 'yung tipo ng bus na centralized ang aircon at walang paraan para kontrolin o isara ang grills na nilalabasan ng lamig.

Sa madaling salita, bihag silang lahat ng lamig.

Pinulupot ni Sam ang scarf sa kanyang leeg, paikot sa buhok niyang lagpas balikat. Suot niya ang bonnet at hinatak pababa ang manggas ng kanyang olive green na jacket para matakpan ang mga kamay. Naisip niyang sana'y nakapagdala siya ng gloves. Jeans ang pangibaba niya at high-cut na Chucks. Maputi, maganda ang 27-anyos na dalaga na isang copywriter sa isang ad agency sa Makati. Sam ay short for Samantha.

Nakakuha si Sam ng upuan sa bandang likuran na malapit sa bintana. Katabi niya ang isang ale na ngayon ay natutulog na. Nakaupo na ito nang dumating si Sam. Kung bakit hindi kinuha ng ale ang puwesto sa bintana ay hindi niya alam. At never na niyang malalaman. Sa namuong hamog sa bintana, ginuhit ni Sam ang "happy face."

Although, malayo sa kanya ang pagiging happy.

Humina na lamang ang ulan makalampas ng San Fernando. Sa zigzag road tungo ng Baguio, naipon ang makapal na hamog sa paanan ng mga bundok. Bumagal ang takbo ng bus dahil dito pagka't hirap na makita ng driver ang dinaraanan. Dahilan din para mawala ang antok ng ilang mga pasahero at maging alerto sa inuusad ng sasakyan. Maganda ang tanawin ng bundok, sa mga animo'y ulap na nagbabaan ng langit, pero may dulot ding pangamba ang matarik na bangin. Para hindi alalahanin iyon ay sumandal si Sam at pumikit na lamang.

"Ang lalim ng bangin," mahinang sabi ng babae sa likurang upuan. "'Pag nahulog ba ang bus, patay tayo?"

"Oo, naman, baka 'di na makilala mga bangkay natin," sagot ng kanyang nobyo.

Nakita ni Sam ang hitsura ng magkasintahang ito bago siya naupo: ang babae ay nakasandal sa balikat ng lalaki, kapuwa sila nagt-text habang nagsh-share sa iisang earphones. Ipinalagay ni Sam na sila'y mga pawang 18 o 19 ang edad. Magkaterno pa'ng suot na sweater, may bling-blings at pareho pang naka-cap. Marahil ay magbabakasyon ngayong semestral break. Marahil ay hindi nagpaalam sa mga magulang.

"Gago mo," simangot ng babae. "Dapat ata nagsabi ako sa nanay at tatay ko."

"Akong bahala," pagmamalaki ng lalaki.

Napangiti si Sam habang nakapikit, na tama ang hula niya.

Na-imagine tuloy ni Sam na paano nga kaya kung mahulog ang bus. 100 feet pababa o mas malalim pa. Tama kaya ang lalaki na hindi na makikilala ang lasog-lasog nilang katawan kung hindi titignan ang kanilang mga pagkakakilanlan, I.D., lisensya, mga litrato't numero sa cellphone? Kulay ng buhok, ng mata, ng partikular na nunal sa katawan. If ever, sigurado si Sam na makikilala ng ate niya ang kanyang bangkay dahil sa tattoo niya sa likuran ng kanyang leeg, bukod sa alam naman nilang papunta siya ng Baguio, ang oras na siya'y bumiyahe at ang pangalan ng bus na kanyang sinakyan. Sa katunayan nga'y hinatid pa siya sa terminal sa Cubao ng kanyang nakatatandang kapatid—kanyang ate Jane kasamang asawa nitong si Jim. J&J ang tawag niya sa kanila. Katunayan ay ideya nila itong magbakasyon muna siya sa Baguio, sa bahay ng kanilang Lolo at Lola sa ina.

Ang Banga sa SilongWhere stories live. Discover now