A Vlogger's Death Part III [✔]

1 0 0
                                        

NEAH’s P.O.V.

        Napabalikwas ako ng bangon dahil sa panaginip kong iyon. Ngayon ko lang napansin na umuulan na pala ng malakas sa labas. Rinig na rinig ko ang bawat patak na nagbibigay sa akin ng kakaibang pakiramdam.

        Hindi ko alam kung bakit ko ba nakita ang masamang panaginip na iyon samantalang wala naman akong ginawang masama sa kanila. Kinuhaan ko lang naman sila ng litrato. Kailangan kong kausapin si Annie.

        May kung anong bagay ang kakaiba sa camerang nasa sa akin ngayon. Hindi lang ito basta camera, at alam kong may alam sa nangyayari si Annie kaya ganoon na lamang ang galit niya noong kinuhanan ko siya ng litrato.

         Nagtungo ako sa aparador para tignan ulit ang camera. Binuksan ko ang mga litratong nakuhaan dito. Ang mga mata ni Annie na puting puti, pati ang batang walang ulo ay mukha talagang totoo. Ganitong ganito ang mga nakita ko sa aking panaginip.

        Mabilis kong ibinalik iyon sa aparador dahil sa nararamdaman kong takot. Isinara ko ng pagkalakas lakas ang takip nun kaya naman nahagip ng aking mga mata mula sa salamin ang batang walang ulo.

        Napalingon ako sa aking likuran. Wala. Wala roon ang bata. Maaaring nadadala lamang ako ng takot at imahinasyon ko. Kaagad akong nag-ayos saka dinampot ang camerang nakuha namin sa shop ni Annie. Kailangan kong ibalik sa kanya iyon, kung hindi niya tatanggapin ay mapipilitan akong itapon na lamang iyon kung saan.

        Mabuti na lamang at naalala ko pa ang daanan papunta sa shop ni Annie. Alam kong delikado ang magpunta rito mag-isa, lalo na ngayon dahil may galit siya sa amin. Pero alam kong ito ang tama. Kailangan kong malaman ang totoo, kahit matakot man ako. Ibang-iba siguro ang pakiramdam kung nandito si Paolo sa tabi ko.

        Bago pumasok sa eskinita, nadaanan ko ang isang bahay na sobrang pamilyar sa akin. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil dumaan na kami rito kahapon. Makikita mo mula sa labas na may nagaganap na burol sa loob ng bahay. Hindi ko rin alam kung kaninong burol iyon. Hinayaan ko na lamang bago tuluyang dumiretso papasok sa eskinita.

        Bumungad kaagad sa aking paningin ang shop ni Annie. Tumuloy na ako sa loob kahit na hindi pa nagpapaalam.

“Annie! Nasaan ka?!” pagtawag ko.

        Mga ilang beses din akong nagtawag pero walang sumasagot. Maya-maya pa ay nakarinig ako ng mga kaluskos galing sa aking likuran. Agad akong humarap sa kung sino man iyon.

“Sino kayo?!” mariin na saad ni Annie.

         Halos matumba ako nang dahil sa panlalambot ng aking tuhod nang makita ko ang kaniyang itsura. Ibang iba na ang mukha niya ngayon. Kung kahapon lamang ay makikita mo ang sigla at saya sa kaniyang mga mata, ngayon naman ay wala ka nang makikitang kahit na ano roon. Blanko. Literal na namumuti ang kaniyang mga mata, kagaya ng nakita ko sa litrato.

“Annie?! Anong nangyari sayo?” tanong ko.

“Sino ka?!”

“Hindi mo ba ako naaalala? Ako ’to, si Neah.”

        Nahalata ko sa mga kilos niya ang pagiging maligalig. Hinawakan ko siya sa kamay pero hinawi niya iyon saka humarap sa may kanan niya.

“Huwag mo akong hahawakan! Kasalanan mo ang lahat ng ’to!” bulyaw niya ngunit hindi siya sa akin nakaharap.

“Annie... Nandito ako,” sambit ko.

          Hinarap niya ako saglit bago pinakinggan kung saan man nanggagaling ang mga tunog at ingay na ginagawa ko. Ngayon ko lamang na-realized na bulag pala siya, at hindi niya ako nakikita simula kanina pa.

A Vlogger's Death [PUBLISHED UNDER UKIYOTO PUBLISHING✔]Where stories live. Discover now