Ikatlo

476 26 16
                                    

Blangkong tiningnan ni Tori ang babaeng kaharap sa mesa. Nakapangalumbaba ito at nakatutok sa kanya ang mga mata. "Ba't ganyan kang makatitig?" walang-gana niyang tanong.

"Ang ganda mo kasi. Puwede bang pakurot ng pisngi mo?" parang tangang hiling nito. Anyong itataas nga nito ang kamay papunta sa pisngi niya pero binigyan niya ito ng masamang tingin.

"Subukan mo kung gusto mong mabali 'yang kamay mo," aniya sa malamig at mapanganib na tono.

Agad namang binawi ng babae ang kamay at bumusangot ng mukha. "Aist... Ang damot."

Bahagyang naningkit ang mga mata ni Tori sa tanawin. Ayaw niyang aminin sa sarili na sobrang cute ng babae ngayon sa paningin niya, lalo na ang nanghahaba at mapupula nitong nguso. Para tuloy gusto niya iyong angkinin.

Tumikhim siya nang mapagtanto ang mga naiisip at kaagad na sinaway ang sarili. Ibinalik na lang niya ang atensyon sa librong binabasa.

"Ano bang mayro'n diyan at kanina mo pa 'kong ayaw pansinin?" pagmamaktol ng babaeng nasa harap.

Humugot ng nababagot na hininga si Tori at sinulyapan muli ito. "At ikaw, alin ba sa 'ayokong makita ang pagmumukha mo sa harapan ko' ang hindi mo naiintindihan?" Ginawa niya ang lahat upang iparating dito ang labis na pagka-disgusto. Subalit imbes na matakot ito ay tila naa-amuse pang tumaas ang sulok ng bibig.

"Sabi ko naman sa'yo, kahit anong pagtataboy mo sa'kin, hinding-hindi ako lalayo sa'yo. You don't have a choice, babe. You're going to be stuck with me," puno pa ng kumpiyansang pahayag.

Napakislot ang dulo ng kilay ni Tori dahil sa inis na nararamdaman. "I told you to quit calling me 'babe'," gagad niya sa pagitan ng ngipin.

Tila hindi man lang apektado ang babaeng kaharap at matamis pang ngumiti. Gustong-gusto na niyang hablutin ang dulo ng buhok nitong naka-side-ponytail o 'di kaya ay baliin ang de-gradong salamin nito sa mata. "Bakit? Ang cute kaya ng babe," pang-aasar pa.

"Hindi ako baboy," asar niyang turan. Sa lahat ba naman ng endearment ay babe pa ang napili nito. Ang baduy.

Bigla itong napabunghalit ng tawa sa sinabi niya. "Oh no, you're too far from that. Isa kang diyosa... Ang aking diyosa." Sinabayan pa nito iyon ng kindat.

Hindi natapos ang pangungulit ng babaeng iyon sa kanya. Simula nang dumating ito sa unibersidad nila ay ginulo na nito ang nananahimik niyang buhay. Para itong aso; nahahanap siya kahit saan man siya magtago. Kung kailan pa nasa huling taon na siya ng kolehiyo ay saka pa ito dumating sa buhay niya.

"Hi, Tori!"

Napaigtad siya sa kinauupuan sa biglang pagsulpot ng buwisit na nilalang. Asar niya itong tiningala. Nakasandal siya noon sa isa sa mga punong manggang nakapalibot sa malawak na soccer field ng kanilang escuelahan.

"Ano na naman bang kailangan mo?" bagot niyang tanong. Nagsasawa na talaga siya sa kakabuntot nito at kung may enerhiya lang siya ay gusto na niya itong sigawan. Subalit ayaw niyang ipakita ritong ganoon siya kaapektado sa presensya nito, kaya mas pinipili niyang huwag magpakita ng ano mang interes.

"May dala akong merienda!" masigla nitong sabi at itinaas pa ang supot na naglalaman ng dalawang pirasong sandwich. Iignorahin na sana niya ito kung hindi lang sa sunod nitong ipinakita. "At siyempre..." mula sa likuran nito ay inilabas naman nito ang isa pang kamay, "ang paborito mong dutchmill!"

Umirap si Tori. "Nag-abala ka pa. Hindi ako gutom." Nagkunwa siyang hindi interesado.

Ngumiti lang ang babae at prenteng naupo sa damuhan kaharap niya. "Kailan ka ba nagutom? Tuwing recess o lunch break, ni hindi man lang kita nakikitang kumakain. Puro dutchmill na lang ang nilalaklak mo." Nahimigan niya ang tila pagkadisgusto sa boses nito.

Tori's Tragedy | A Short Story [GxG]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon