I KISSED A GIRL 5

11.4K 500 36
                                    

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Hindi pamilyar sa akin ang kinaroroonan ko kaya agad akong napabalikwas ng bangon. Nagpalinga-linga ako at takang pinagmasdan ang paligid. Kaninong kwarto ito?

Napahilot ako sa aking sintido nang biglang manakit ang ulo ko. Naalala ko na naman si Papa. Hindi ko maiwasang pangiliran ng luha. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako pinapatulog ng mga alaala ni George. Wala man lang akong nagawa para iligtas siya noon.

Napahagulgol ako at saka niyakap ang kalapit kong unan. Pinunasan ko ang mga luha ko at saka inayos ang sarili nang maramdamang gumalaw ang pinto ng kwarto.

"Mikay, gising ka na pala."

Nagulat ako nang makita ko si Jane. Napaiwas ako ng tingin sa kaniya. Hindi ko maiwasang sumama ang loob. Umasta siyang parang hindi niya ako kilala sa harap ng pinsan niya.

Naramdaman kong tutulo na naman ang luha ko pero pinigil ko ito.

"Miko, nakakulong na ang papa mo kaya wala ka nang dapat ikatakot." Hinawakan ni Jane ang kamay ko.

Medyo kumalma ako. Aaminin kong may epekto pa rin sa akin si Jane sa kabila ng nangyari. "P-paano mo nga pala nalaman na n-nasa school ako?" tanong ko.

"Hindi na 'yun mahalaga, ang importante ligtas ka. Huwag na huwag mo pagkakatiwalaan si Meagan."

Hindi ako nakaimik at napatingin na lang sa kaniya. Hindi ko maiwasang maintriga.

"Lately kasi inis na inis siya sa'kin nang wala naman akong ginagawa sa kaniyang masama. Sa tingin ko nga'y pinlano nila ang nangyari sa'yo. You know, para makaganti sa'kin," dagdag ng kausap ko.

"Huwag muna tayong mambintang. Mukha namang mabait yung tao."

"Ang bilis mo magtiwala tss, kaya ka nabibiktima, eh. Nakita ko sila sa school kanina, kumpirmadong sila ang nagkulong sa'yo sa loob ng room," magkasalubong ang mga kilay ni Jane habang binabanggit ang pangungusap na ito.

Gulat akong napatingin sa kaniya. Napakahirap na talagang magtiwala sa panahon ngayon. "S-salamat nga pala Jane sa pagdadala sa'kin dito. Pero kailangan ko nang umuwi baka hinahanap na ako sa'min." Tumayo ako at tuloy tuloy na naglakad.

Nagulat na lang ako nang pigilan ako ni Jane. Dahan-dahan ko siyang hinarap.

"S-sorry," sabi ni Jane habang medyo nakatungo. "Alam kong may kasalanan ako sa'yo."

"Okay lang 'yun." Iyon na lang ang nasabi ko at saka hinila pabalik ang braso ko. Nagpatuloy ako sa paglalakad palabas ng bahay nila.

Napaluha ulit ako matapos lumabas ng gate. Bakit ba iyak ako nang iyak? Parang tanga. Miko! Tama na ang kaiiyak. Walang tomboy na iyak nang iyak!

Nakakita ako ng vending machine sa tabing kalsada kaya napagdesisyunan  kong maghulog ng limampiso roon. Maya-maya ay ininom ko ang kapeng lumabas mula sa makinang iyon. Humigop ako ng kape habang panay ang paglalayag ng isip. Minabuti kong umupo muna sa bench malapit lang din doon.

May mga narinig akong ingay kaya taka kong hinanap kung saan galing iyon. Kinabahan ako nang may nakita akong mga lasing na nagpapagewang-gewang sa kalsada. May past experiences ako sa mga lasing at puro masasama iyon. Lagi nila akong pinagtitripan kung hindi naman ay hinahabol sa kalsada.

Sumibol ang napakatinding kaba sa'kin nang makitang lumapit sa akin ang mga ito. Tumakbo agad ako dala ng takot pero kamalas-malasan lang dahil may humilang lalaki sa braso ko. Napakahigpit nito na napapangiwi na ako sa sakit.

"T-tama na po please," pagmamakaawa ko.

"Bakit nag-iisa ka Miss Ganda?" tanong ng isang lasing.

Hindi ako sumagot at pilit lamang na hinila ang aking braso mula sa pagkakahawak ng isa pang lasing.

"Hindi pa kami tapos kausapin ka kaya dito ka muna." Umastang yayakapin ako nito kaya nagkakawag na agad ako.

Bakit ba ako pa ang naisipan nilang pagtripan? Bakit hindi na lang sila uminom nang uminom hangga't gusto nila? Nandadamay pa sila ng mga inosenteng tulad ko!

Nagpatuloy ako sa pagkakawag habang ang isa pang lasing ay pinipilit akong yakapin.

"Ang sabi niya bitawan niyo siya." Nagulat ako nang marinig iyon sa bandang likuran. Agad kong nilingon ang nagsalitang iyon. Maluha-luha akong tumingin dito.

"L-lothur," bulong ko nang mahina.

Napakabilis ng mga pangyayari dahil wala nang humahawak sa akin at lahat sila ay kaniya kaniya na ang suntok kay Lothur. Nagawa naman itong ilagan ng huli. Nakakamangha lang dahil parang bihasang-bihasa ito
sa pakikipag-basag ulo. Malayong malayo sa Lothur na kilala ko noon.

Wala pa mang limang minuto ay tumba na ang tatlong lasing. Nakita ko pang nagpagpag ng sarili si Lothur bago ibaling ang paningin sa akin.

"Ikalawang beses na kitang niligtas, baka naman pwede mo na akong tulungan kay Jane?"

Nagsalubong ang mga kilay ko. Okay na sana eh. Matutuwa na sana ako sa kaniya dahil niligtas niya ako pero ba't kailangan pang isali sa usapan si Jane? Naririnig niya ba ang sinasabi niya? Alam niyang gusto ko si Jane tapos sa'kin siya magpapatulong? Mag-isa siya.

Naglakad ako palayo at todo sunod lang naman si Lothur.

"Wala man lang bang salamat diyan? Niligtas kita ulit, baka nakakalimutan mo."

"Salamat," mabilis kong sagot.

"Welcome! Gusto mo magpahatid?"

"Huwag na baka dalhin mo na naman ako sa bahay niyo. Tsaka kaya ko nang umuwi mag-isa."

"Eh paano kung may mga lasing na naman diyan sa dadaanan mo?"

"Magta-traysikel ako."

Narinig ko ang matunog na buntong hininga ni Lothur. "Bakit ba umaasta kang parang napakalakas mo? Eh alam naman nating dalawa na kung hindi ako dumating kanina baka kung napano ka na."

"Huwag ka nang makulit. Hindi mo ko madadaan sa hatid-hatid na iyan. Kung ginagawa mo lang 'to kasi gusto mong tulungan kita kay Jane, pwede ba tumigil ka na?"

"Anong sinasabi mo diyan? Ginagawa ko 'to kasi gusto ko. Wala 'tong kinalaman kay Jane. Tinutulungan kita kasi yun ang tamang gawin. Tinutulungan kita kasi nag-aalala ako para sa'yo."

Napaiwas ako ng tingin.

"Kinikilig ka ba?" nakangiting tanong ni Lothur.

Umiling ako. "Kadiri. Bakit ako kikiligin?" agad kong tanggi.

"Ganun? Akala ko eh, akala ko natuwid ko na ang baliko kong bestfriend," tumatawa nitong sabi.

"Ewan ko sa'yo."

Inakbayan niya ako habang hinihila papunta sa loob ng kotse niya. "Tara na kasi bestfriend. Magpahatid ka na sa'kin."

"Oo na," pagpapatigil ko sa kaniya.

Bestfriend. Tama bestfriend ko siya. Mag-bestfriend kami.

Pero bakit parang nasasaktan ako sa naisip kong 'yun? Napailing ako at saka pumasok na lamang sa kotse ni Lothur.

~

FOLLOW
VOTE
COMMENT

I KISSED A GIRL | COMPLETEDNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ