Hemira 4 - Mga Hoblin

4.5K 150 8
                                    

Pagkapasok ko, nagimbal ako sa aking nakita.

Nagkalat ang mga bangkay ng mga hoblin sa lupang tigang na napakalawak at walang kadamo-damo o puno man lamang sa paligid. Ang iba sa mga iyon ay buto na.

Mayroon ding mga sapin na tela sa lupa at doon nananahan ang ibang mga hoblin.

Napatingin ako kay Eriza habang namimilog ang aking mga mata ngunit siya'y nakayuko lamang at umiiyak na dahil umaalog na ang payat na payat niyang mga balikat.

Nakatingin lamang sa akin ang mga hoblin na naririto.

“Eriza… a-ano ang nangyari rito? Bakit ang daming mga bangkay ng mga hoblin sa paligid?”

Patuloy pa rin siya sa kaniyang pag-iyak.

Tumingin muli ako sa paligid. Isa itong tuyot na kagubatan at dito ay hindi umuulan hindi katulad nang sa labas. Napansin ko rin ang mga lupang maliliit na bundok na may nakapatong na mga bulaklak na tila ba mga puntod ang mga iyon.

“Hemira, ang mga bangkay at puntod na iyan ay ang aming mga bayani.” Napatingin ako sa aking harapan nang magsalita si Ginoong Orum. “Sila ang mga nagtangkang kumuha ng mga makakain namin sa kagubatang iyon ng Kobal ngunit sinawing palad dahil natuklaw sila ng mga hypnalis. Hindi na nila nahanap ang nakatuklaw sa kanila kaya binawian sila ng buhay.” malungkot na dagdag pa niya.

Hindi ko magawang makaimik dahil napakarami talagang mga bangkay ng hoblin sa paligid.

“Ang aming mga pagkain ay ang makukulay na dahon na nasa puno sa kagutang Kobal at pati na rin ang mga halaman. Kalahating taon na nang sakupin ng mga hypnalis na iyon ang aming tirahang kagubatan. Marami sa amin ang namatay at nawalan ng buhay dahil sinubukan namin silang kalabanin at paalisin doon. Dahil sa hindi ko na nais na marami pa ang mawalan ng buhay sa aking pinamumunuan ay pinag-utos ko sa mga natitira pang mga hoblin na lumipat na lamang kami rito sa katabing kagubatang ito ngunit ang suliranin ay wala na kaming makakain.”

Nagsimula nang magsi-iyakan ang mga hoblin na naririto.

“Ngunit bakit hindi n'yo ilibing at gawan din ng puntod ang ilang mga nakakalat na hoblin na wala ng buhay?” Itinuro ko pa ang mga butong nakakalat sa paligid. Kung nabibilang ako sa kanilang lahi ay hindi ko maaatim na manirahan na mayroong mga bangkay ng aking kalahi sa paligid.

Tumalikod siya sa akin at nakita kong pinagmasdan niya rin ang mga nakakalat na bangkay rito.

Hinihintay ko naman ang susunod niyang mga sasabihin.

“Gustuhin man namin ngunit wala na kaming lakas upang gawin pa iyon dahil sa kawalan ng pagkain. Buto't balat na ang lahat dahil sa walang makain at wala na ring makakakaya na maghukay pa upang ilibing ang aming mga bayani.”

Lubha akong nakaramdam ng lungkot at awa para sa kanila.

“Umaasa na lamang kami sa mga taong naliligaw sa labas at kinukuha ang kanilang mga pagkaing dala kahit na hindi kami kumakain ng mga iyon subalit hindi naman talaga namin gawain ang manguha ng bagay na hindi sa amin. Nagagawa lamang namin iyon para kami'y mabuhay. Minsan ay sumusugal kami at sinusubukang kumuha ng mga makukulay na dahon at halaman sa kagubatan ng Kobal ngunit lubhang napakahirap na makuha niyon dahil nagbabalat kayo ang mga hypnalis na baging at halaman. Minsan ay ang mismong dahon pa ang kanilang ibinabalat kayo kaya naman napakamapanganib talaga ang pagkuha niyon.” dismayadong bumaba ang tingin niya sa kaniyang paanan.

“Kung gayon, bakit ka naroon Eriza sa kagubatan kanina? Isusugal mo ba ang iyong buhay upang makakuha ng mga dahon at halamang iyon? Saka kanina, ang mga puno at halaman doon ay natuyot na kaya paano na ang inyong magiging pagkain?” sunod-sunod na tanong ko kay Eriza na nagpupunas na ng kaniyang mga matang basa ng luha. Masyado na akong nakukumplikaduhan sa kanilang pamumuhay kaya naging sunud-sunod na ang aking mga katanungan.

“Babaeng mandirigma, ang mga punong iyon ay nasa ilalim ng aming pangangalaga. Sa umaga ay makukulay ang mga iyon na nagsisilbing aming mga pagkain ngunit sa gabi ay natutuyot ito na siyang ginagawan namin ng paraan upang huwag mangyari dahil sa kung sinuman sa amin ang makakain ng tuyot na dahon doon o mga ordinaryong dahong kulay berde ay siguradong mamamatay kaya rito kami naninirahan sa lugar na ito upang mapigilan namin ang aming sarili na kumain ng berdeng dahon.”

Napatingin muli ako sa paligid. Wala nga ni miski isang puno o halaman man lamang dito.

“Kanina ay pumunta ako sa kagubatang iyon nang maamoy ko ang iyong dalang pagkain. Hindi man kami kumakain ng tinapay noon ay kinakain na namin iyon ngayon upang maiwaksi lamang ang aming gutom. Hindi ko muna kinuha sa iyo ang iyong gamit dahil nais kong alisin muna ng mga hypnalis ang kanilang pagbabalat kayo nang sa gayon ay maiiwasan ko ang matuklaw nila. Sinamantala ko ang pakikipaglaban nila sa iyo upang makuha ang iyong gamit at makalabas nang ligtas sa kagubatan na iyon.”

“Kung gayon, ako ang ginamit mong pain?”

Nanlaki naman ang kaniyang mga mata at biglang namawis ang noo. Kinaway-kaway niya ang kaniyang payat na payat na kamay sa pagtanggi. “Hindi sa gayon, babaeng mandirigma. Sadyang nais ko lamang talaga na mabigyan na ng panlaman ng sikmura ang aking mga kasamahang pang-apat na araw nang hindi kumakain kaya ko nagawa iyon sa iyo. Nakita ko rin naman na ikaw ay tunay na malakas dahil marunong kang gumamit ng espada at isa ka pang maheya kaya tunay akong humahanga sa iyo. Walang bahid iyon ng pagsisinungaling para lamang makaligtas ako sa iyong galit.”

Napa-iling iling na lamang ako sa kaniya at napangiti. Umupo ako upang siya'y aking mapantayan. Napaatras pa siya at halatang takot na sa akin.

Hinawakan ko ang kaniyang ulo at masuyong ginulo ko ang kaniyang buhok. Nagtataka naman siyang tumingin sa akin matapos ko iyong gawin.

Nginitian ko siya. “Ganoon ang aking simbolo ng pagpuri sa mga taong gumawa ng kabutihan at katapangan. Simbolo ko rin iyon ng pasasalamat.”

Namula ang kaniyang mga pisngi dahil sa pagkahiya sa akin at dahil doon ay mas lalo akong naaliw sa kaniya.

“Ngunit hindi ako isang tao, babaeng mandirigma.” Hindi siya makatingin sa akin.

“Ganoon ba? Ngunit may napansin ako sa iyo magmula pa kanina.”

Napatingin na siya sa akin. “Ano naman iyon babaeng mandirigma?” takang tanong niya.

“Hindi ba't sinabi ko na kanina ang aking pangalan sa inyo ngunit bakit tila hindi ko pa iyon naririnig na itinawag mo sa akin. Pulos babaeng mandirigma lamang ang tawag mo sa akin Eriza. Hindi mo ba nagustuhan ang aking pangalan?” Kunwari ay nagtatampo ako sa kaniya.

Napatulala siya sa akin ngunit marahas na umiling-iling din pagkatapos. “Nagkakamali ka babaeng madirig—ay mali. H-hemira. Maganda ang iyong pangalan at kasingganda mo nga iyon.”

Napatawa ako dahil sa kaniyang naging reaksyon. Namula na naman siya dahil doon.

“Ikaw rin Eriza. Maganda ka rin at puti pa ang iyong puso.”

Mas lalo siyang namula sa aking sinabi. “Ahh... H-hemira, pupuntahan ko muna ang aking nakababatang kapatid. Maiwan muna kita.”

Tinanguhan ko siya at doon ay tumakbo na siya paalis. Pumunta siya sa isang mas maliit na lalaking hoblin na nakahiga sa isang sapin na tela sa lupa. May kinuha siya sa loob ng kaniyang damit at nang makita ko iyon ay iyon ang tinapay na binigay ko sa kaniya kanina. Kaunti lamang ang bawas doon.

Tinulungan niyang makaupo ang kaniyang kapatid saka ipinakain ang tinapay na iyon dito. Gutom na gutom namang kinain nito iyon na sobrang payat din.

Kita ko ang kasiyahan sa mukha ni Eriza habang tinitignan ang kaniyang kapatid na kumakain ngunit nalulungkot naman ako para sa kaniya. Sigurado ako na gutom na gutom na rin siya at pagod dahil sa paghahabulan na nangyari sa amin kanina para sa aking lagan.

Tumayo na ako at muling tumingin kay Ginoong Orum na nakatingin lamang din sa akin. “Ginoong Orum, ayos lamang po ba na nasunog ang ilang parte ng kagubatang Kobal? Ipagpatawad n'yo po dahil iyon ay aking kagagawan.” Yumuko ako sa kaniya tanda ng paghingi ng tawad.

“Ayos lamang iyon Hemira. Sigurado naman akong napatay na ng ulang malakas ang apoy na iyon. Tataniman na lamang namin ng panibago na madali lamang naman na gawin. Mabilis din naman ang pagtubo niyon kaya huwag ka nang mag-alala pa. Ginawa mo lamang naman iyon upang protektahan ang iyong sarili, hindi ba? Babalik din sa dating pagiging makulay at makintab ang kagubatang iyon.” Nakangiti siya sa akin.

Nakahinga ako nang maluwag dahil mukhang hindi ko naman pala tuluyang nasira ang kanilang tahanan at pinagkukuhanan ng pagkain.

“Ikaw naman Hemira ang aking tatanungin. Bakit napadpad dito ang isa sa mandirigma ng kahariang Gemuria? May naging problema ba?” Nakatingin siya sa akin nang kalmado lamang.

“May misyong iniatas sa akin at kailangan ko iyong mapagtagumpayan bilang isa sa mga mandirigma ng aming kaharian.”

Hindi ko dinetalye ang aking mga sinabi dahil sikreto ang misyon kong ito.

Ni hindi man lamang ito nalaman ng mga mandirigmang aking pinamumunuan miski ni Abun dahil pagkatapos ibigay sa akin ng hari ang utos na pagbawi sa prinsesa ay agad din akong umalis ng palasyo na walang kahit sinong kinausap kung hindi si Ginoong Sueret lamang.

“Ganoon ba?”

Tinanguhan ko siya.

Tatalikod na sana siya upang umalis...

“Ahh... Ginoong Orum, may isa pa rin po akong katanungan sa inyo kung inyo itong mamarapatin.”

Napatigil siya sa pag-alis at muling napaharap sa akin. “Ituloy mo.”

“Batid n'yo po ba kung ano ang paraan upang mapaalis o mapuksa ang mga hypnalis na iyon na nang-agaw sa inyong tirahan?”

Nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa aming dalawa.

Halatang hindi niya inaasahan ang aking naging tanong ngunit nang makabawi na siya ay humarap na siyang muli sa akin nang maayos. “Oo. Batid ko ang paraan para sila'y mapaalis ngunit kapag iyon ba ay aking sinabi sa iyo ay tutulungan mo kami na mabawi ang aming tirahan na inagaw nila sa amin?” Bakas na bakas sa kaniyang tinig ang pag-asa at pagnanais na umo-o ako sa kaniyang katanungan.

“Susubukan ko po sa abot ng aking makakaya.” seryoso kong sabi sa kaniya.

Lumapit siya sa akin. “Bakit mo naman iyon gagawin para sa amin? Hindi ka ba natatakot na magiging kapalit niyon ay ang iyong buhay? At hindi ba't sinabi mong may misyon ka pang kailangan mong mapagtagumpayan?” Nakatingala siya sa akin dahil sa taas ko sa kaniya.

Napatingin ako kay Eriza na ngayon ay inaalagaan ang nakababata niyang kapatid na nakahiga sa kaniyang payat na binti. “Isa sa misyon namin, kaming mandirigma ng kahariang Gemuria ang protektahan ang nasasakupan ng aming kaharian kahit pa buhay namin ang maging kapalit at isa kayo sa mga iyon. Nandirito na rin naman po ako ay gagawin ko na ang aking tungkulin na protektahan kayo. Gusto ko po sanang hingiin ang inyong paumanhin dahil ngayon lamang namin didinggin ang inyong hinaing.” Yumukong muli ako sa kaniya.

Nagulat ako nang bigla niyang bitawan ang kaniyang tungkod at pabagsak na lumuhod sa akin kaya naman napatingin sa amin ang lahat ng mga hoblin na naririto.

Nakaluhod siya sa akin kaya naman umupo ako upang alalayan siyang tumayo ngunit ayaw niyang tumayo. “A-ano ang iyong ginagawa ginoong Orum?” Hindi ko malaman ang aking gagawin.

Nanatili siyang nakaluhod at nanatili rin ako sa ganoong pwesto ko. “Maraming salamat Hemira! Maraming salamat sa iyong malasakit sa amin mandirigma ng Gemuria! Sa iyong pagpayag na tulungan kaming mapaalis ang mga hypnalis na iyon sa aming tahanan ay napakalaking bagay na para sa amin! May pag-asa na kaming makabalik sa Kobal at makapamuhay na muli nang maayos. Hindi ko man nais i-atang sa iyo ang napakabigat na bagay na ito subalit hindi na talaga namin kayang manatili pa rito sa lugar na ito kaya maraming salamat na ikaw ay pumayag!” Mas iniyuko niya pa ang kaniyang ulo na halos dumikit na sa lupa.

Nagsiluhuran din ang iba pang mga hoblin. “Maraming salamat sa iyong pagpayag mandirigma ng Gemuria.” sabay-sabay nilang sabi saka nagsiyuko na rin.

Tumingin ako kay Eriza na nakaupo at nasa binti pa rin ang ulo ng natutulog na kapatid. Bakas sa kaniyang mga mata ang pag-asa at katuwaan.

“Bilang mandirigma ng Gemuria ay sisikapin ko nang lubos na makauwi na kayo ng Kobal ngunit bago iyon, ano po ba ang paraan na magapi ko ang lahi ng hypnalis na iyon ginoong Orum? Sabihin ninyo sa akin ang kahit ano na makatutulong sa akin na sila'y aking magapi.” Nakaalalay pa rin ako sa kaniya.

Tumingala siya sa akin. “Kailangan mong puksain ang kanilang pinuno upang lahat sila ay maglaho. Kailangan mong puksain si Hypnal.”

Nangunot naman ang aking noo. “Hypnal? Saan ko po siya matatagpuan?”

Tinulungan ko na siyang tumayo at nagsitayuan na rin ang iba pang mga hoblin. “Si Hypnal ay ang pinakamalaking itim na ahas at ina ng lahat ng mga hypnalis sa lugar na ito. Ang kaniyang pugad ay matatagpuan sa malaking kwebang kaniyang ginawa upang maging pahingahan. Napakamakamandag niya dahil masabuyan ka lamang ng kaniyang laway ay magiging abo ka na sa labis na kamandag nito kaya walang sumusubok na siya ay kalabanin. Hindi ko alam kung ano ba ang makakatalo sa kaniya ngunit ang batid ko ay hindi tinatablan ng napakakunat niyang balat ang mga hiwa na gawa ng espada o kahit anong matalas na bakal.”

Napatango-tango ako sa aking mga nalaman.

“Ngayong nalaman mo na ang lahat ng ito, handa ka pa rin bang makipaglaban sa kaniya para sa aming kapakanan?” Bakas na bakas sa mga mata niya ang matinding paghihintay sa aking magiging sagot.

Tumango ako sa kaniya at napuno ng sobrang kasiyahan ang kaniyang mukha. “Maraming salamat talaga Hemira! Maraming salamat!” Nanginginig na ang paghawak niya sa kaniyang tungkod sa sobrang kasiyahan.

“Ginoong Orum, aalis na po ako upang puntahan ang pugad ni Hypnal. Ipinapangako ko po sa inyo, ibabalik ko sa inyo ang inyong tirahan. Ibabalik ko sa inyo ang kagubatang Kobal.” seryoso kong sabi saka ako yumuko.

Nang i-angat ko na ang aking mukha ay nakita kong may mga luhang pumatak sa papikit niya nang mga mata. Suminghot-singhot pa siya ngunit ngumiti ang kaniyang mga labi. “Kung gayon, mag-iingat ka Hemira. Aasahan ko ang iyong pangako at ang iyong ligtas na pagbabalik.” Patuloy pa rin ang pagdaloy ng kaniyang mga luha sa magkabila niyang pisngi.

Tumango ako sa kaniya.

Napatinging muli ako kay Eriza at nakatingin pa rin siya sa akin.

Lumabas na ako gamit ang maliit na pinto saka pinuntahan si Nyebe na nanginginain lamang ng damo at tinanggal ang pagkakatali niya sa puno. Tumila na rin ang malakas na ulan.

Sumakay na ko sa kaniya. “Hiyaaaahhhh!”

“NEHEEEEEEEEE!” Tumakbo na siya patungo sa kagubatang pinanggalingan namin kanina.

Patawad Ginoong Sueret, mahal na hari at Prinsesa Ceres ngunit kailangan ng mga Hoblin ang aking tulong. Hindi ko maaatim na basta na lamang silang iwanan pagkatapos kong malaman ang kanilang sitwasyon.

Pinapangako ko, prinsesa… Pupuntahan kita.

Ililigtas kita at muling ibabalik sa kahariang Gemuria, sa iyong amang hari at inang reyna at sa mga nabubuhay na nangangailangan sa iyo.

Pinapangako ko iyan!

“Hiyahh!” sigaw kong muli kasabay nang pagsipa ko kay Nyebe sa kaniyang tagiliran.

Gumawa naman siya ng ingay saka bumilis pa lalo ang kaniyang takbo.

Maghanda ka Hypnal! Tatapusin ko ang iyong buhay sa oras na ikaw ay akin nang matagpuan!

* * *

Kagubatang Kobal - ang kagubatang ito ay isang napakakulay na kagubatan na tinitirahan ng mga hoblin na nangangalaga rito.

Sa sikat ng araw ito nagiging makulay at natutuyo naman sa gabi ngunit kung ang mga punong ito ay mahahawakan ng mga hoblin ay napapanatili ang pagiging makulay nito.

Maraming tao ang naghahanap sa kagubatang Kobal dahil pinaniniwalaang ang mga makukulay na dahon at halaman ay maaaring gamot sa mga malulubhang sakit at hindi naman ito pinagdadamot ng mga hoblin sa mga taong nangangailangan ng mga dahong ito.

Hypnal - ang ina ng mga hypnalis.

Napakarami niya kung mangitlog kaya naman nagagawa niyang masaklobp ang isang lugar na kaniyang pinupuntahan at ginagawang lungga.

Napakakunat ng balat nito kaya naman nasisira o nababasag lamang ang mga matutulis na bagay na ipinanglalaban dito. May mga sumubok na noon na kalabin ang isang hypnal ngunit nang masabuyan sila ng laway nito ay naabo sila wala pang isang segundo.

Hemira, Anim na mga Kasamahan [VOLUME 1]Where stories live. Discover now