3

155 9 9
                                    

Wala na akong nagawa kung 'di huminga ng malalim, ni isang bahid ng kaantukan wala man lang akong maramdaman. Nasaan ba ang antok kapag kailangan mo? Hindi nga ako nagpuyat kaka-cellphone, hindi naman ako pinatulog ng mga iniisip ko. Ano'ng oras na ba?

4:11 na pala, shit. Kasalanan mo 'to, Steven.

Umayos ako ng puwesto sa kama ko. Pinilit kong ipikit ang mga mata ko at tinatanggal ang mga iniisip ko. Sige na, umalis ka na sa utak ko.

Matulog ka na kasi, Mavi. Naubos na ang mga tupa at ibang mga hayop kakabilang mo sa kanila. Wala na. Ilang beses ka na rin nawala sa kung ano'ng numero na ba ang binibilang mo, kaya tama na. Tulog na.

Ilang minuto pang pangungumbinsi sa sarili at mukhang makakatulog na rin ako. Unti-unti na nawawala ang mga iniisip ko at nararamdaman ko na medyo inaantok na ako, sa wakas.

Ilang sandali ang lumipas kahit na hindi ko pa nararamdaman na nakatulog talaga ako, ginising na agad ako.

Jusko naman.

"Ala singko na Maddison. Bumangon ka na aba," narinig ko na ang boses ng nanay ko.

Ala singko na agad? 'Yun na 'yon? Todo na? Wala bang rewind button?

Umupo ako sa kama ko at humikab, ang sakit ng ulo ko. Bakit pakiramdam ko limang minuto pa lang akong nakapikit? Bakit ang bilis ng oras?

Naghanda na ako ng halos nakapikit. Kahit pagligo ko, nakapikit din ata ako. Basta ang alam ko, gusto ko lang matulog.

***

Tinignan ko ang suot kong relo, 6:13.

Sinabit ko na sa upuan 'yung backpack ko. Walang ibang nasa utak ko ngayon kung 'di ang matulog. Matapos kong maiayos ang gamit ko, umupo na ako para matulog. Agad akong tumungo.

Makakatulog na rin.

Hindi ko alam kung ilang minuto na, pero nakarinig ako na may pumasok sa room, hindi ko na 'yon pinansin at tuluyan na akong naka-idlip.

Ilang sandali pa at may narinig ako, "Good morning Mavi!"

Limang minuto pa lang ata akong nakapikit. Huminga ako ng malalim, nagulat ako kay Veronica kaya biglang nagising ang diwa ko. Agh.

Gusto ko lang naman matulog. 'Yun lang naman.

Dahan-dahan kong inangat ang ulo ko at pilit na binubuksan ang mga mata ko. Tinignan ko siya at ngumiti ng pilit at tinungo ko na ulit ang ulo ko.

"Parang antok ka pa yata? Kanina ka pa nakatungo d'yan eh," narinig ko na may nagsalita.

Ewan ko, leche ka, ikaw ang dahilan kung ba't antok ako ngayon.

"Hayaan mo na muna siya Steven, puyat na naman 'yan, wala namang bago ro'n," sabi ni Veronica. May naramdaman ako na gumulo ng buhok ko pero 'di ko na lang 'yon pinansin.

Mavi, ganiyan siya sa lahat. Kaibigan ka lang niya, 'wag mo hayaang kung ano-ano ang isipin ng utak mo. Tignan mo, pati pagtulog mo naaapektuhan na.

Pinikit ko ang mga mata ko at alam kong naka-idlip ako kahit papaano. Hindi ko alam kung ga'no kahaba pero sa tingin ko sapat na 'yon para harapin ang buong araw sa school. Siguro.

"Bakit ka napuyat?" narinig kong tanong sa akin ni Steven. Papunta kami ngayon sa pila namin dahil flag ceremony na. Kinusot ko ang mata ko at nagkunwari na hindi siya narinig.

"Ano'ng puyat? Ang aga kaya niyang nag-offline kagabi," sambit ni Courtney.

Napatingin ako sa kaniya at ngumiti. Nakita ko naman na parang nagtaka si Steven pero hindi na siya nagtanong pa.

Sana Akin Ka (completed)Where stories live. Discover now