Tunay na Liwanag, Masisilayan din Kita

133 2 0
                                    

Labing limang taon at tatlong buwan na akong nabubuhay dito sa mundong ibabaw
Pero mula nang magkaisip ako
At magkamuwang sa mundo,
Hindi ko pa kailanman nasisilayan ang tunay na liwanag.

Ang mundong aking ginagalawan?
Mas madilim pa sa kalangitang walang bituin at buwan sa gabi.
Hindi ko makita ang liwanag,
Sobrang dilim kaya't hindi ko magawang mapanatag.

Habang tumatagal, mas lalong dumidilim
Iyong tipong wala ng silbi ang aking mga mata
Dahil wala na rin naman akong ibang makita
Kundi kadiliman.

Hindi ko alam kung bakit,
Kung bakit sa bawat oras na lumilipas,
Sa bawat punong nalagagas,
Mas lalo akong nawawalan ng lakas.

Isa ako sa mga kabataang nakakulong
Hindi sa rehas
Kundi sa mga bisig ng aking mga magulang
At hindi magawang magdesisyon para sa aking sarili.

Hindi ako isang lumpo,
Hindi ako isang bulag,
At lalong hindi ako isang mangmang para sa bawat kilos at galaw ko
Ay lagi nila akong inaantabayanan.

Pakiramdam ko,
Dinaig ko pa ang mga taong may kapansanan,
Mga hayop na walang pakinabang,
At mga insektong walang ibang ginawa kundi pestehin ang buhay ng mga tao.

Gusto kong makakita ng liwanag katulad ng ibang tao
Gusto kong masilayan kung gaano kaganda itong mundo
Sa bawat 'gusto' ko,
Gusto ko malaya kong magagawa ang lahat ng ito.

Dumating ang oras
At nakuha ko ang 'gusto' ko
Nakita ko rin ang liwanag
Pagkalipas ng labinwalong taong pananatili ko sa dilim.

Liwanag mula sa mga ilaw ng sasakyan,
Liwanag mula sa buwan at araw
Liwanag mula sa mga bituin
At liwanag mula sa kislap ng mga mata ng mga taong nakapaligid sa'kin.

Nanibago ako.
Hindi lang liwanag ang nasaksihan ko sa pagmulat ko ng aking mga mata
Kundi pati na rin ang mga ugali ng mga tao
Na animo'y nagtatago sa dilim.

Kawalang kapayapaan,
Kawalang katotohanan,
At kawalang katarungan---
Ito ang mga bagay na sumalubong sa aking pagmulat mula sa aking lunggang madilim.

Kung dati'y ang pinapangarap ko lang
Ay makita ang liwanag,
Ngayon, ang gusto ko na'ng makita
Ay ang 'tunay' na liwanag.

Hindi ko alam, paano nakakaya ng mga tao na itago ang mga sarili nila sa dilim?
Samantalang ako,
Mula nang magkaroon ako ng muwang sa mundo,
Ay pinangarap ko na'ng makawala sa kadiliman at makita ang liwanag.

Ngayong maglalabinsiyam na taong gulang na ako,
Hindi ko pa rin nasisilayan ang tunay na liwanag.
Mahirap ba talaga itong makita? Ngunit bakit?

Ang mga tao sa paligid,
Wala ni isa sa kanila ang hindi magawang hindi magsinungaling.
Lahat sila, lahat sila!
Lahat sila'y aniniwala na lang basta sa mga nakikita't naririnig nila
Na wala namang kasiguraduhan kung ito nga ba'y katotohanan.

Nagpipipi-pipihan, nagbibingi-bingihan,
At nagbubulag-bulagan silang lahat.
Kailan ba mababago ang ganoong kaugalian nila?
Kailan ba maaalis ang pagbabalatkayo nila?

Muntikan na,
Muntikan na akong sumuko
At muling bumalik sa madilim na lungga ko
Pero may isang bagay akong napagtanto,

Ito ay ang huwag sumuko
At patuloy na lumaban at tahakin ang landas ng kapayapaan, katarungan, at kalayaan.
Dahil alam ko,
Sa ganitong paraan ko lang makikita ang tunay na liwanag,
Ang matagal ko nang ninanais masilayan.

Living PoetryWhere stories live. Discover now