Part 1

11.9K 344 21
                                    


"MAX'S na naman!" reklamo ni Yssa. Sa loob ng linggong iyon ay pangatlong beses na silang manananghalian ni Mike sa Max's Restaurant.

"Bakit ka nagrereklamo? Ikaw ba ang pinagbabayad ko?" ngisi sa kanya nito habang ipinapasok ang susi sa ignition. Ilang saglit pa at mabilis nang tumatakbo ang itim na Musso nito sa EDSA.

"Hindi nga," ungol niya. "Kaya lang, pakiramdam ko, amoy-spring chicken na ako."

Pabirong dumukwang sa kanya ang binata. Suminghot. "Hindi pa naman, ah! Pero malapit na." Binuntutan nito ng tawa ang sinabi.

Malapit lang sa opisina nila ang restaurant. Bago pa mauwi sa usual na bangayan ang issue na iyon ay pinababa na siya nito habang humahanap ng espasyo sa parking lot.

Nakaorder na rin siya ng paborito niyang pagkain nang lumapit ito sa mesa. Nakataas ang kilay niyang iniabot dito ang menu. Alam niya, hindi na naman kailangan iyon. Kilala na nga sila ng mga waiters doon sa dalas ng pagpunta nila.

"Okay pala ito, ah! Ngayon ko lang naisipang orderin." Matapos ang dalawang sunod na subo sa potato salad ay saka lang kumibo si Mike. "Here, taste it." Nasa tapat na ng bibig niya ang kutsarita at wala siyang choice kung hindi ang tanggapin iyon.

"Huwag ka nang magsalita riyan. If I know, kung mga sampung beses lang na dito tayo kakain, puro iyan ang oorderin mong dessert," aniya nang malulon ang isinubo.

"Sungit!" pabirong singhal nito sa kanya. "Sa lahat ng sekretarya, ikaw ang matapang na sagut-sagutin ang boss mo."

"Sa lahat din naman ng boss, ikaw ang masuwerte sa sekretarya mo. Biro mo, wala akong reklamo. Kahit saan mo ako dalahin, bow lang ako nang bow."

"Magastos ka naman. Hindi kita mapakain sa turu-turo."

She rolled her eyes. "Excuse me. Ang alam ko ay ikaw itong sosyal. Ni hindi ka nga kumakain ng nakakamay."

"Here we go again," buntunghininga ni Mike na tila sumusuko na. "Walang-katapusang sumbatan."

"At sino ang nagsimula? Not me, for all we know."

"All right, you win." Dinampian na nito ng table napkin ang bibig at kinuha sa wallet ang card. Ilang sandali pa ay palabas na sila ng restaurant.

Nasa basement parking na sila ng Agustin Building nang may maalala siya.

"Mike, may meeting ka nga pala nang one-thirty." Halata ang guilt sa tono niya.

"What?" gulat na wika nito. "My Yssa," iiling-iling na bulong nito at saglit siyang nilingon.

"Sorry, nakalimutan ko," aniyang iniiwas dito ang tingin. "Sa boardroom lang naman ang venue. Weekly meeting with the department heads."

"Hindi ba every Thursday natin iyon ginagawa? Wednesday pa lang ngayon."

"You have an emergency meeting with the board of directors tomorrow. Ang papa mo ang nagpatawag niyon."

"At ngayon mo lang sinabi sa akin?" May himig na ng galit sa tono nito. At kapag ganoon ang boses ni Jose Miguel Agustin ay nakakalimutan niyang magkaibigan sila. Mas nagiging matining ang katotohanang subordinate siya nito.

Hindi na siya kumibo. Kahit mag-sorry siya ay hindi makaka­bawas sa pagbabago ng mood nito. The least she could do was to shut up for a while.

Showroom ang buong ground floor ng Agustin Building. Sa isang gilid niyon ay ang elevator. Ang ibang palapag ay pinauupahan bilang office spaces.

PRETENDERS IN LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon