Chapter 4 : The Confrontation

54 4 0
                                    

     Nagtama ang mga mata ni Lauris at ng kanyang ama. Nasilip niya roon ang bahagyang pagkagulat. Subalit saglit lang iyon. Kaagad iyong napalitan ng matalim na tingin. Sinikap niyang panatilihin ang katatagan ng kanyang sarili. Tumayo siya. Lumapit siya rito upang magmano. Ngunit hindi man lang ito tuminag. Hindi nito iniabot ang kamay sa kanya upang siya ay pagmanuhin.

     Pakiramdam ni Lauris ay para siyang nanliit sa pagkapahiya.

     "Mas gusto kong isipin na patay ka na kaysa ang makita ka sa araw na ito pagkatapos ng lahat ng nangyari," wika ni Andy.

     Tila hiniwa ang puso ni Lauris sa narinig mula sa ama.

     Maging si Brenda ay nabigla rin sa binitawang salita ng
asawa.

     "Pagkatapos mong mawala ng matagal na panahon para takasan ang ginawa mo, ngayon ay basta ka na lang babalik. Para ano? Hihingi ka ng tawad? Sa paghingi mo ba ng tawad ay maibabalik mo ang buhay ng asawa ko?"

     Nagsimulang mangilid ang luha ni Lauris at unti-unti na rin siyang nanginginig sa tindi ng emosyong nadarama.

     "D-Dad...pinagdusahan ko na ng labin-dalawang taon ang lahat. Araw-araw ay sinusumbatan ako ng aking konsensiya. Wala akong katahimikan. Naparito ako dahil gusto kong humingi ng tawad sa inyo."

     "Nararapat lamang sa'yo ang magdusa. Dahil ikaw ang dahilan kung bakit namatay ang asawa ko. Parang ikaw na rin mismo ang pumatay sa sarili mong ina!" Punong-puno ng galit ang anyo at boses ni Andy nang sabihin iyon.

     "D-Daddy..."

     "At huwag mo na akong tatawagin ng ganyan dahil matagal ko nang kinalimutan na anak kita. Hangga't nabubuhay ako ay hindi kita mapapatawad."

     Hindi na napigilan ni Lauris ang pagbuhos ng kanyang mga luha. Tila mga patalim na tumarak sa kanyang puso ang mga salitang binitawan ng ama.

     Hindi nakatiis si Brenda at lumapit sa asawa. "Andy, h-huwag masyadong matigas ang puso mo. Baka pwede nyo itong pag-usapan ng mas mahinahon at--"

     "Wala na kaming dapat pag-usapan pa," putol nito sa sinasabi ni Brenda at muling pinukol ng masamang tingin si Lauris. "Kung saang lupalop ka man nanggaling, bumalik ka na roon. Hindi ka kailangan sa bahay na ito. Makakaalis ka na," mariin nitong sabi at tinalikuran si Lauris. Tinungo nito ang hagdanan at naglakad paakyat sa ikalawang palapag ng bahay.

     Hindi malaman ni Brenda kung ano ang sasabihin kay Lauris na sa mga sandaling iyon ay hilam sa luha ang mga mata. Ngunit bago pa ito makapagsalita ay nagpaalam na si Lauris.

     Dali-daling lumabas ng bahay si Lauris at sa nanlalabong paningin dahil sa luha ay tumakbo siya upang agad na marating ang highway at pumara ng traysikel. Isang destinasyon lang ang naisip niyang puntahan sa mga oras na iyon. Ang sementeryo.




     Nakalagay sa lapida ang buong pangalan ng kanyang ina. Divine Grace Bernardo. Nasa bandang kanan ng puntod ng ina ay ang puntod ng mga magulang nito, ang lolo at lola niya. Pero ang puntod ng Mommy Grace niya ay may sariling bubong at gate. At ang gate sa pagkakataong iyon ay nakakandado kung kaya't hindi siya makakapasok. Inalog-alog niya ang gate. Pagkuwa'y naghanap siya ng malaking bato at pinukpok ng pinukpok ang kandado hanggang sa matanggal ang pagkaka-lock niyon. Binuksan niya ang gate. Habang papalapit siya sa puntod ng ina ay tila napakabigat ng kanyang mga paa. Nang makalapit siya ay  nawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod. Lumuhod siya sa harapan ng puntod ng kanyang ina. Nanginginig ang mga kamay na hinaplos-haplos ang lapida kung saan nakaukit ang pangalan ng kanyang Mommy Grace. Unti-unti siyang humikbi. Napakasakit ng kanyang nararamdaman. Hindi niya matanggap na puntod na lamang ng kanyang ina ang mahahawakan niya.

     "M-Mommy...Mommy ko...nandito na ako...miss na miss na kita," daing niya sa pagitan ng paghikbi at pagluha.

     "P-Patawarin mo ako, Mommy...h-hindi ko sinasadya...hindi ko sinasadya...patawarin mo ako..." Halos ay hindi na lumabas sa kanyang bibig ang mga kataga. Ang pighati at samu't saring emosyon na nakabalot sa kanya sa mga oras na iyon ay labis labis na. Tila siya ay mawawalan ng ulirat sa sobrang sakit na nararamdaman.

     "Mommy...Mommy ko..." Panaghoy niya habang nakaluhod sa harapan ng puntod ng ina. Hagulhol niya ang pumuno sa paligid sa bahaging iyon ng sementeryo.
    



     Hindi na namalayan ni Lauris kung gaano siya katagal namalagi sa puntod ng kanyang ina. Palubog na ang araw nang magpasya siyang umalis sa sementeryo. Lutang ang pakiramdam niya sa mga sandaling iyon. Ang nag-iisang lugar na lamang na pwede niyang puntahan ay ang dagat. Tanging ang dagat na lang ang pwedeng kumalong sa kanya ngayon.

     Pumara siya ng traysikel at nagpahatid kung saan may dagat. Mugtong-mugto na ang kanyang mga mata at tila manhid na rin ang kanyang pakiramdam. Halos ay hindi niya na namalayan kung anong lugar ang pinuntahan nila ng traysikel driver. Nang mahagip ng mata niya ang sign na naka arko. WELCOME TO NEW WASHINGTON. At ilang saglit pa ay nakakita na siya ng dagat. Kaagad siyang pumara at bumaba.

     Lagpas alas-sais na iyon ng gabi at nagsisimula nang dumilim ang paligid. At ang hangin sa dagat ay unti-unti na ring lumalamig. Ngunit hindi iyon alintana ni Lauris. Tila naging manhid na ang kanyang katawan sa labis na sakit ng kanyang damdamin. At ang isip niya ay okupado ng mga sinabi ng kanyang ama. Tila sumpa ang mga binitiwan nitong salita.

     Tumingin siya sa dagat at sa langit. Kung pagmamasdan mula sa kinatatayuan niya ay mistulang magpapang-abot na ang mga ito. Ngunit kapag nilapitan ay mababatid na hindi pala magpapang-abot at wala palang katapusan. At katulad ng langit at dagat na walang katapusan ay tila wala ring katapusan ang kanyang pagdurusa. Unless, siya mismo ang tumapos ng kanyang pagdurusa.

     Ipinilig niya ang kanyang ulo. Ilang ulit niya nang inisip na magpakamatay. Ngunit hindi niya ginagawa. Kahit gaano kasakit ang kanyang mga pinagdaanan, mayroon pa ring maliit na bahagi sa sarili niya na pumipigil sa kanya na gawin iyon. Dahil sa kaibuturan ng kanyang puso, naroroon pa rin ang pag-asa na isang araw ay magkaroon sila ng ama ng kaliwanagan at mapatawad niya rin ang kanyang sarili.

     Naglakad siya sa dalampasigan. Naglakad lang siya ng naglakad. At habang naglalakad ay walang laman ang kanyang isip. Tila namanhid na rin pati ang kanyang utak. Nagpatuloy siya sa paglalakad. Nang mag-angat siya ng tingin ay napansin niyang madilim na pala. Ngunit dahil sa maliwanag ang buwan, naaaninag pa rin niya ang dagat. Pinagmasdan niya ang reflection ng bilog na buwan sa tubig. Nakakaakit ang kislap ng liwanag sa tubig. Sa paningin niya ay napakaganda niyon at gusto niyang hawakan. Wala sa sariling lumusong siya sa tubig dagat habang ang mga mata ay tila ipinako sa reflection ng buwan. Gusto niya itong abutin. Palalim na ng palalim ang tubig at palapit na rin siya ng palapit sa reflection. Nang biglang humampas ang malaking alon sa katawan niya at siya ay tinangay sa mas malalim na parte ng dagat.

     Bigla ay tila nagising siya mula sa pagkakatulog. Nag-panic siya. Marunong siyang lumangoy ngunit naunahan siya ng takot kung kaya't hindi siya nakagalaw. Muling humampas ang malakas na alon at tinangay siya pailalim. At bago pa siya makaiwas ay sumalpok ang ulo niya sa isang matigas na bagay na sa wari niya ay malaking tipak na bato. Gumuhit ang sakit sa lakas ng pagkakabunggo niya at para siyang mawawalan ng ulirat. Sinikap niyang sumigaw ngunit walang lumalabas sa bibig niya. Sinikap niyang lumangoy paitaas ngunit hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa. Patuloy siyang tinatangay ng alon. At nauubusan na siya ng hangin. Hindi na siya makahinga. Anumang oras ay tatakasan na siya ng hininga.

     Kailangan ko na ba talagang sumuko? Hanggang dito na lang ba talaga ang buhay ko? Sige, suko na ako. Hindi ko na kaya. Sobra na ang sakit. Hindi ko na kaya, wika ng isip niya. Sa ilang sandali ay dumilim na ang lahat sa kanya.

     At mula sa kung saan, dalawang kamay ang maagap na humawak kay Lauris at hinila siya paitaas.
    

Bring Me To LifeWhere stories live. Discover now