Prologue

27 3 2
                                    

"Ikaw ang balang gagamitin ko para makapaghiganti sa pamilya mo!" nagpupuyos sa galit na saad ni Gun. Gamit ang kanang kamay hawak niya sa leeg si Bullet.

"Kung ikaw ang baril na kakalabitin ko para sa hustisiyang gusto mo at kaligayahang inaasam mo. Kahit ikamatay ko, susugal ako para sa iyo," pilit na bigkas ni Bullet kahit pa nga nahihirapan na siyang huminga mula sa pagkakasakal ni Gun.

Itinutok niya ang baril kay Bullet. Galit na galit niyang itinutok ito sa sentido ng babae.

Si Bullet naman ay napangiti, dahil kahit alam na niya ang kanyang kahihinatnan, kahit alam na niyang mamamatay siya sa kamay ng pinakamamahal niyang si Gun ay nagagawa pa rin niyang ngumiti. Dahil kahit ganoon, kasama niya pa rin ito, nakikita niya ngayon at nahahawakan. Na kahit sa huling sandali ng buhay niya, kasama niya ang lalaking pinag-alayan niya ng lahat.

Ngumiti siya pero may luhang rumagasa sa kanyang mga mata. Nakangiti siya pero may pait sa kanyang panlasa. Nakangiti siya pero unti-unti na siyang pinapatay sa loob, ang isiping ang kamatayan niya ang kalayaan at kaligayan ng lalaki.

"Handa akong mamatay para makalaya ka sa paghihiganti mo. Para makalaya ka sa hinanakit na dala ng nakaraan mo, Gun. Ganoon kita kamahal. Ganoon ko kayang magsakripisyo para sa ikaliligaya mo. Mahal kita," muli niyang saad habang hilam na ng luha at halos hindi na niya maaninag ang lalaki.

Mas lalong idiniin ni Gun ang baril sa kanyang sentido, naglandas na rin ang luha sa kanyang mga mata. Bagay na hindi niya nagagawa sa iba, ang iyakan ang mga ito.

"Kung sana hindi ka naging anak ng taong kinasusuklaman ko! Kung sana ibang tao ka na lamang, sana isa ka sa kaligayahan ko!" Lumuluhang saad ni Gun sa kanya. Nanginginig na kinakalabit ang gantilyo ng baril. "Patawarin mo ako kung mas naging matimbang ang galit ko kesa sa pagmamahal na meron ako sa iyo," nahihirapang palahaw ni Gun bago kalabitin ang baril.

Alingawngaw ng putok ng baril ang narinig sa kuwartong iyon. Kasabay ng pagbagsak ng isang katawan na wala ng buhay, naliligo sa sariling dugo.

Napaluhod si Gun sa sahig habang tumatawa. Parang baliw na tumatawa ito pero ang luha ay ayaw magpaawat sa pagpatak. Nanginginig na tinitigan ang duguang kamay.

"Nanalo ba ako, ikinapanalo ko ba ang pagpatay ko rin sa puso ko?" piping tanong niya sa sarili bago itinutok ang baril sa sariling sentido. "Siguro sa kabilang buhay, o kapag isinilang tayong muli, sana iba na ang nakatadhana sa atin. Sana hayaan na tayong lumigaya sa piling ng isa't isa. Sana malaya na tayong magmahal. Malaya na kitang mahalin. Mahal kita, Bullet."

Gun and Bulletحيث تعيش القصص. اكتشف الآن