Tilyan

54 5 1
                                    

Warning:
This story has turned way darker than I originally imagined. (R-13)

Prologue:

Pigil-hiningang inalis ng anim na taong gulang na bata ang itinarak na sibat mula sa kanyang biktima. Bahagyang nagulat ang bata nang nagawa pang marahas na gumalaw nito sa kabila nang dugong tumatagas mula sa katawan. Kumakabog man ang dibdib ay hindi inalis ng bata ang mahigpit na pagkakahawak dito hanggang sa tuluyan na nga itong malagutan ng hininga.

"Kawawa ka naman," napapabuntong hiningang sambit ng musmos habang nakatuon ang paningin sa nakamulat pa rin subalit wala nang buhay na nilalang. Habang tinitignan ito, bigla siyang napaisip kung may naghihintay kaya ritong pamilya. Paano nga kaya kung may magulang ding naghihintay sa pagbabalik nito ng ligtas? Na nag-alala rito katulad nang pag-aalala sa kanya ng kanyang ina sa tuwing umaalis siya nang walang paalam. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng ginaw at biglang nais nang makauwi agad upang makita at mayakap ang minamahal na ina. Tiyak na matutuwa ito kapag nakita siya lalo na't may bitbit siyang surpresa para rito. Isang napakalaki at sariwang isda na siya mismo ang nakasibat.

Nagmamadaling ihinakbang niya ang nakayapak na mga paang nakalubog sa hanggang baywang na tubig. May kalamigan ito. Nang malapit na siya sa mabatong pangpang, tuluyan na niyang binitawan ang hawak sa kabilang kamay na sibat. Sandaling lumutang ang kawayang iyon bago tuluyang tinangay ng agos patungo sa malalim na parte ng ilog.

Habang nanatiling hawak ang nahuling isda, nangingiting tumakbo siya patungo sa lilim ng pinakamalaking puno sa paligid. Iniwan niya kasi roon ang hinubad na mga damit. Matapos makapagbihis, dali-daling tinahak ng bata ang daan patungo sa kanilang tahanan. May kalayuan ang kagubatang ito bukod sa napakadelikado para sa isang batang tulad niya subalit hindi niya ito alintana. Kabisado na kasi niya ang pasikot-sikot sa liblib na lugar dahil na rin sa kanyang ama na isang mahusay na mangangaso. Hindi na nga niya natatandaan kung kailan siya unang isinama ng ama. Basta ang alam lang niya ay nakita na niya ang bawat sulok ng kinatatakutang kagubatan.

Nang nasa kalagitnaan na ng daan ay sandaling napahinto ang bata. Bigla kasing nagsiliparan ang mga ibon mula sa dambuhalang puno sa kanyang kaliwa. Nagmamadaling nagtago siya sa likod ng pinakamalapit na malagong halaman bago nagpalinga-linga na tila ba may kung anong nagbabadya sa paligid. Nakahinga lamang siya nang maluwag nang makitang isang ordinaryong mangangaso lamang pala iyon. May pasan itong ilang kumpol ng binalatang kuneho sa balikat habang hawak sa isang kamay ang gamit na palaso. Hinintay niya munang tuluyan itong makalayo bago siya lumabas sa kinatataguan. Mahigpit kasing bilin sa kanya ng ama na h'wag siyang magtitiwala sa kahit kanino man. Sa kahit sino. Tanging sa kanya lamang.

Malapit nang magdilim nang matanaw niya sa wakas ang tahanan nila. Maliit lamang iyon at gawa sa pinagsama-samang kahoy. Napapaligiran din ito ng nagtataasang puno at kawayan. Sandali niyang tinignan ang nahuling isda. Napangiti siya. Siguradong magagalak kasi ang kanyang ama dahil sa kauna-unahang pagkakataon, nagawa niya iyon ng walang kahit sinong tumutulong sa kanya. Bukod pa roon ay talaga namang hindi na siya makapaghintay na matikman ang gagawing luto rito ng kanyang mahal na ina.

Nang makalapit siya sa bahay, agad siyang nagtaka nang makitang bahagyang nakauwang ang pinto. Hindi kasi hinahayaang nakabukas iyon. Kinakailangan pa nga niyang dumaan sa masikip na bintana para lamang makapunta sa kagubatan. Dahan-dahan niyang ihinakbang ang mga paa hanggang sa tuluyan makapasok sa loob.

"Inay?" Walang sagot kung hindi katahimikan. Sadyang nakapagtataka. Sandaling dinala ng bata ang isda sa kusina bago inilagay iyon sa timba na gawa sa matigas na kahoy. Doon ay kinuha niya rin ang gaserang nakapatong malapit sa lababo bago sinindihan iyon gamit ang posporo.

"Inay?" malambing na tawag niyang muli matapos maglakad ng ilang pulgada. Maingat na tinakpan pa niya ang apoy sa hawak na gasera. Telang gawa sa balat ng hayop lamang kasi ang nagsisilbing harang nito. Hinawi niya iyon. Bahagya siyang napaatras habang nanlalaki ang mga mata bago tuluyang napako ang mga paa sa kinatatayuan. Pakiramdam niya'y ilang segundong huminto ang puso niya bago ito magsimulang kumalabog ng sunod sunod na para bang gusto nitong kumalas mula sa kanyang dibdib.

Sinubukan niyang ipikit ang mga mata subalit tila mas lalo lamang naging malinaw sa kanyang isipan ang bawat detalye ng nakagigimbal na eksenang tumambad sa kanyang harapan. Ang nakahandusay sa sahig na ina habang naliligo ito sa sarili nitong dugo. Nakahiga ang katawan nito ng pasalungat sa kinatatayuan niya subalit nakatungo ang ulo nito habang nakamulat ang mga mata. Wala nang buhay na makikita sa mga matang iyon subalit pakiramdam niya'y nakatitig ang mga ito sa kanya. Sa kabila nito, wala siyang nararamdamang kahit anong takot. Kahit konti. Kahit katiting.

Gusto niyang umiyak pero tila walang tumutulong luha sa kanyang mga mata. Gusto niyang sumigaw pero walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. Hindi na nga niya alam na tuluyan na pala niyang nabitawan ang gasera sa sahig. Unti-unting kumakalat na ang apoy nito ngunit hindi niya ito alintana. Wala na siyang pakialam kung magliyab man ang tirahan nila. Basta ang nais niya lamang sa mga sandaling iyon ay pagbayarin ang gumawa nito sa kanyang pinakamamahal na ina. Ang taong hanggang ngayon ay nakatayo pa rin sa tabi ng walang buhay na katawan nito. Oo. Naroon lamang ito na tila ba hinihintay ang susunod niyang gagawin. Kitang-kita niya kung paanong niluwagan nito ang pagkakahawak sa duguang punyal na ginamit nito sa pagpaslang sa ina. Hanggang sa tuluyang bitawan nito iyon.

Bago pa man tuluyang marinig ang pagbagsak ng nasabing bakal sa sahig ay isang pangyayari ang tuluyang nagpabago sa buhay ng pobreng paslit. Hindi niya alam kung paano subalit sa isang kisap mata, nasa kamay na niya ang nasabing duguang punyal. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi na nga rin niya alam kung paanong nakapatong na siya sa ibabaw ng pumaslang sa ina habang sunod-sunod na tinatarakan ng buong p'wersa ang dibdib nito gamit ang orihinal na kulay pilak na patalim. Saksak dito. Baon doon. Bago pa man niya tuluyang maitarak muli iyon para tuluyang tapusin ang buhay nito ay bigla na lamang siyang napahinto matapos marinig ang boses nito. Doon na tuluyang pumatak ang mga luhang kanina pa gustong kumawala sa kanyang mga mata. Nangingig na tinignan niya ang mga kamay bago tinignan ang mukha ng taong dinadaganan at nakahandusay sa harapan niya. Pakiramdam niya'y biglang bumagal at tuluyang huminto ang oras. Dahan-dahang inangat ng duguang lalaki ang mga kamay bago marahan na ihinawak iyon sa mga pisngi niya. Nanginginig at nanghihina man ay nagawa pa nitong pahirin ang mainit na luhang patuloy na umaagos sa kanyang mukha. Kasabay nito ay bigla na lamang itong umubo ng may kasamang dugo habang pilit na ibinubuka ang mga bibig.

"M-Ma---," idinako nito ang nanginginig na mga kamay sa kanang kamay niya kung saan naroon ang punyal bago muling pinilit na magsalita gamit ang natitirang lakas nito, "M-Magaling. M-Magaling T-Tilyan. N-nagawa mo, a-anak ko."

Matapos marinig iyon ay sandaling nilingon niya ang direksyon ng bangkay ng minamahal na ina. Napangiti siya ng mapait habang tinitignan ito bago muling hinigpitan ang pagkakahawak sa duguang punyal.

Sa mga sandaling iyon ay wala na siyang ibang nakikita. Wala na. Wala na bukod sa kulay pula. Kulay pula na katulad ng mainit at sariwang dugong patuloy na dumadampi sa kanyang maliliit na kamay. Walang humpay at walang awang pinagsasaksak niya ito hanggang sa puntong hindi na niya magawa pang i-angat ang punyal dahil sa kapaguran.

Has llegado al final de las partes publicadas.

⏰ Última actualización: Mar 03, 2020 ⏰

¡Añade esta historia a tu biblioteca para recibir notificaciones sobre nuevas partes!

TilyanDonde viven las historias. Descúbrelo ahora