Chapter 5

171 20 19
                                    

CHAPTER FIVE


We're standing in front of the five-storey abandoned building. Pareho kaming sa itaas nakatingin. Ako, nakangiti (dahil ang tagal na rin nung huli kong punta rito) habang siya naman, hindi maipinta ang mukha. Naiintindihan ko naman ang reaksyon niya dahil gano'n din ako nang una kong madiskubre ang lugar na ito.

"Hindi ka naman takot sa multo, 'no?" Nilingon ko siya habang hinihintay ang kaniyang sagot. Nanatili pa rin siyang nakatingin sa kabuuan ng gusali.

"Hindi ako naniniwala sa multo," nakangiti niyang sagot. Ngunit ilang saglit lang, nabura din ito at napalitan nang pagkunot ng kaniyang noo. "Pero bakit mo natanong? May multo ba rito?"

Nagkibit-balikat ako sa kaniya habang may nakalolokong ngiti sa aking mga labi. "Minsan, meron. Minsan, wala." Pagkatapos ay nauna na akong naglakad papasok sa gusali.

Two years ago nang madiskubre ko ang gusaling ito. Mahilig kasi talaga akong mag-stroll at magpunta sa kung saan-saan. I discovered it by accident; at sa tingin ko, ito ang pinakamagandang aksidenteng nangyari sa buhay ko.

Sa tuwing pakiramdam ko ay kailangan kong huminga at mapag-isa, walang pag-aalinlangang dito agad ako didiretso. Sa tuwing nasa pinaka-itaas na bahagi kasi ako ng gusali, doon sa may rooftop, nag-iiba ang aking pakiramdam---mas nararamdaman kong buhay ako. Mas nagiging malaya ang aking isipan kaya maayos akong nakakapag-isip. Napapakalma rin ako ng marahang bulong ng hangin, ang madilim na kalangitan na nagkakaroon ng mumunting liwanag dahil sa mga bituin, at ang city lights na tanaw na tanaw ko mula sa aking puwesto. Lahat ng iyon ay dahil dito . . . sa abandunadong gusali na ito.

"Wow, astig . . ." Nilingon ko siya pagkatapos niyang sabihin 'yon. Halata ang pagkamangha sa kaniyang mukhang habang pinagmamasdan ang napakagandang city lights mula sa kinatatayuan namin. Kita ko pa ang paghinga niya nang malalim bago tumingila sa kalangitan.

"Walang masyadong bituin ngayon," pagsasalita ko. "Mabuti na lang may view pa rin táyo ng city lights kaya ayos na."

"Malcolm."

"Hmm?"

"Puwede ba akong bumalik dito?"

"Ha?"

Nagkibit-balikat muna siya. "Ano kasi . . . ang gaan ng pakiramdam ko rito. Parang ang sarap tumambay lalo na kapag gan'tong mga oras --- tahimik at payapa sa pakiramdam."

Napangiti ako sa sinabi niya kasi pareho kami ng nararamdaman sa lugar na 'to. "Bakit sa akin ka nagpapaalam, hindi naman ako ang may-ari nito? Nakikipunta lang din kaya ako."

"E, kasi . . . ikaw nauna rito. Malay mo, ayaw mo pa lang magpapunta ng ibang tao kasi gusto mo lang masolo 'to."

"Sira," natatawa kong sabi, "dinala na nga kita rito, e. Saka isa pa, wala naman akong karapatang ipagdamot 'tong lugar. Basta walang sisihan kapag may nakahuli sa iyo, a. Trespassing kaya 'tong ginagawa natin."

"Sige ba. Sabi mo 'yan, a."

May balak pa siyang bumalik dito. Wala sa sarili akong napangiti sa naisip.

Pagkalapag ko sa aking helmet, dumiretso na ako sa may railing at uupo na sana nang marinig ko ang isinigaw ni Orion. "O, bakâ mahulog ka!"

The Night We MetWhere stories live. Discover now