Wattpad Original
Mayroong 6 pang mga libreng parte

Tale 🔸 2

20K 1.1K 163
                                    

Alessia's POV

MAKULIMLIM ang kalangitan at kumikidlat iyon. Hindi naman ibinalita sa telebisyon na may bagyong parating.

Nagda-drive na si ate ngayon at binabaybay na namin ang kahabaan ng Mariana Cliff. Sabi ni ate may pupuntahan pa siya bago umuwi kaya dumaan kami rito.

Napapatingin na lang ako sa malawak na karagatan at mga kidlat na parang tumatagos iyon sa tubig. Kitang-kita ko sa labas na malakas ang hangin. Wala naman ibinalita na may thunder storm, pero baka biglaan lang itong dumating.

Pero bigla na lamang nag-brake si ate na muntikan ko ng ikasubsob kung wala lang akong suot na seatbelt.

"Ate?" gulat na tanong ko sa kanya. Nakita ko naman si ate na gulat at nakatingin ito sa harap namin.

Hindi ko mapigilan na tingnan ang kanyang tinitingnan at nagulat na lamang ako sa nakita ko roon. Isa itong malaking bison. Hindi lang basta bastang bison dahil ang katawan nito ay hugis tao, maliban sa kulay ng balat at balahibo. It looks like a cross breed of bison and a human being. Is that what they call a minotaur?

"Growl!"

Nayanig na lang ako sa alulong nito.

Kahit hindi ako magtanong, alam ko na demon ito. I've never seen a bad demon after our parents' death. Tila nanigas ako sa kinauupuan ko. Mas lalo lang akong nataranta ng biglang tumakbo ito patungo sa amin.

"Ate, drive!" naitili ko at parang napukaw naman si ate at mabilis itong nag-drive.

"What the fuck is happening?!" tarantang tanong ni ate sa akin.

"Hindi ko alam, Ate." Kinakabahan ako at mabilis na nag-drift si ate at nilagpasan iyon. Pero umikot naman ang bison at hinabol kami.

"What is that thing following us?! For Christ's sake, that doesn't look human at all!" hysterical na sagot ni ate.

"Demons, Ate...demons," sagot ko sa kanya, pero hindi ko alam kung maniniwala ba siya sa akin.

"Demons? Are you kidding me?"

"Sige, Ate, maskot na lang ng chicago bulls," sarkastikong sagot ko sa kanya at mas lalo lang namin binilisan ang takbo.

"It's chasing us!" tili ni ate at mas lalo niyang inapakan ang sinselyador.

Mas lalong lumakas ang kulog at hangin. Nagsimula na rin ang malakas na ulan na naging dahilan para mahirapan kaming makita ang unahan. Mahigpit akong napakapit sa upuan. Bakit dito kami inabot ng ganitong pangyayari?

Bigla na lang yumanig ang lupa at umuga ang sasakyan namin kahit tumatakbo ito.

"We're gonna die! Malas ka talaga sa buhay ko, Alessia! 'Pag namatay tayo rito, hinding-hindi talaga kita mapapatawad!" sigaw niya sa akin habang gigil na nakahawak sa manibela.

Napapaluha na din ako dahil sa takot. Hindi ako makaimik. Paanong ako ang sinisisi niya kung wala naman akong kinalaman sa mga pangyayari? Ginusto ko ba ito?

Nakarinig na lang ako isang malakas na ugong at nanlaki na lamang ang aming mga mata ng makita namin na gumuho ang bundok at rumaragasa patungo sa amin ang lupa.

Bago pa kami tinamaan ay iniliko na ni ate ang sasakyan pero hindi ko akalain na ito na ang magiging katapusan namin. The car hits the cliff barrier at nawasak iyon. Lumagpas kami at ngayon ay nahuhulog na ang sasakyan namin sa ere.

"Ah!" sabay namin sigaw at sinalubong ng sasakyan ang nagwawalang tubig ng karagatan.

Nabasag ang windshield at agad na pumasok ang nagwawalang tubig. Nawalan ng malay si ate kaya mabilis na tinangal ko ang aking seatbelt. Binuksan ko ang pintuan at pahirapan iyon pero nabuksan ko naman.

Lumangoy ako at kita ko ang kadiliman ng tubig. Pumaikot ako sa kanila para buksan ang sasakyan ni ate pero naka-lock. Kinuha ko ang cellphone na nasa bulsa ko at ginamit ko iyon para mabasag ang salamin ng bintana ni ate.

Nabasag din at nabuksan ko ang kanyang pintuan at mabilis kong tinanggal ang kanyang seatbelt. Hinila ko si ate paibabaw sa tubig. Nakikita ko sa itaas ang ilaw na nagmumula sa nagwawalang kalangitan.

Narating din namin ang ibabaw ng tubig at halos puputok na ang baga ko dahil sa kawalan ng hangin. Si ate na walang malay ay hindi ko alam kung buhay pa ba o hindi, pero hinawakan ko siya at hindi binitawan.

Malalaki ang alon na tila gusto kaming lamunin. Natanaw ko naman ang pampang kaya pinilit kong lumangoy para makarating kami roon, pero ilang segundo pa lang ang paglangoy ko ay tila hinihila na kami ng kung anong bagay.

Napalingon ako sa likuran ko at nakita ko na lang ang dambuhalang ipu-ipo sa katubigan na hinihigop iyon. Mas nilakasan ko ang aking paglangoy pero tila wala akong magawa.

Biglang nahila kami pailalim at malakas ang current na humihila sa amin. Rumaragasa at tila tinutupok ang aming katawan. Biglang may tumama na lang sa aming dalawa ni ate na malaking kahoy na naging dahilan para mabitawan ko siya.

Napasigaw ako pero agad naman naitikom ko ang aking bibig dahil pumasok ang tubig doon. Pilit kong hinahabol si ate pero palayo siya nang palayo sa akin.

Ramdam ko na hinahatak ako ng tubig sa kung saan man, hanggang sa parang sasabog na ang aking baga dahil sa kawalan ng hangin. Unti-unti ng nagdidilim ang aking paningin. Siguro ito na ang aking kamatayan, dito na magwawakas ang aking buhay. Tuluyan na akong nilamon ng karimlan.

•••

NANGHIHINA ako. 'Yun ang nararamdaman ko sa aking katawan at naimulat ko ng kaunti ang aking mga mata.

Puting buhangin.

Ito ang aking unang nagisnan at nadama. Kay bigat ng talukap ng aking mga mata. Wala ring lakas ang aking katawan. Ang alam ko ay nasa isang baybayin ako, nakadapa at tinatamaan ng tubig dagat ang aking mga paa.

Tuyong-tuyo ang lalamunan ko. Gusto kong tumayo pero hindi ko magawa dahil wala akong lakas. Panaginip lang ba ito o sadyang buhay pa ako? Pero ang isiping iyon ay nanatiling parang isang panaginip nang iginupo na naman ulit ako sa karimlam.

Tila napakahaba ng aking panaginip. Naramdaman ko na lang na may tunog na tila nagpapalakol.

"Falix, pakibantayan itong niluluto ko at titingan ko lang ang babaeng inanod," dinig kong saad ng isang boses babae.

Napamulat ako at agad na tumambad sa aking paningin ang kisami na yari sa isang maninipis na tabla. Ang aking higaan na yari sa tatami mat, 'yun ang tingin ko pero hindi ako sigurado kung yun ang tawag doon.

Naaamoy ko rin ang insenso at mga halamang gamot. Ramdam ko rin na may benda ako sa ulo dahil medyo kumikirot iyon.

"Aba, gising ka na," saad ng boses babae na ikinatingin ko.

Ang babaeng nasa harap ko ay mukhang matanda lang sa akin ng ilang taon. May itsura ito at nakasuot ito ng kulay asul na parang kimono ng mga lalaking Hapones, pero mas manipis ito at hindi mainit tingnan.

"Ugh..." napaungol ako sa sakit ulit ang ulo ko dahil sa pagtangka kong bumangon.

Maagap naman na lumapit sa akin ang babae at nag-aalala ang mukha nito.

"'Wag ka munang bumangon, binibini. Makakasama sa iyo 'yan. May sugat ang ulo mo at kailangan mong magpagaling," turan nito sa akin habang may ipinapahid ulit ito sa noo ko na hindi ko alam.

"N-nasaan ako?" pilit kong tanong sa kanya. Hindi ko alam kung nasaan ako, pero base sa kanilang pananalita, pareho lang kami ng bansa.

"Nasa bayan ka ng Samona, binibini. Nakita ka namin ng kapatid ko sa dalampasigan. Mukhang inanod ka ng alon patungo rito. Galing ka ba sa isang paglalayag?" tanong nito sa akin.

Mukhang inanod nga ako pero hindi ko kilala ang Samona. Hindi ko alam kung saang banda iyan ng Pilipinas.

"Saan banda ang Samona?" nagtatakang tanong ko, dahil napag-aralan ko na ang Philippine archipelago pero hindi ko alam ang Samona. Siguro ay isa itong maliit na bayan sa kung saan man sa Pilipinas.

"Nasa sinasakupan ka ng kaharian ng Valeria. Teka, taga-Valeria ka ba o taga-ibang kaharian?" sagot nito sa akin na tila lumaki ang ulo ko sa narinig.

Kaharian? Anong kaharian ang sinasabi niya?

"Valeria?" naguguluhang tanong ko sa kanya.

"Ang kaharian ng Valeria, ang pinakamalaki at malakas na kaharian sa buong Wysteria," sagot nito.

"Wysteria?!" Saan naman iyon?

"Mukhang malubha ang pagkakabagok ng ulo mo, binibini, dahil wala kang naaalala," nag-aalalang turan nito sa akin at may inabot siya sa akin. "Inumin mo muna ito. Nakakatulong ito para huminto ang pagdurugo ng sugat mo."

Natatakot akong pagkatiwalaan siya pero wala naman akong maramdaman sa kanya na kasamaan. Kung masama talaga ang pakay niya, hindi na sana niya ako sinagip at hinayaan na lang niya akong mamatay.

Tinanggap ko iyon at ininom. Medyo mapait iyon at hindi maganda ang lasa pero tiniis ko dahil medyo nasanay na rin ako kay lolo noon. Mahilig iyon gumawa ng mga herbal medicine tuwing nagkakasakit ako o kaya ay may sugat. Tinuruan din niya ako sa mga gamot halaman kaya alam ko ring gumawa ng gamot gamit ang mga ito.

"Salamat," tugon ko sa kanya bago ibinigay ang maliit na mangkok na gawa sa kahoy.

"Walang anuman. Ako nga pala si Honey. Ang pangalan ko ay galing sa matamis na honey na gawa ng mga bubuyog. Ikaw, ano ang pangalan mo, binibini?" tanong niya sa akin at inilapag ang mangkok sa tabi lang niya.

"A-Alessia," sagot ko sa kanya.

"Napakagandang pangalan, kagaya mo rin...isang natatanging ganda. Sige, magpahinga ka muna, Alessia. Tawagin mo lang ako kung kailangan mo ng tulong. Nandito naman ang kapatid ko na si Falix, ipapakilala ko siya sa iyo sa susunod," anito at tumayo na.

"S-sige. Salamat," tanging tugon ko sa kanya.

Iniwan na ako ni Honey at unti-unti naman akong nakakaramdam ng antok. Hinayaan ko na ang katawan ko na makatulog.

•••

ILANG araw din akong hindi nakakatayo dahil nagpapalakas ako. Siguro kung nasa isang ospital ako ay mabilis akong gagaling at hindi kagaya nito na inabot ako ng ilang araw bago nakabangon.

Hindi pa rin ako makapaniwala sa natuklasan ko. Ang Wysteria ay isang mahiwagang kontinente na matatagpuan sa Celebes Sea. Isa itong kontinente na hindi makikita ng karaniwang nilalang o tao.

Ang mga tao o tinatawag nilang Wysterian na naninirahan sa kontinente ay mga imortal. Like the literal immortal, they don't age and die. Nagulat pa ako nang malaman ko na isang libong taon gulang na si Honey, habang si Falix na nakababatang kapatid na lalaki nito ay limangdaan taong gulang.

Nagulat pa sila ng sinabi ko na dalawampu't taong gulang pa lamang ako, kaya ang tingin nila sa akin ay isang bata. Literal na bata.

Ang alam nila ay wala akong alaala sa aking nakaraan maliban sa aking pangalan at edad. Hindi ko sinabi sa kanila na galing ako sa ibang dimesyon, dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin nila oras na malaman nila iyon.

Magaling na ang aking mga sugat. Binigyan din ako ng damit ni Honey pero pinagdadamit niya ako bilang isang lalaki. Isa itong kulay pula na manipis na tela. Long sleeves ito na parang kimono pero istilong pantalon sa baba, at may sapatos na sa tingin ko at boots na hanggang halahati ng paa ko ang taas.

"Alessia, kailangan mong magdamit bilang lalaki, dahil delikado dito sa Samona at ibang karatig bayan. Kinukuha nila ang mga magagandang dilag para gawing parausan ng mga matataas na opisyal ng Valeria. Masyado ka pang bata para doon. Pero kung makikita ka nila bilang isang babae, sa angkin mong ganda ay babaliwalain nila ang edad mo. Kaya mag-ingat ka," saad ni Honey sa akin habang inaayos niya ang suot ko.

Kahit ang dibdib ko ay nakagapos din ng isang tela para maging flat iyon. Mahigpit at medyo hirap akong huminga pero masasanay rin ako.

"Honey, babae ang mukha ko kahit nakasuot pa ako ng panlalaking damit," usal ko sa kanya at tiningnan ko ang repleksyon ko sa salamin.

Bumuntonghininga naman si Honey bago niya sinuklay ang buhok ko at inipit iyon ng isang klaseng pang-ipit na panglalaki na tila maliit na bracelet. Nagmukha itong pony tail sa aking mahaba at tuwid na light blonde na buhok.

"Oo, mukha ka pa ring babae, pero ganyan talaga ang mga batang imortal. Sa ayos mo, papasa ka ng isang magandang binatilyo. Ito rin ang identipikasyon mo bilang lalaki. Mayro'n ka rin bilang babae pero itago mo ang sa babae," ibinigay niya sa akin ang isang kahoy na may tatak ng pangalan ko bilang lalaki.

Ales Condor. 'Yun ang magiging pangalan ko bilang lalaki, habang ang isa naman ay Alessia Andromeda Condor.

"Hindi ko maiwasan kabahan," usal ko sa kanya.

"Alam ko na hindi mo iyon maiiwasan. Pero sa pamamagitan ng identipikasyon mo, malalaman nila na bata ka pa at palalagpasin ka lang nila," sagot niya sa akin.

Nakahinga naman ako nang malalim dahil doon. Itinago ko na sa aking damit ang babae kong identipikasyon at isinabit ang panlalaki sa gilid ko.

©️charmaineglorymae

Immortal's Tale |Immortal Series One|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon