Kabanata Lima [3]

1.7K 107 13
                                    

"CHARICE?! CHARICE magsalita ka naman...please?" balisang tawag ni Emily rito nang para siyang mabaliw na sa puntong hindi na sumasagot pa ang babae, "Naalala mo pa ba yung dumalo tayo sa birthday ni Sebastian? Charice? A-Ang saya-saya ko no'n kasi ro'n kita nakilala...H-Hindi ko alam na ang saya mo p-palang kasama, d-do'n ko lang naramdaman na iba ka kaysa sa iba k-kong mga kaibigan—para kitang tunay na kapatid. Naalala mo pa b-ba yun? Charice?!" humihikbi niyang tanong dito.

Pero tanging ungol na lang ang nagagawa ng babae at ang titig ng mga mata nitong minsan na lang kumukurap ang nagsisilbing sagot. Mahirap para kay Emily na tumunganga na lang sa ibabaw at iniilawan ang kaniyang kaibigan na lumalaban para sa sariling buhay, parang pinupunit ang kaniyang puso habang pinapanood ang bawat pagbagsak ng luha sa mga mata nitong wala ng kabuhay-buhay pa. Pilit man niya itong hinihikayat na manatiling buhay at may malay sa pamamagitan ng pagatanong ay wala pa rin itong silbi, lalo na sa puntong tanging malalim at madalang na lang na pagsinghap ang nagagawa ng babae.

Dahil dito ay agad niyang binuhay ang screen ng sariling smartphone at saka mabilis na hinanap ang numero ni Lucas nang mapansin niyang wala pa ring balita mula sa lalake sa nakalipas na dalawampung minuto. Ngunit bago pa man niya ito nahanap ay nakuha kaagad ang kaniyang pansin ng tunog ng bagay na bumumubulusok sa ere, sinubukan niya itong tuntunin sa madilim na paligid, pero hindi talaga ito mahanap kahit anong tingin niya. Hanggang sa 'di inaasahang pagkakataon ay isang malakas na puwersa ang tumama sa kaniya, sa bilis ng pangyayari ay agad siyang napasapo sa sariling sikmura kung saan nag-ugat ang kirot na dinulot ng isang kurap na pag-atake sa kaniya. Hindi na siya makagalaw at tanging kirot lang ang nadarama niya na nananaig sa kaniyang sistema, nahihirapan din siyang huminga at bawat pagsinghap ng hangin ay labis na pagdurusa ang hatid sa kaniya.

Sa liwanag ng smartphone niya na nabitawan at nahulog sa lupa ay kitang-kita niya ang dugo na mabilis na umagos pababa mula sa sugat, at bumakas na lang ang sindak sa kaniyang mukha nang makita niya ang mahaba at matigas na palasong bumaon sa kaniyang sikmura. Tinamaan naman kaagad siya ng pagkahilo at nadarama niya ang paggaan ng sariling katawan kalakip ang pagsakop ng kadiliman sa kaniyang paningin, animo'y nawawalan na siya ng kontrol sa sariling sistema. At kasabay ng pagbagsak ng kaniyang mga luha ay ang siya ring pagkawala ng kaniyang balanse, hindi na niya natulungan pa ang sarili at diretsong nahulog sa hukay na mistulang dahon na tinangay ng hangin at hinihila ng grabidad.

Sa bilis ng pangyayari ay bumalagta at dumagan na lang ang walang kamalay-malay na katawan ni Emily sa ibabaw ng bangkay ng kaibigan, hindi lang palaso ang tumagos sa kaniyang katawan, kalakip na rin dito ang mga sibat na kumitil sa buhay ni Charice na siya ring pumunit sa kaniyang laman sa binti, puson, dibdib, at leeg. Habang wala pa rin siyang malay-tao ay mas lalong tumindi ang kaniyang pagdurugo, tumatagas ito pababa at humahalo sa nanunuyong dugo ng bangkay, bagay na tumutulak sa kaniya papalapit sa kamatayan.

***

PARANG MABABALIW na si Eurie sa kaniyang pinagtataguan nang marinig niya ang kahindik-hindik na pagmamakaawa ni Bella mula sa loob kasabay ang mga kalabog ng kagamitang nagulo. Habang nagtatago siya ay pinaglalaruan talaga ang kaniyang isipan ng mga naririnig, labis na siyang nanginginig at ang mga luha niya ay walang-tigil sa pagbuhos, at dahil sa hindi niya makontrol ang kaniyang paghikbi ay buong-lakas niyang diniinan ang pagtakip sa sariling bibig upang hindi siya makakagawa ng ingay. Walang-tigil ang iyak ni Bella mula sa loob at halatang nanlalaban ito sa sinumang tao na umatake sa kaniya, paulit-ulit itong nagmamakaawa habang namamaos na sa kakasigaw ng saklolo sa kaniyang presensya.

"Eurie! Huwag maawa ka—."

Hanggang sa dumating na rin sa puntong narinig niya ang sunod-sunod na daing ng babae nang parang hinampas ang katawan nito; kagimbal-gimbal para kay Eurie ang pakinggan ang malakas na tunog nito kalakip ang ungol na puno ng pighati ng kaniyang kaibigan, batid niyang bawat hampas ay binubugbog ang laman nito at binibiyak ang buto. Paulit-ulit niyang naririnig ang malalakas na hampas at ang daing na mistulang mga bangungunot na sinisira ang kaniyang bait, nais man niyang saklolohan si Bella ay hindi niya magawa dahil sa takot na baka madamay siya, wala siyang magawa kung hindi ang parusahan ang sarili sa pag-iyak at pakikinig sa pagdurusa nito. Nang matigil ang kaniyang mga paghikbi ay hindi na niya tinakpan pa ang sariling bibig na nanginginig, habang walang-tigil pa rin ang pag-agos ng kaniyag luha ay marahas siyang napasabunot sa sariling buhok na basang-basa ng pawis at kinakapitan pa ng dumi; kinakain na siya ng sariling konsensya na pilit niyang tinatanggihan.

Sa puntong natahimik na rin si Bella sa pag-iyak ay mas lalo siyang nakiramdam sa paligid at tinalasan ang pandinig, makalipas ang ilang nakakabinging segundo ay narinig niya ang mabibigat na yapak mula sa labas. Dahil dito ay mas lalo siyang nangamba at walang humpay ang pagtagaktak ng kaniyang pawis, kinakabahan siya na ideyang wala na si Bella at hinahanap na siya nitong estrangherong kriminal o mamamatay-tao. Ngunit kalaunan ay biglang natahimik din ang paligid at purong paghinga na lang niya ang naririnig, nagdadalawang-isip man sa kaniyang plano ay napagpasyahan niyang hawiin ang nakatakip na trapal sa buong katawan niya. Agad siyang sinalubong ng malamig na hangin at ang kapaligirang bahagya niyang naaaninag dahil sa sikat ng liwanag ng buwan. Mabilis namang niyang pinahid ang pawis at luha sa mukha habang basang-basa pa rin ang kaniyang dibdib at likod na ngayon ay nilalamig ng lubusan, tumigil na siya sa pag-iyak at saka tinatagan ang sariling loob.

Sa narinig niyang hakbang na papalayo ay dahan-dahan siyang gumapang sa tabi ng trapal, balewala ang duming bumabahid sa kaniyang suot-suot na pantalon at ang sakit ng mga batong nadaraanan, maingat lamang siyang kumikilos upang 'di makakuha ng atensyon. Hanggang sa narating na rin niya ang dulo nito, dahan-dahan siyang sumilip at laking-gulat niya nang makita ang estrangherong nakasalubong nila sa kakahuyan kanina; may hoodie pa rin itong suot-suot at buhat-buhat ang nanlalantang katawan ni Bella na isinampay lang sa kaliwang balikat nito na hindi niya alam kung humihinga pa ba o hindi na.

Sinundan niya lang ito ng tingin hanggang sa makapasok ito sa kakahuyan, nang matantiya niyang nasa ligtas na siyang distansya ay mabilis siyang tumayo at maingat na sinundan ito gamit ang paningin niyang tinalasan pa upang maaninag kung saan ito papunta. Alam niyang isang napakalaking pagkakamali nitong plano niyang sundan ang salarin, maaari nga siyang tumakas at magpakalayo-layo kung saan siya ligtas pero may parte ng kaniyang isipan na nagdidikta na alamin kung saan nito dadalhin si Bella, umaasa siya na matutunton niya rin sina Wreen, Jimmy, at Kezel sa gabay nito.

Bawat hakbang niya ay kalkulado sapagkat natatakot siya na may maapakang patpat o anong bagay na gagawa ng ingay; maya't maya rin siyang napapatago sa mga kahoy nang maramdaman niyang parang lilingon ito. Patuloy lang niyang sinusundan ito, hanggang sa makalipas ang ilang minuto at metrong paglalakad sa pusod ng kagubatan ay sa nakita niyang napatigil ang estranghero sa isang bahagi, at diretsong ibinagsak ang walang kabuhay-buhay na katawan ni Bella sa lupa. Upang hindi naman siya matunugan nito ay pinili niyang magtago muna sa likod ng malaking kahoy at obserbahan ang bulto ng lalake kung ano ang pinaplano at gagawin nito.

Laking-pagtataka naman niya nang makitang naglabas ito ng smartphone mula sa bulsa na walang-tigil sa pagpatay-sindi ang liwanag ng likurang bahagi, palatandaang may tumatawag dito. Nang harapin nito ang screen na may matinding liwanag ay roon siya nadismaya nang hindi niya makita ang mukha nito dahil sa nakatalikod ang estranghero sa kaniyang kinalalagyang direksyon.

"Baltimore?" tanong nito na lalong pinagtakahan niya dahil sa hindi niya ito makilala ang boses nito, sa tono pa lang ay batid na niyang may nakaharang na tela o bagay sa bibig nito. Dahil hindi talaga siya mapakali ay napagpasyahan na lang niyang lisanin ang pinagtataguan at dahan-dahang naglakad at nilibot ang kakahuyan upang tunguhin ang kanang gawi ng estranghero at nang masilip niya ang mukha nito.

"Sige ikulong n'yo lang at kukunin ko 'yan mamaya." Wika nito na hindi niya alam kung anong ibig sabihin, pero may kutob naman siya na kaibigan niya ang tinutukoy nito, "Ililigpit ko lang muna itong babae—."

At sa 'di inaasahang pagkakataon ay para siyang tinakasan ng kaluluwa nang umalingawngaw sa paligid ang malutong na tunog ng patpat na naapakan niya, agad na napatingin sa kaniyang gawi ang estranghero at wala siyang magawa kung hindi ang manigas na lang sa kinatatayuan nang magtagpo ang kanilang mga mata. Sa isang kurap lang ay laking-gimbal niya nang agad siyang sinugod nito, ngunit bago pa man siya maabutan ay namalayan na lang niya ang mabilis na pagtakbo habang buong-lakas na humihingi ng saklolo.

Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ