Chapter 51

69 61 28
                                    


      Ilang araw na ang makalipas nang matapos ang digmaan, maayos na ang paligid ng kahariang Swatrimana at mas bumubuti naman na ang kalagayan ni Haring Vesonto ngunit kailangan niya pang magpahinga ng lubusan upang muling bumalik ang lakas niya tulad ng dati.

      Sa kabilang kaharian naman, si Haring Batromonio ay nag-iisa na lamang. Mayroon man siyang mga tauhan at alipin na kaniyang nakakasama ngunit ang kaniyang asawa na si Reyna Kanisha ay tuluyan na ngang lumisan.

      Habang pinagmamasdan ang paligid sa loob ng palasyo niya. Hindi niya mapigilang malungkot at lumuha sapagkat naaalala niya ang kaniyang asawa na ngayon ay wala na.

      "Wala nang mas sasakit pa sa mawalan ng asawa." Bulong ni Haring Batromonio sa kaniyang sarili. Nanginginig at hindi maintindihan ang dapat na gawin.

      "Ako ay nangungulila sa iyong pagkawala." Ang sabi pa ni Haring Batromonio. Ang kaniyang iyak ngayon ay naging hagulgol na. Hindi na niya ito kayang pigilan.

     Habang ang kaniyang mga tauhan naman at alipin ay naroroon, nalulungkot din sa pagkawala ng kanilang Reyna.

      Si Reyna Kanisha ay ibang-iba ang ugali kay Haring Batromonio. Masama man ang ugali ni Haring Batromonio, pinakasalan pa rin ito ni Reyna Kanisha sapagkat alam niyang magbabago ang kaniyang minamahal at nagkatotoo naman ang kaniyang hula.

      Si Reyna Kanisha ay nanggaling lamang sa isang mahirap na pamilya ngunit nagustuhan ito ng Hari sapagkat ito ay mabait at may mabuting kalooban, marunong din itong umintindi ng pagkakamali kahit na sobra na ang kasalanang nagawa sa kaniya.

      Ngunit nagkaroon na siya ng planong maghiganti kay Reyna Caelia sapagkat napakasakit nang nadama nito nang iwan siya ng kaniyang matalik na kaibigan sa dilim, sa kawalan at sa ere.

      "Bakit...? Bakit mo ako iniwan?!" Hagulgol ni Haring Batromonio.

      "Kailangan ko nang gawin ang tama't mabuti, Kanisha. Pasensya ka na kung ngayon lamang ako naging matino. Mahal na mahal kita. Gagawin ko ito para sa ating dalawa. Magiging isang mabuting tao na ako, muli." Pangako ni Haring Batromonio.

      Agad siyang tumayo sa kaniyang trono at sinuot ang kaniyang kapa. Tumingin siya sa salamin at bumuntong-hininga. Handang magpakumbaba para sa kaniyang katahimikan.

      Pinabukas niya ang tarangkahan ng palasyo at agad na sumakay sa kaniyang kabayo. Nakita siya ng isa sa kaniyang mga tauhan at nais sana siyang tanungin ngunit inunahan na niya ito.

      "Pupunta ako sa kaharian ng Swatrimana, hihingi ako ng tawad." Agad na sabi ni Haring Batromonio at pinatakbo na ang kaniyang kabayo upang mabilis na makarating sa kaniyang paroroonan.

      Sa kaharian ng Swatrimana naman, abalang-abala ang lahat upang ipagdiwang ang muling pagiging maayos ng kanilang kaharian.

       Imbitado ang lahat ng tao na nasasakupan ng kanilang kaharian sapagkat selebrasyon ito para sa kanilang kalayaan. Syempre, imbitado rin ang limang babae at ang pamilya ni Zelar.

       ~••••••~

      Nang makarating ang iba sa palasyo, si Zelar naman ay abala sa pakikipag-usap sa kaniyang mga kapatid. Habang sina Loreen at Remie naman ay kausap si Prinsesa Serenity at ang limang babae naman ay nakaupo lamang doon at nagtatawanan.

      Maya-maya ay lumapit si Reyna Caelia kasama ang kaniyang anak, sina Loreen at Remie. Agad naman silang binati ng limang babae.

      "Masaya ako sapagkat maayos na ang sitwasyon nating lahat." Saad ni Reyna Caelia sa kaniyang mga kaharap.

Adventures in Efarial ✔️Where stories live. Discover now