Part 1- Ang Alamat ng Aking Kalokohan

7 0 0
                                    

Nasa elementarya ako nang unang lumabas ang sintomas ng aking malubhang karamdaman na kung tawagin ay Kalokohan Syndrome. Habang nasa loob ng kwadradong kwarto't nagsasalita ang aming guro ay umiikot ang aking eyeballs. Sa harap ko'y nagtatawan ang kapwa ko mag-aaral, sa kanan nama'y nagbabatuhan ng nilukot na papel ang mga barumbado kong kaklase at sa kaliwa ko nama'y dalawang babae na naglalaro ng libro kung saan ay padamihan ng drawing na tao sa bawat pagbuklat ng pahina at ang matalo'y pipitikin. Hindi ko na nakita ang nasa likuran ko dahil tinamad na akong lumingon. Narinig ko nalang ang aming guro na sumigaw. "Naigan! Kung saan-saan ka nakatingin! Kung hindi ka makikinig sa aralin ay lumabas ka nalang!" Wala akong naisagot kundi ang pilit na "Opo". Akalain mo nga naman! Ako pa ang nasita?

At dahil napagsabihan ako'y minabuti ko nalang na ituon ang pansin sa itinuturo ng aking guro.

Guro: Alam nyo ba class na ang tao ay nag-evolve mula sa unggoy?

Class:

Guro: Tama! Nag-evolve tayo mula sa unggoy. Ayon yan sa isang sikat na sayantipikong si Charles Darwin. Kilala nyo ba sya?

Class:

Guro: Si Charles Darwin ay isang sayantipikong nagpakilala ng teyoryang ang tao ay nag-evolve mula sa unggoy. Nakuha nyo ba?

Class:

Guro: Mabuti naman. Alam nyo ba ang sabi nya?

Class:

Guro: Ayon sa kanya ay unggoy ang ating mga ninuno at ang mga unggoy ay nag-evolve sa pagiging tao makalipas ang napakahabang panahon. Nakuha nyo ba?

Class:

Guro: Good!

Hindi ko alam kung maiinis, matatawa o maaawa ako sa aming guro at sa tinda nyang P12.00 worth na hamburger na wala namang bumibili dahil P5.00 lang naman dati ang baon ng mga estudyante sa elementarya.

Bukod sa wala namang nakikinig at sumasagot sa kanya ay paulit-ulit lang din naman ang pagbanggit nya sa salitang "evolve", "unggoy" at "tao" pero nagustuhan ko naman ang pagtalakay nya. Gawa marahil ng kuryusidad tulad ng aking katangian ni Pandora na ibinigay sa kanya ng mga Diyos ng Mt.Olympus sa Greek mythology ay nagtaas ako ng kamay upang magtanong.

Mula sa makulimlim ay biglang umaliwalas ang pagmumukha ng aming guro. May ngiting gumuhit sa kanyang nguso na balot na balot ng lipistik na mas makapal pa yata sa crust at mantle ng planetang earth. Sa mga mata nya'y mababasa ang mga pangungusap na "SA WAKAS! MAY MATINO RIN AKONG ESTUDYANTE!"

Agad syang tumayo't tinawag ang aking pangalan sa malambing na paraan.

Guro: Nathaniel! May itatanong ka?

Ako: Opo.

Guro: Sige. Ano yun?

Tiningnan ko muna ang aking mga kaklaseng seryoso na nakamasid sa akin. Tumayo ako't ibinigkas ang aking katanungan.

Ako: Sabi nyo po ay nagmula sa unggoy ang mga tao?

Guro: Oo. ( nakaka-diabetes ang ngiti )

Ako: Bakit itong katabi ko mukhang kabayo tapos yung nasa likod ko parang hippopotamus?

Biglaakong nabingi sa sabay-sabay at malakas na tawanan. Pakiramdam ko nang mga oras na yaon ay tinalo ko si Jose Manalo at Vice Ganda sa pagbitaw ng nakakatawang biro. Sa isang iglap ay nagmukhang comedy bar ang silid-aralan. Lahat sila'y halos mangiyakngiyak sa kakatawa... well, bwera na yung sinabihan kong kabayo't hippopotamus plus ang aking guro na animo'y toro nang umuusok ang ilong sa galit. Natigilan lang ang lahat nang sumigaw ang aking guro na rinig yata buong eskwelahan.

Libro ng Kalokohang AralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon